Lingguwistikong Etnograpiya ng Gaddang

Estruktura ng Lipunan

Ang Pamilyang Gaddang  Gaya ng ibang katutubo, kinikilala ng mga katutubong Gaddang ang pamilya bílang isang mahalagang institusyon sa lipunan. Karaniwan itong binubuo ng ama, ina at mga  anak. Minsan pa, kapisan ang mga lolo, lola, mga apo at iba pang malalapit na kamag-anak.  Mataas ang paggalang nila sa isa’t isa at lagi nilang iniisip ang kapakanan ng bawat kasapi  ng pamilya. Ganito ang tipikal na estruktura ng pamilyang Gaddang na noon pa man ay  sinusunod ng mga nakatatandang Gaddang. Ama ang nagdedesisyon sa loob ng pamilya at  umaalalay lámang ang ina hinggil sa kung anong mabuti para sa pamilya. Karaniwang  nakikipisan ang bunsong anak kahit na ito ay may pamilya na para makasama at siyang  nangangalaga sa kanilang mga magulang. Ang ibang mga anak kapag nag-asawa ay  humihiwalay na sa kaniyang mga magulang at bumubuo ng sariling pamilya. Gayunman,  pinapayagan naman ng mga magulang na makipisan muna pansamantla ang mga anak sa  kanilang mga magulang kapag bagong kasal ang mga ito. Kapag handa na ang anak na  humiwalay, sila ay matiwasay na pinapayagan ng mga magulang upang kanilang  matutuhan kung paano bumuo at mamahala ng kani-kaniyang pamilya.  Payak ang buhay ng mga katutubong Gaddang. Pagdating sa mga pagkaing  inihahanda sa hapag-kainan, malimit na kape ang paunang inihahanda sa umaga bago ihain  ang agahan na karaniwan ay sinangag at itlog lámang. Sa tanghalian at hapunan, karaniwan  na ang isa hanggang dalawang ulam lámang ang pinagsasaluhan ng pamilya. Hindi uso  para sa kanila ang meryenda. Kung may nilagang kamote o saging ay sapat nang gawing  meryenda bago sumapit ang tanghalian o hapunan. Gayunman, mababanaag na sa kabila  ng kapayakan ng buhay, masaya at maginhawa ang kanilang pakiramdam na magkakasama  na may pagmamahalan at paggalang sa isa’t isa. Sabay-sabay kung kumain at may kani kaniyang tungkulin na ginagampanan sa loob ng bahay.   Afu lakay at afu bakat ang tawag ng katutubong Gaddang sa kanilang lolo at lola.  Sila ay tunay na iginagalang ng kanilang mga anak at apo. Sa sistema ng pagkakamag anak, karaniwang kapisan ng pamilya ang kanilang afu upang maalagaan hanggang sa  kanilang pagtanda. Ama (ama ng pamilya), ina (ina ng pamilya), tiyo (kapatid na lalaki  ng mga magulang), tiya (kapatid na babae ng mga magulang), kawayyan (mga kamag anak ng pamilya), kapitta (pinsan) at anak para sa anak ng mag-asawa. Katayug naman  ang tawag sa lalaki o babaeng napangasawa ng kanilang kapatid. Panganakan (pamangkin), atawa (asawa) katuwangan (nanay o tatay ng asawang lalaki o babae)  mannuwang sa napangasawa ng mga anak at kafalay para sa balae.   Talahanayan 23. Mga Piling Katawagan ukol sa Kasapi ng Pamilya
English  Filipino  Lowland Gaddang  Upland Gaddang
baby  bata  kalubit  kalubit
child  anak  anak  abbing
companion  kasama  bulon  bulon
family  pamilya  familya  tafalay
father (n.)  tatay  ama  ama
46 
friend  kaibigan  kolak  bafulon
household  sambahayan  tabbalay/kabbalay  tafalayan
man (n.)  lalaki  lalaki  lalaki
mother (n.)  nanay  ina  ina
offspring  anak  anak  anak
old (man)  matandang lalaki  lakay  lakay
old (woman)  matandang babae  bakat  bakat
person  tao  tolay  tulay
slave (n.)  alipin  imbut  aripan
sibling  kapatid  wayi  kolak
spouse (n.)  asawa  atawa/matawa  atawa
widow  balo  balo  balo
wife  asawang babae  atawa abafay  atawa
woman  babae  bafay  bafay
Makikita sa itaas na talahanayan ang mga katawagan ukol sa pamilya na  tinumbasan ng kahulugan batay sa lokasyon ng mga katutubong Gaddang. Ang kahulugan  ng father – ama; mother – ina; man – lalaki at offspring – anak ay hiniram sa wikang  Tagalog, samantalang ang old man – lakay ay hiniram naman sa wikang Ilokano. Sa  ganitong pagkakataon, malayang nakapanghihiram ang anumang wika para mas madaling  magkaintindihan ang dalawang táong nag-uusap.  Ang mga salitáng naitiman ay nagpapakita ng pagkakaiba ng kahulugan at ang mga  hindi naitiman ay nagpapakita ng magkakaparehas na kahulugan. Samanatla, ang tao – tolay/tulay ay nagkaiba lámang dahil sa isang ponema. Hindi masyadong malaking isyu  ang kahulugan ng tao tolay/tulay dahil ayon sa tuntunin sa pagbabaybay sa Wikang  Filipino, malayang nagpapalitan ang o at u, e at i, m at n May mga katawagan din ukol sa mga kagamitan na makikita sa loob ng bahay ng  pamilyang Gaddang. Ilan sa mga ito ay ang dayot, isang sariling-gawang duyan para sa  mga batang Gaddang. Dito pinapatulog ang batà habang ang kaniyang ina ay abalá sa  gawaing-bahay. May unan din siláng gawa sa kahoy, ang tawag dito ay fungan na  ginagamit tuwing sila ay nagpapahinga sa silong ng punò.  Maliban sa mga nabanggit, may mga mesa, upuan, higaan at lalagyan din sila ng  kanilang mga damit na karaniwang gawa sa kahoy o kawayan. Sa kusina, mayroon siláng  kalwat, gawa sa rattan na ginagamit na patungan ng kaldero sa tuwing sila ay kumakain.  Ang annarangan kung saan nila ibinibitin ang kanilang kawa na ginagamit sa pagpapainit  ng tubig, ang palataw na ginagamit na pamutol ng kahoy, ang duyag o bingkan na  karaniwang gawa sa bao ng niyog at ginagamit nila bílang plato sa tuwing sila ay kakain.  Ang ba’long at irot na ginagamit na panghalo o pansandok ng ulam at kanin, kusara  (kutsara), afab (tasa), luran, lalagyan ng kanin at ang angang (tapayan). Ilan lámang ang  mga nabanggit na maituturing na kagamitan ng mga katutubong Gaddang noon. 47  Talahanayan 24. Mga Katawagan ukol sa mga Kagamitan sa Kusina  
English  Filipino  Lowland Gaddang  Highland Gaddang
cooking pot  palayok  paryuk  parayok
ladle  kutsaron/sandok  irut  irut
mortar (rice)  lusong  attong  attong
pestle  pambayo  pabbayu  pabbayu
salt (n.)  asin  asin  asin
Makikita sa itaas na talahanayan na walang pagkakaiba sa kahulugang ibinigay ng  Lowland Gaddang at Highland Gaddang sa ilang kagamitan sa kusina. Maliban sa cooking  pot – paryuk (Lowland Gaddang) at parayok (Highland Gaddang).  Samantala, karaniwang nanggagaling ang pagkain ng pamilya sa kanilang mga  pananim sa bakuran at sa mga alagang hayop gaya ng manuk, patu at iba pa. Kahoy ang  malimit na ginagamit sa pagluluto dahil maraming sanga ng kahoy ang nagkalat sa paligid.  Isang patunay na payak ang buhay lalo na sa mga nakatira sa mga barangay o baryo.  Larawan 10. Ang pamumuhay ng mga katutubong Gaddang ng Villa Coloma, Bagabag,  Nueva Vizcaya.  Payak ang tirahan ng karaniwang pamilyang Gaddang. Walang gaanong palamuti  ngunit kumpleto sa mga modernong kagamitan gaya ng telebisyon, internet connectionrefrigerator at ilang pangunahing kagamitan na hindi gaanong magarbo. Payak ang ayos  ng salas ng bahay. May dalawa hanggang tatlong kuwartong tulugan na angkop sa may  lima hanggang walong miyembro ng pamilya. Matindi ang kanilang pagkakamag-anak.  Kapag may okasyon, sama-sama sila at nagtutulungan. Makikita ang ganitong ugali dahil  sa lokasyon ng kanilang mga tirahan.  48  Ang bawat kasapi ng pamilya ay may kani-kaniyang gawaing nakatoka bago pa  man sumikat ang araw. Karaniwang mga babae ang may responsibilidad sa mga gawaing bahay gaya ng paglilinis, paglalaba ng damit, at pagluluto ng pagkain. Samantalang ang  mga lalaki ang karaniwang may responsibilidad naman ng mga mabibigat na gawain gaya  ng pagpapakain ng mga alagang hayop, pagagawa sa bukid, pagkakarpentero at  pagsasaayos sa mga sirang bahagi ng bahay. Ang mga anak ay tumutulong sa gawaing bahay gaya ng pagluluto at paghuhugas ng pinagkainan.      Ipinapakita kung gaano kapayak   ang buhay para sa pamilyang Gaddang.   Ang mga larawan ay kuha sa Villa   Coloma, Bagabag, sa San Nicolas at Vista   Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya.  Larawan 11. Mga pamilya sa Villa Coloma, San Nicolas at Vista Alegre.  Bukás ang pananaw ng mga pamilyang Gaddang ukol sa pantay na pagtingin sa  mga babae at lalake. Naniniwala sila na ang mag-asawa ay parehong may karapatan sa  lahat ng bagay; pagdedesisyon at pamumuno sa loob ng tahanan, paghahanap-buhay at  gawaing bahay. Parehas siláng may mga bahaging ginagampanan sa pagpapalaki sa  kanilang mga anak. Ang mga anak ay may tungkuling igalang ang kanilang mga magulang.  Nababanaag ang mataas na paggalang ng mga anak sa tuwing tumatawag o kinakausap nila  ang kanilang mga magulang. Ama ang tawag ng mga anak sa kanilang ama, ina naman sa  kanilang ina at wayi sa kanilang mga kapatid.   Dati, tinatawag ng mga anak ng mga katutubong Gaddang ang kanilang mga  magulang sa kanilang mga pangalan lámang. Walang katawagang ginagamit subalit ang  pagtawag nila sa pangalan ay hindi nangangahulugang walang paggalang ang mga anak sa  kanilang mga magulang. Sadyang nakasanayan lámang na sa pangalan nagtatawagan ang  bawat isa maging sa kanilang nakatatandang mga kapatid.  Ngayon ay gumagamit na ang mga anak ng mga katawagan sa kanilang mga  magulang at mga nakatatandang kapatid ngunit ang mga ito ay sa mga wikang Ilokano,  Tagalog at English. Karamihan sa mga batang Gaddang ay gumagamit ng Papa at Mama,  49  Daddy at Mommy sa kanilang mga magulang at ate/kuya naman sa kanilang  nakatatandang kapatid. Samantala, lolo/lola naman sa mga magulang ng alinman sa  kanilang ama at ina. Insan ang gamit sa kanilang mga pinsan at tiyo/tiya sa kapatid na  babae/lalaki ng alinman sa kanilang mga magulang. Mapapansin na Tagalog o English ang  mga katawagang ginagamit ng katutubong Gaddang sa kanilang mga nakatatandang mga  kamag-anak. Ito ay impluwensiya ng kapaligiran na karamihan ng mga pamilya ay  sinasanay ang kanilang mga anak sa ganitong katawagan.  Halos lahat ng kapitbahay ay itinuturing na mga kamag-anak at tinatawag na auntie  o uncle. Samantalang ang ibang matatandang Gaddang ay tinatawag ng mga batà ng  lolo/lola. Ayon sa mga impormante, sadyang nakasanayan ng mga katutubong Gaddang  ang ganitong katawagan, isang paraan para kanilang naipapakita ang paggalang sa mga  nakatatandang mga kapitbahay kahit hindi sila tunay na magkakamag-anak.  Larawan 12. Ang panayam ng mga mananaliksik sa mga katutubong Gaddang ng  Bayombong, Nueva Vizcaya   Pagdating sa pagdidisiplina sa mga anak, sinisiguro ng mga magulang na magiging  magalang ang kanilang mga anak sa kanilang mga magulang, mga kapitbahay at sinumang  nakatatandang mamamayan ng komunidad, Gaddang man o hindi. Nais nilang maging  kapaki-pakinabang na mamamayan ang kanilang mga anak kayâ pinapag-aral nila ang mga  ito hanggang sa sila ay makatapos sa kolehiyo.  Mataas ang pagpapahalaga ng mga katutubong Gaddang sa edukasyon. Bagaman  marami sa kanilang mga ninuno ang hindi nakapag-aral, nais nila ngayon na makatapos  ang kanilang mga anak upang maging mabuti siláng mamamayan at marunong siláng  sumunod sa mga batas na ipinapatupad ng pamahalaan. Sa pangkalahatan, naniniwala ang  mga magulang na sa tamang paghubog ng anak, natatamo nila ang respeto na nararapat sa  kanila at sa sinumang kasapi ng pamilya.  Ang Pagkakamag-anak (Kinship)   Mahalaga ang maayos na relasyon sa pamilyang Gaddang. Ang maayos na ugnayan  sa loob ng tahanan ay labis nilang pinapahalagahan. Masasabing malawak ang saklaw ng  kanilang pagkakamag-anak sapagkat itinuturing nila na malapit na kamag-anak ang lahat  ng nakakaugnay nila kahit ito ay sa pamamagitan ng affinity 50  Ang mga ‘in-laws’ ay itinuturing na bahagi ng isang pamilya at madalas ay  kasamang naninirahan sa iisang bubong. Ang pagsasagawa ng mga pagtitipon ng mga  magkakamag-anak (clan reunion) para matunton at makilala ang mga tunay na kamag anak ay malimit din nilang gawin.  Minsan, maski ang kanilang malalapit na kapitbahay ay itinuturing din nilang  kamag-anak kahit na walang pormal na paraan ng pagtutunton kung paano sila naging  magkakamag-anak. Ang ganitong nakasanayan ng pamilyang Gaddang ay uso maging sa  ibang angkan o tribu.  Sa kabuuan, maituturing na extended family ang uri ng tahanan ng mga katutubong  Gaddang. Karaniwang magkakapisan ang mga kasapi ng pamilya mula sa mga lolo/lola  hanggang sa mga apo. Mas nananaig din ang pagkakaroon ng bilateral system na pamilya  sa mga Gaddang. Nagpapatunay dito ang madalas na pagtitipon ng mga magkakamag-anak  lalo na kapag may natatanging okasyon ang pamilya. Mahalaga para sa kanila ang maayos  na pakikitungo sa bawat kasapi at kamag-anak ng pamilya.    Tuwing nagtitipon ang mga magkakamag-anak, Tagalog o Ilokano ang ginagamit  sa pagbabatian at sa pag-uusap. Bihira na sa kanila ang gumagamit ng wikang Gaddang  dahil marami sa kanila ay nakapag-aral o nakatapos ng kurso. Maaari ding ang mga bayaw o hipag ay hindi katutubong Gaddang kayâ kailangan nilang mag-usap sa wikang  naiintindihan ng lahat ng kasapi ng pamilya.  Ayon sa mga impormante, kapag sila ay nagtitipon ay ugaling Ilokano at Tagalog  na ang umiiral sa batian, pagkaing inihahanda, at sa proseso ng paghahanda ng programa.  Ika nila, ito ang mga pangyayaring hindi maiiwasan sapagkat nakasanayan ng mga  nakababatang Gaddang. Wala nang nagluluto ng kakanin at naglalaro ng lumang laro dahil  cellphone, computer, at videoke ang kadalasang pinagkakaabalahan ng mga magkakamag  anak sa tuwing may pagtitipon.  Sa ganitong paraan, maipapakita ang maayos na relasyong pampamilya lalo na sa  panahon na may pagdiriwang ang alinman sa mga kamag-anak. Ilan sa mga mahahalagang  okasyon na malimit na nagsasama-sama ang pamilya ay sa tuwing may nagdiriwang ng  kaarawan, nagtapos ng pag-aaral, pumasá sa board exam, nagtagumpay sa gawain,  namatay na kamag-anak at iba pang kaugnay na gawain o pagdiriwang na kadalasan na  siyang dahilan upang magtipon-tipon ang bawat kasapi ng pamilya. Minsan, umuuwi ang  sinumang kasapi ng pamilya mula sa malayong lugar o ng ibang bansa, makasama lámang  ang kanilang mga kamag-anak sa mga ganitong natatanging pagtitipon.  Dapat mapanatili ang maayos na relasyon sa pamamagitan ng palagiang pagtitipon tipon ng bawat kasapi ng pamilya. Sa ganitong pagkakataon, lalong mapapatatag ang  relasyon at pagkakamag-anak. Marami na ngayon ang nag-aaway-away na magkakapatid.  Iisang pamilya, sila-sila ang nagbabangayan. Kayâ kailangang maipakita sa mga kabataan  ang kahalagahan ng matatag na relasyong pampamilya, ika ng isa sa mga impormante sa  panayam ng mga mananaliksik.  51   Kahit anong uri ng okasyon, hinding-hindi nang-iiwan ang tunay na kamag-anak.  Malimit din na nagtitipon ang mga kasapi ng pamilya kahit na walang mahalagang  pagdiriwang. Minsan, magkakasama lámang sila ay sapat nang nagpapatatag sa kanilang  relasyon. Ang pagpipiknik, pagkain nang sabay-sabay sa bukid kapag panahon ng anihan  ang ilan sa mga malimit gawin ng pamilyang Gaddang.    Gaya ng ibang pamilyang katutubo, ang mga katutubong Gaddang ay isang  magandang halimbawa o mukha ng tunay na pamilyang Pilipino. Ito ang napatunayan ng  mga mananaliksik sa maikling panahon ng kanilang pakikipamuhay sa kanila.   Larawan 13. Mga pamilya sa Roxas, Solano at Villa Coloma, Bagabag sa pagsasalu-salo  ng pagkain.  Ang pagkain nang sabay-sabay sa loob o labas man ng kanilang mga bahay ay  maituturing na isang maganda at masayang gawain ng isang pamilyang Gaddang. Sa  ganitong panahon nagkakaroon ng pagkakataon na magkuwentuhan, mag-usap tungkol sa  mga bagay na nagyayari sa kanila at iba pang mga isyu na dapat na mapag-usapan tungo  sa mas matatag na relasyong-pampamilya.  Ayon kay Fox, isang Amerikanong Antropologo, ang pamilyang kumakain nang  sabay-sabay ay isang mabisang paraan ng pagtuturo ng magandang asal sa mga anak. Ito  rin ay makabuluhang hakbang para maipakilala sa mga nakababatang angkan ang  kahalagahan ng nakagisnang kultura ng isang lipunan. Idinagdag pa niya na ang pagkain  ay isang materyal na karaniwang makikita sa loob ng bahay. Ang pagsasalo-salo ng isang  pamilya, marami man o kaunti lang ang pagkaing pinagsasaluhan ay isang mahalagang  ritwal o seremonya na nakasanayan nang gawin ng mga ninuno.  Samakatuwid, mahalagang magkaroon ng oras ang isang pamilya na kumain nang  sabay-sabay, kung hindi man sa lahat ng pagkakataon ay dapat gawing malimit upang  52  magkaroon ng puwang ang mga magulang o sinumang nakatatandang kasapi ng pamilya  na ibahagi ang nakasanayang kultura o pag-uugali ng kanilang lahi/tribu. Sa panahon kasi  ng sama-samang pagkain, naiipon ang isang buong pamilya. Kayâ nagkakaroon ng  pagkakataon ang mga magulang na kausapin o pag-usapan ang mga bagay-bagay na may  kinalaman sa buhay ng kanilang mga anak.  Sistema at Kaugalian sa Pagkakamag-anak  Kilala ang mga Pilipino sa malapit at matatag na relasyon nila bílang magkakamag anak. Itinuturing nila na mahalaga nilang kayamanan ang pamilya sa kabila ng kasalatan  sa tunay na búhay. Naniniwala sila na sa mga kamag-anak lámang maaaring magkaroon  ng lakas, kaagapay at kakampi ang isang tao, lalo na sa panahon ng pangangailangan.  Walang ipinagkaiba ang mga pamilyang Gaddang sa pagpaparamdam ng pagpapahalaga  at pagmamahal sa kanilang mga kamag-anak. Taglay nila ang hindi matatawaran at  magandang sistema ng pagkakamag-anak gaya ng mga sumusunod:  Pagbabatian sa tuwing sila ay nagkikita-kita. Ngitian, kamayan, pagmamano at  pagtawag nang may paggalang. Ito ang ilan sa mga ipinapakita ng mga magkakamag-anak  na Gaddang kapag sila ay nagkikita-kita.  Pagdadamayan kapag may kamag-anak na namatay. Sa tuwing may kamag anak na namamatay, nagtitipon-tipon sila bílang isang buong pamilya. Minsan, nagsisilbi  itong isang mahalagang panahon dahil naniniwala sila na ito ang hulíng pagkakataon para  masulyapan ang hulíng sandali ng kanilang kamag-anak na namayapa.   Pagtutulungan kapag may kamag-anak na nangangailangan. Sa sandaling  walang malalapitan sa panahon ng pangangailangan, nandiyan ang mga kamag-anak na  handang dumamay. Kapag ang isang kamag-anak ay nagkasakit, naospital, nadisgrasya o  nalagay sa alanganin, laging dumadamay ang mga kamag-anak. Ang ganitong pag-uugali  ay hindi maaalis sa kanila sapagkat nakasanayan nang gawin ng sinumang nagmamahal na  kamag-anak.  Pakikipagsaya kapag may kamag-anak na nagtamo ng tagumpay. Ang  tagumpay ng sinumang kasapi ng kamag-anak ay tagumpay ng buong angkan.  Nakatutuwang makita ang ganitong pag-uugali ng pamilyang Pilipino. Ang kamag-anak  na nagtapos sa pag-aaral, pumasa sa pagsusulit, nanalo sa paligsahan, nahalal bílang  opisyal ng barangay o bayan at iba pang maaaring ikarangal ng buong pamilya ay isang  bagay na dapat na ipagdiwang. Ang ganitong pagkakataon ay hindi napapalampas ng  pamilya para ipagbunyi nang sabay-sabay.  Pagsasagawa ng reunion na nagpapatatag ng kanilang relasyong pampamilya.  Ang reunion ay isang paraan na ginagawa ng mga magkakapamilya para matunton ang  nawalay o malayong mga kamag-anak. Pinatatatag nito ang kanilang relasyon gaano man  kalayo ang ibang mga kamag-anak. Karaniwan, ginagawa nila ito taon-taon.  Pagsasama-sama sa tuwing may okasyon ang alinman sa mga kasapi ng  pamilya. Kahit simpleng pagdiriwang ng kaarawan, piknik, panahon ng taniman at anihan  ay nagsasama-sama ang mga magkakamag-anak. Bagaman, walang gaanong handa,  53  aasahan ang mga kamag-anak na dadalo dahil naniniwala sila na ang kanilang presensiya  ay sapat na makapagpapasaya sa kanilang kamag-anak.  Higit sa lahat, pagmamahalan sa kabila ng maraming pagsubok sa búhay. Nasusubok ang kamag-anak sa panahon ng pangangailangan. Bagaman, hindi lahat ng  kamag-anak ay maaaring asahan sa panahon ng kahirapan, mangilan-ilan lang naman ang  ganitong may pag-uugali. Sa bandang hulí, hinding-hindi pa rin naman mang-iiwan ang  isang tunay na kamag-anak.  Ang mga nabanggit na pag-uugali ay tipikal sa isang pamilyang Pilipino. Ito ang  nakasanayang kultura at pag-uugali na sadyang kahanga-hanga at masarap damhin.  Makikita rin ang ganitong pag-uugali sa mga pamilyang Gaddang. Ang kanilang mukha,  kilos, pagsasalita at pakikitungo sa iba ay sapat na patunay na karapat-dapat siláng  maipagmalaki at ipagdakila.  Pakikipag-ugnayan sa Komunidad  Matanggapin ang mga mamamayang Gaddang. Ipinakita ito ng Kapitan ng Villa  Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya sa courtesy call bago isagawa ang pakikipamuhay para  sa pangangalap ng datos at impormasyon. Kasama ang mga Council of Elders ng NVGIPO,  napagkayarian ang mga bagay na gagawin upang maayos at masinop na maisasagawa at  masiguro ang kaligtasan sa pangangalap ng mga datos at impormasyon. Sa isinagawang  pakikipamuhay, naramdaman ang mainit na pagtanggap ng mga pamilyang kumupkop sa  mga mananaliksik. Itinuring na kasapi ng pamilya at trinato na hindi bisita kundi bílang mga mahahalagang kaibigan. Kanilang ipinakita ang taos-pusong pagtanggap at  pagsuporta sa mga mananaliksik. Masipag nilang inalalayan, sinamahan, at inihanda ang  mga katutubong Gaddang na kasali sa mga púlong, pakikipanayam at pagsasagawa ng  Focus Group Discussion (FGD). Tumutulong sila sa paghahanda ng meryenda at makakain  sa tuwing may pagtitipon. Maluwag din nilang sinasagot ang lahat ng mga tanong upang  mas madaling mapatotohanan ang mga isyu may kaugnayan sa kanilang wika, sining at  kultura bílang kasapi ng katutubong Gaddang.  Larawan 14. Ang nása mga larawana ay sina Kapitan Francisco Elmo E. Bayatan, Jr ng  Villa Coloma , Bagabag, Nueva Vizcaya at mga Council of Elders ng NVGIPO kasama  ang mga mananaliksik.  Ang mga mamamayang Gaddang ng Bagabag, Solano, at Bayombong ay mababait  at mapagpakumbaba. Sila ay tunay na palakaibigan, masayahin, handang tumulong,  gumabay at mag-alalay sa tuwing may bisitang dumadating sa kanilang komunidad.  54  Ramdam ang kanilang mainit na pagtanggap sa kanilang mga bisita, sapat para mawala ang  anumang agam-agam o takot sa pakikipamuhay sa kanila.   Naging kaswal ang buhay sa komunidad. Namasid kung paano umikot ang  kanilang buhay sa araw-araw. Masaya, maaliwalas, maluwag at payak ang kanilang buhay  at malayo sa maingay na lungsod. Tahimik ang paligid at masarap langhapin ang simoy ng  malamig na hangin tuwing umaga. Bago sumikat ang araw, nagsisimula na ang aktibong  buhay at hinaharap ang mga gawain nang may positibong pagtanaw. Sa hapon, oras ng  pamamahinga, muling masayang nagsasama-sama ang buong pamilya.  Diumano, sila ay sanay na sa ganitong takbo ng kanilang buhay. Tahimik at payapa,  bagaman paminsan-minsan ay may dumadating na simpleng problema. Malimit, tuwing  sabado o linggo, lumalabas ang pamilya para mamasyal at mamalengke sa bayan ngunit  kadalasan, sila ay nása loob lang ng komunidad. “Mas maganda ang buhay sa baryo kaysa  sa mismong bayan. Maingay sa bayan, maraming tao at magulo. Dito, walang maraming  problema. Maraming gulay sa paligid at hindi na kailangang bilhin, ‘di-gaya sa bayan na  lahat ay binibili”, dagdag ng isang impormante.  Larawan 15. Ang larawan ng pang-araw-araw na buhay sa Villa Coloma, Bagabag,  Nueva Vizcaya  Walang kuryente sa panahong ito dahil katatapos ng mapaminsalang bagyo.  Maputik ang daan at may mga bahaging malubak dahil sa patuloy na pag-uulan.  Gayunman, masaya pa rin ang buhay. May mga maliliksing mga batang naglalaro sa ilalim  ng punongkahoy, lalo na kapag walang pasok sa paaralan.   Holen at tirador ang kanilang nilalaro. Hiyawan at takbuhan hanggang sa sila ay  mapagod. May natalo at may nanalo, ngunit sa bandang huli, masaya ang lahat at  matiwasay na naghihiwalay pagsapit ng hapon. Ngunit mapapansin na wala na siláng alam  sa mga larong kudisi, karamet, araya, palokkit at tinnawan. Mga katutubong larong  Gaddang noong unang panahon.  Sa kasunod na mga araw, nakipag-ugnayan ang mga mananaliksik sa punong  barangay ng Roxas, Solano, Nueva Vizcaya upang isagawa ang pakikipamuhay sa mga  katutubong Gaddang sa lugar. Nakausap ng mga mananaliksik ang punong-barangay  55  kasama ang ilang Council of Elders upang itakda ang mga araw at oras ng panayam sa mga  impormante. Nakita sa mga katutubong Gaddang sa lugar na ito ang tunay nilang ugali.  Sila ay palakaibigan, matanggapin at palangiti. Naging madali ang mga isinagawang  panayam sapagkat hindi nila ipinagkait ang mga impormasyong kinailangan upang maayos  na maisagawa ang pananaliksik.   Sa panayam sa ilang matatandang Gaddang sa lugar, napag-alamang ginagamit pa  rin nila ang wikang Gaddang sa kanilang pakikipag-usap sa kapwa nila Gaddang.  Gayunman, inamin nila na bihira na sa kanilang mga anak ang nakakapagsalita ng wikang  Gaddang. Tagalog ang wikang ginagamit ng karamihan sa kanila sa bahay, sa paaralan, at  sa pakikipag-usap sa kapwa nila kabataan.  Ngunit nakatutuwang isipin na may ilang mga kabataang Gaddang na may edad na  1014 ang nakakuwentuhan ng mga mananaliksik. Nagpakita sila ng kanilang husay sa  pagkanta sa katutubong Gaddang. Ayon kay G. Lannu, IPMR ng barangay, sadya diumano  nilang itinuturo sa mga kabataan ang ilang awit at sayaw ng Gaddang para tumimo sa  kanilang isipan ang ganda at kahulugan ng kanilang wika, sining, at kultura.  Idinagdag pa niya na ang ganitong gawain ay isang napakahalagang hakbang para  hindi makalimutan ng mga kabataan ang aral ng pagiging tunay na katutubong Gaddang.  Nagagamit pa diumano nila ang mga natutuhang mga awit at sayaw sa pagtatanghal lalo  na kapag may pagdiriwang ng pista ng barangay o ng bayan. Ang ganitong pag-uugali ay  labis na ikinagagalak ng mga magulang ng mga kabataan dahil hindi nila ikinakahiya na  sila ay kabílang sa katutubong Gaddang.  Ayon sa mga magulang, maraming mga kabataan ang ikinakahiya na sila ay  Gaddang kaya mas pinipili nilang magsalita ng Tagalog upang maitago ang kanilang  pagkakakilanlan. Ayon naman sa mga kabataan na nagpamalas ng sayaw at awit, hindi  diumano sila nahihiyang ipaalam kaninuman na sila ay kabílang sa katutubong Gaddang  dahil naniniwala sila na nararapat ipagmalaki ang pinanggalingang lahi. Bagaman mahusay  din siláng magsalita ng Tagalog, hindi nila diumano kinakalimutang mag-usap sa wikang  Gaddang kapag sila ay nagkukuwentuhan. Ang ganitong pagtanaw ng mga kabataan ay  isang maganda amgat dapat tularan ng ibang kabataan, ika ng isa sa mga magulang na  nakapanayam ng mga mananaliksik. 56  Larawan 16. Ang mga opisyal ng barangay na pinamumunuan ni Kapitan Jun Mc Cris  Collado, mga kabataan at mga magulang na nakapanayam ng mga mananaliksik sa  Roxas, Solano, Nueva Vizcaya  Sa pakikipag-uganayan ng mga mananaliksik sa San Nicolas, Bayombong, Nueva  Vizcaya, nakilala nila ang mga opisyal ng barangay at ilang residente na siyang nagsilbing  impormante sa pagpapatuloy ng pag-iipon ng mga datos at impormasyon.  Tahimik, payapa at masaya ang buhay sa barangay na ito. Mababait at palakaibigan  ang mga tao at hindi naging maramot sa pagbibigay ng mga datos at impormasyong  kakailanganin sa pananaliksik. Dito nakatira ang pinakaraming bílang ng mga katutubong  Gaddang. Bakas sa kanilang mukha, pananalita at pakikitungo ang pag-uugali ng tunay na  katutubong Gaddang. Sa pag-iikot ng mga mananaliksik sa barangay, napag-alaman na sa  wikang Gaddang nag-uusap ang mga tao maging karamihan sa kanilang mga anak.  Dito matatagpuan ang Bayombong West Elemtary School na pinaniniwalaang may  pinakamaraming bílang ng mga guro at mag-aaral na mga anak ng pamilyang Gaddang. Sa  panayam kay Gng. Norla S. Valdez, Punongguro ng BWES, halos lahat ng kaniyang mga  guro ay mga Gaddang at ang karamihan sa kanilang mga mag-aaral ay anak ng mga  katutubong Gaddang.  Kilala ang paaralan bílang tagapagsulong ng mga literatura at sining ng katutubong  Gaddang. Mahusay ang mga batà sa pagsasayaw at pag-awit ng mga awiting Gaddang.  Malimit din dumalo ang mga guro ng pagsasanay at mga púlong ukol sa pagpapahalaga sa  wika at kulturang Gaddang na kadalasan nilang itinuturo sa kanilang mga mag-aaral. Dahil  dito, napapanatiling buhay ang wika at kultura na labis nilang ikinagagalak.  Sa pakikipagkuwentuhan ng mga mananaliksik sa mga mag-aaral ng BWES, nakita  kung gaano kahusay ang mga batà sa pagsasalita ng wikang Gaddang. Sa tono at pagbigkas  ay mababanaag na sila ay awtentikong Gaddang. Sila diumano ay tinuruan ng kanilang  mga magulang na mga totoong Gaddang. 57  Larawan 17. Ang  opisyal ng barangay na pinamumunuan ni Kapitan Emery D.  Melad, Gng. Norla S. Valdez, Punongguro, mga guro at mga mag-aaral ng BWES ng San  Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya.  Bagaman mahusay din sila sa Tagalog, hindi nila kinakaligtaan ang pagsasalita ng  wikang Gaddang kahit sa pakikisalamuha nila sa loob ng paaralan. Matuto man daw sila  ng ibang wika ay hindi pa rin nila kalilimutan ang wikang Gaddang at patuloy na  tatangkilikin ang sining at kulturang kakabit ng wikang ito.  Ito ang magandang katangian ng paaralan sapagkat purong Gaddang ang  punongguro at karamihan sa mga guro. Dahil dito, nagkakaugnay sila sa pagsusulong na  mapalakas ang wikang Gaddang. Mahalagang magkaroon ng nagkakaisang damdamin  upang maiwasan na may kumontra kung sakaling may magandang adhikain na dapat na  ipatupad, ika ni Gng. Valdez, punongguro ng BWES.  Larawan 17. Ang mga mag-aaral ng Bayombong West Elementary School, San Nicolas,  Bayombong, Nueva Vizcaya sa kanilang pagpapakita ng sayaw ng mga katutubong  Gaddang   Sa pagatapos ng pakikipagkuwentuhan ng mga mananaliksik sa mga mag-aaral  ng BWES, sila ay hinilingan na magpamalas ng awit at sayaw sa Gaddang na kanila  namang pinaunlakan. Sa pagkakataong iyon, napatunayan ng mga mananaliksik ang husay  nila sa pag-awit at pagsayaw ng Gaddang. 58  Maaliwalas at malapit sa kabayanan ng Bayombong ang San Nicolas. Ang mga  bahay ay kongkreto at marangya ang buhay ng karamihan sa mga pamilya. Marami sa  kanila ang nakapagtapos ng pag-aaral at ang iba ay nahalal bílang opisyal ng Bayombong.  Masigla din ang kalakalan dahil sa lokasyon nito. Gayunman, mapapansin na napapanatili  ng mga mamamayan ang kanilang pagkakakilanlan bílang katutubong Gaddang. Hindi  kailanman sila nagpaimpluwensiya sa malakas na hatak ng siyudad at pag-unlad.  Sa kabiláng dako, kaiba ang komunidad ng Paitan, Salvacion at Vista Alegre,  Bayombong, Nueva Vizcaya. Dito matatagpuan ang ibang katutubong Gaddang. Malápit  sa ilog ang mga nasabing lugar. Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao at  pamamasada ng bangka naman ang iba. Sa Vista Alegre, dikit-dikit at malalapit ang agwat  ng mga bahay. Kongkreto ang karamihan sa mga bahay at malapit na magkakamag-anak  ang mga pamilya rito. Gaddang ang karamihan ng nakatira rito, bagaman may ilang Ilokano at mga Ifugao na pinaniniwalaang napadpad sa lugar.   Ayon sa impormanteng nakapanayam ng mga mananalisik, isang mayamang  pamilya diumano ang nagmamay-ari ng mga lote na tinitirhan ng mga katutubong Gaddang  sa Vista Alegre. Sila ay nangungupahan at nagbabayad ng renta ng mga lupang kinatitirikan  ng kanilang mga bahay. Ang barangay ay nása timog na bahagi at medyo malayo sa  kabayanan ng Bayombong.  Larawan 17. Ang mga mananaliksik sa pakikipag-ugnayan sa mga katutubong Gaddang  sa Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya  Sa pangkalahatan, napatunayan ng mga mananaliksik na ang mga pamilyang  Gaddang ay bahagi ng lipunan na may natatanging kontribusyon sa pagtatatag ng  mapayapa at maunlad na pamayanan. Hindi matatawaran ang kanilang kasipagan,  pagmamahalan bílang isang pamilya, kagandahang-loob lalo na kapag may mga bisitang  dumadalaw sa kanilang pamayanan. Kilala din sila bílang masunuring mamamayan,  mapagpakumbaba at may mabuting kalooban. Sila ay relihiyoso at may mataas na  paggalang sa Diyos. Patunay ang kanilang pag-anib sa iba’t ibang relihiyon at aktibong  pagdalo sa mga pagsamba at kaugnay na pagtitipon. Karamihan sa kanila ay may mataas  na pagpapahalaga sa kanilang nakagisnang sining at kultura.  Ang ilan sa mga pag-uugali ng pamilyang Pilipino ay eksklusibong napatunayan sa  mga pamilyang Gaddang na nakasalamuha ng mga mananaliksik. Sila ay kilala sa kanilang  pagiging matanggapin. Ito ang isa sa pinakakilalang mabuting pag-uuagli ng pamilyang  59  Pilipino. Kapag may bisita, ipinapakita nila ang mainit nilang pagtanggap. Agad siláng  nag-aalok ng pagkain o anumang puwedeng mapagsaluhan bílang pagpaparamdam ng  taos-pusong pagtanggap sa mga bisita. Agad na pinapaupo o kayâ ay tinatanong kung  komportable ang bisita sa kaniyang kinalalagyan.   Ang ganitong pag-uugali ay nakita rin sa mga pamilyang Gaddang sa  pakikipamuhay ng mga mananaliksik sa kanila. Bagaman hindi gaanong magarbo ang  kanilang pamumuhay, ginagawa nila ang kanilang magagawa para maipakita ang kanilang  mainit na pagtanggap sa kanilang bisita. Sa katunayan, malimit ang paghingi ng paumanhin  ng ginang ng tahanan na tinirhan ng mga mananaliksik sa kawalan ng kuryente sa mga  araw na iyon sapagkat katatapos ng bagyo at natumba ang mga poste ng kuryente. Upang  maipakita ang kanilang pagiging matanggapin, nagsisindi sila ng kandila at nagkakabit ng  kulambo sa gabi para hindi diumano makagat ng lamok ang kanilang mga bisita.  Nagkakatay sila ng alagang manok at inihahain bílang ulam, maliban sa mga bagong pitas  na gulay at prutas na iniaalok sa kanilang bisita.   Magalang ang mga katutubong Gaddang. Ang mga batà ay naringgan na  gumagamit ng po at opo sa tuwing sumasagot sa kanilang mga magulang at nakatatandang  kamag-anak. Binabati rin nila ang kanilang bisita sa tuwing dumadating sila gáling  paaralan o sa trabaho. Kahit simpleng ngiti lámang ay sapat na para maipakita ang kanilang  pagiging magalang. Ang ganitong pag-uugali ay taglay din ng ibang katutubo dahil kilala  sa kabuuan ang mga Pilipino bílang magagalang na mamamayan.  May matatag na bigkis bílang isang pamilya. Kapisan nila ang kanilang mga  anak at mga apo sa bahay. Nagsasama-sama sila sa tuwing may okasyon ang ibang kamag anak. Nagtutulungan, nagbibigayan at nagdadamayan sa oras ng pangangailangan. Sabay  kung kumain at malimit na nagsasabay din sa pagsisimba o kahit sa pamamasyal sa bayan.  Higit sa lahat, sila ay tunay na nagmamahalan sa isa’t isa.  Masipag sila sa gawain. Pagsasaka ang nakitang pangunahing hanapbuhay ng mga  katutubong Gaddang. Maliban sa pagsasaka, nangingisda rin sila kung mataas ang tubig sa  ilog, nagtatanim ng gulay at nag-aalaga ng hayop bílang alternatibong mapagkakakitaan,  namamasada ng bangka at traysikel, nagkakarpentero, nagtatrabaho sa pampribado o  pampublikong ahensiya at ang iba ay nangingibang-bansa para matustusan ang  pangangailangan ng kanilang mahal sa buhay.  Sanay sila sa simpleng buhay. Simpleng pangarap, simpleng buhay. Bagaman  simple ang buhay, patuloy pa rin siláng nagpupursige na mabago ang takbo ng kanilang  kasalukuyang kalagayan. Bílang patunay ay ang masigasig na pag-aaral ng kanilang mga  anak para magkaroon ng maayos na buhay sa hinaharap. Sang ayon kay Riana Hope, kaya  diumano siya nagsisipag sa pag-aaral ay dahil nais niyang makatapos at makahanap ng  magandang trabaho sa hinaharap. “Pangarap ko pong makatapos at maabot ang aking  pangarap para matulungan ko ang aking mga magulang balang araw”, ika ni Riana Hope  sa panayam ng mga mananaliksik.  Sila ay mapagmahal at maalalahanin. Ang ganitong pag-uugali ng mga  katutubong Gaddang ay napatunayan sa pamamagitan ng kanilang magandang relasyon  bílang pamilya. Ang ina ay maagang gumigising para ipagluto ang asawa at mga anak bago  60  pumasok sa paaralan o trabaho. Sinisiguro ng bawat isa na nagagampanan ang kanilang  tungkulin nang may pagmamahalan. Kapag nagkakasakit ang sinumang kasapi ng pamilya  ay makikita ang labis na pag-aalala.      Makikita sa larawan ang   henerasyon ng pamilyang   Gaddang sa Paracelis,   Mountain Province. Mula   sa lola patungo sa apo na   siyang pinakabatang   henerasyon ng pamilya.  Larawan 18. Ang tipikal na pamilyang Gaddang  Tinalakay ni Jujanester (2016) ang mga mabubuting katangian ng isang pamilyang  Pilipino. Ilan sa mga ito ay ang pagiging matanggapin, matatag na pagsasamahan,  magalang, mapagmahal at masipag sa gawain. Sinabi niya na ang Pilipinas ay isa sa mga  bansa na maituturing na tahanan ng mga pamilyang may kaaya-aya at positibong pananaw  sa buhay. Idinagdag niya na bagaman ang Pilipino ay nalahian na ng iba’t ibang bansa, ang  mabuting kulturang Pilipino ay buo pa rin at tunay na ipinagmamalaki bílang isang bansa.  Samantala, binanggit naman ni Ramos (2013) na sadyang masipag ang mga  Pilipino. Ama ang naghahanap-buhay at ina ang bahala sa mga gawaing-bahay at  pangangalaga sa pangangilangan ng buong pamilya. Ang lahat ng kasapi ng pamilya ay  may mahalagang tungkulin na ginagampanan. Ang bigkis ng pamilya ay isang  napakagandang katangian, isang kahanga-hanga at hindi matatawarang pag-uugali na  lalong nagpapatatag sa pamilya lalo na sa panahon ng kahirapan at pagdarahop.

Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang

Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang  Kultural ng mga Gaddang. 

RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi  ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang  nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala. 

Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:

Joey M. Villanueva  
Ma. Rousselle G. Jandoc 
Denny B. Jamil 

PAUNAWA. Hindi inilathala ang manuskritong ito. Ang pagkopya at pamamahagi sa  publiko ay ipinagbabawal.

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com

KWF Repositoryo ng Wika at Kultura ng Pilipinas 2021

Para sa mga komento at suhestiyon, maaaring mag-email sa kwf.repositoryo@gmail.com

May restriksiyon


KINAKAILANGANG MAGPA-REGISTER

Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.