Ayta Magbukun

Ayta Magbukun

          Áyta Magbukún ang katutubong wika ng mga Ayta Magbukún. Sinasalita ito sa 12 komunidad ng Ayta Magbukún na nása lalawigan ng Bataan partikular sa bayan ng Abucay, Bagak, Dinalupihan, Limay, Mariveles, Morong, at Orion. 

          Tinatáyang 50% ng kabuoang bílang mga Ayta Magbukún sa buong lalawigan ng Bataan ang itinuturing na passive bilingual. Ibig sabihin, nakauunawa sila ng wikang Ayta Magbukún, ngunit hindi nakapagsasalita ng wika. Tagalog na rin ang wikang sinasalita sa bawat tahanan ng pamilyang Ayta Magbukún kayâ Tagalog na rin ang unang wikang natututuhan ng kanilang kabataan.

          Sa kasalukuyan, may nasimulan nang pagsisikap ang DepEd para sa IPEd at Mother-Tongue ng Ayta Magbukún. Nagpapatuloy rin ang sinimulan noong 2018 na programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program sa komunidad ng Bangkal, Abucay, Bataan para sa muling pagpapasigla ng wikang Ayta Magbukún.*

*datos mula sa isinagawang dokumentasyon ng KWF noong 2015

Pangalan ng Wika Áyta Magbukún
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Magbukún
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Áyta Magbukún
Sigla ng Wika Matinding nanganganib (KWF Res 18-33, s. 2018)
Klasipikasyon Central Luzon, Sambalic
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 141 household sa Bangkal (pagtatáya ng mga namumuno sa komunidad noong 2020)
Lokasyon

Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan ang komunidad na may pinakamalaking bílang ng sambahayan na nása 141;

Subalit, ang Brgy. Dangcol, Balanga, Bataan ang itinuturing na sentrong komunidad ng mga Ayta Magbukun dahil nása Balanga ito na sentrong bayan ng Bataan.

Sistema ng Pagsulat Titik/Alpabetong Romano
Iba pang Talâ Nakatatandang henerasyon na lámang ang gumagamit ng wika.

Responses