Mga Wika ng Pilipinas
Mayroong tinatáyang 130 wikang sinasalita, at isang wikang senyas ang ginagamit ng iba-ibang etnolingguwistikong pangkat. Kabílang ang karamihang wika sa Pilipinas sa malaking pamilya ng wikang tinatawag na Austronesian. Ang pamilyang Austronesian ay kinabibílangan ng higit sa 1,000 wikang sinasalita sa Taiwan, sa Island Southeast Asia, sa mga isla ng Pasipiko hanggang sa Easter Island sa silangan, at hanggang sa Madagascar ng Africa sa kanluran. Ang mga Austronesian ay sinasabing nagmula sa Taiwan at naglakbay patimog sa mga isla ng Pilipinas bago sila kumalat pakanluran at pasilangan.
Bukod sa mga wikang Austronesian, ginagamit din sa bansa ang Chabacano at Filipino Sign Language. Ang Chabacano ay isang creole na nabuo sa ilang lungsod/pook sa iba-ibang bahagi ng Pilipinas. Madalas ito ay nakikíta sa mga lugar na malápit sa baybayin, at kinakikitaan ito ng mga katangian ng ilang katutubong wikang Austronesian at Español. Ang Filipino Sign Language naman ay ang katutubong wikang senyas na ginagamit ng mga Binging Pilipino.