abellen
Abë́llën ang tawag sa wika ng mga Áyta Abë́llën na naninirahan sa mga bayan ng San Jose, San Clemente, Mayantoc, Camiling, at Lungsod Tarlac sa lalawigan ng Tarlac. Ang wikang ito ay nabibilang sa klasipikasyong Central Luzon, Sambalic.
Sinasalita ito ng mga Áyta Abë́llën na nasa Sityo Agus at Sityo Tala, Brgy. Burgos; Sityo Baag at Sityo San Pedro, Brgy. Iba; Sityo Dirita, at Sityo Tangan-Tangan, Brgy. Maamot; Sityo Pisapungan at Sityo Cutog-cutog, Brgy. Sula; Sityo Socorro, Brgy. Moriones sa bayan ng San Jose; sa Sityo Dueg at Sityo Begkes, Brgy. Maasin sa bayan ng San Clemente; sa Brgy. Labney Proper; Sityo Cayaweda, Sityo Lawak-Langka, at Sityo Padla, Brgy. Labney sa bayan ng Mayantoc; sa Sityo Dayangdang at Sityo Pokis, Brgy. Papaac sa bayan ng Camiling; at sa Sityo Paquillao, Brgy. Care, Lungsod Tarlac. Ayon sa mga impormante, ang pangalang Abë́llën ay nagmula sa pangalan ng sapa na matatagpuan sa loob ng gubat sa lupang ninuno ng mga katutubong Abë́llën.
Ayon sa mga taga-Brgy. Maamot sa San Jose, Tarlac, 50% ng kanilang populasyon ang nakapagsasalita pa ng Abë́llën. Matatas pang magsalita ng Abë́llën ang edad 30 pataas, nakauunawa naman ng Abë́llën ang edad 12-30 subalit hindi gaanong matatas magsalita. Natututuhan pa din ng ibang bata ang Abë́llën sa kani-kanilang tahanan lalo na kapag kapuwa Ayta Abë́llën ang mga magulang. Ang iba naman ay natututo ng Abë́llën dahil itinuturo ito sa eskuwelahan.
Abë́llën ang ginagamit na wika sa loob ng tahanan ng mga Ayta Abë́llën. Tagalog at Ilokano naman ang ginagamit kapag hindi parehong Ayta Abë́llën ang mga magulang ng bata. Sa mga púlong, negosyo, politika, at transportasyon, Abë́llën, Tagalog, at Ilokano ang ginagamit na wika, Abë́llën naman ang gamit ng mga Born Again at Methodist sa simbahan. Sa social media , Abë́llën ang ginagamit kapag ang kausap o ka-chat ay marunong ng Abë́llën, at Tagalog o Ilokano para sa iba.
Sa mga kagamitang pang-edukasyon, may ortograpiyang Abë́llën nang ginagamit sa eskuwelahan nila na nabuo sa tulong ng Summer Institute of Linguistics (SIL). May mga kagamitang-pampagtuturo na rin na nakasulat sa Abë́llën na ginagamit ng mga guro sa Maamot Elementary School. May diksiyonaryo at bibliya rin sila na nakasulat sa wikang Abë́llën na naimprenta sa tulong ng misyonerong Amerikano na si Roger Stone.
Ayon sa mga impormante, malaki ang epekto ng pag-aasawa ng mga Áyta Abë́llën ng mga tagaibang komunidad. Dahil dito, kumakaunti na ang bílang ng mga batang natututo ng kanilang katutubong wika, mas natututuhan nila ang Filipino dahil ito na ang gamit ng mga magulang para magkaunawaan. Isa rin ang bullying sa nakaaapekto sa hindi na pagsasalita ng ilang kabataan sa kanilang katutubong wika.
Sanggunian:
Eberhard, D.M., Simons, G.F., & Fennig, C.D. (eds.). Ayta Abellen. Ethnologue: Languages of the World. Twenty-fifth edition. Dallas, Texas: SIL International. 2022. Online version: https://www.ethnologue.com/language/abp.
Komisyon sa Wikang Filipino. Atlas ng mga Wika ng Filipinas. Komisyon sa Wikang Filipino. 2016.
Stone, R. “The Sambalic Languages of Central Luzon.” Studies in Philippine Languages and Cultures, 19, 158-83. (2008). https://www.sil.org/system/files/reapdata/15/69/79/156979493484041517191588675149491550325/10_Stone_final.pdf
| Pangalan ng Wika | Abéllen |
| Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) | Abenlen, Aburlin, Ayta Abéllen, Aberling |
| Pangkat na Gumagamit ng Wika | Ayta Abéllen |
| Sigla ng Wika | Di-ligtas (Salik 3) |
| Klasipikasyon | Central Luzon, Sambalic |
| Mga Kilalang Wikain (dialects) | |
| Populasyon | 14,374 (PSA 2020 Census of Population and Housing) |
| Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika | 1,086 (PSA 2020 Census of Population and Housing) |
| Lokasyon |
Sityo Agus at Tala, Brgy. Burgos; Sityo Baag at San Pedro, Brgy. Iba; Sityo Dirita at Sityo Tangan-Tangan, Brgy. Maamot; Sityo Pisapungan at Cutog-cutog. Brgy. Sula; at Socorro, Brgy. Moriones sa San Jose, Tarlac Sityo Dueg at Sityo Begkes, Brgy. Maasin sa San Clemente, Tarlac Brgy. Labney Proper, Sityo Cayaweda, Sityo Lawak-Langka, at Mayantoc, Tarlac Sityo Dayangdang at Sityo Pokis, Brgy. Papaac sa Camiling, Tarlac Sityo Paguillao, Brgy. Care sa Lungsod Tarlac, Tarlac |
| Sistema ng Pagsulat | |
| Iba pang Talâ |

Responses