Pabatid sa Pagiging Pribado

Kinikilala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kaniyang mga tungkulin sa ilalim ng Batas Republika Blg. 10173, o mas kilalá bílang Data Privacy Act of 2012, hinggil sa pangongolekta, paggamit, pagpoproseso, pag-iimbak, at/o pagbubura ng personal na datos ng indibidwal. Bílang pagtalima sa Batas Republika Blg. 10173, kaugnay ng pag-akses sa Repositoryo at paggamit ng mga materyal, inilalahad ang sumusunod na termino sa pagproseso ng personal na datos.

Kokolektahin ang inyong personal na datos tulad ng, subalit hindi limitado sa, pangalan, edad, kasarian, kaarawan, kontak, institusyong kinabibilangan, at larawan ng valid ID. Maaari kayong tumutol na iproseso; hilinging maakses; at/o iwasto, isapanahon, ipabura, o i-block ang inyong personal na datos.

Sa pamamagitan ng matutukoy na kawani, ang KWF ang tanging mayroong karapatan na iproseso at iakses ang pisikal o birtuwal na kopya ng inyong personal na datos. Walang ikatlong panig ang pagkakalooban ng akses o bahagi ng personal na datos.

Ipatutupad ng KWF ang makatuwiran at angkop na pamantayan upang matiyak ang seguridad ng pisikal at birtuwal na kopya ng inyong personal na datos; gayundin, ang mga karapatan at polisiya na itinatakda ng Batas Republika Blg. 10173, at iba pang kaugnay o umiiral na batas.