Álta

     Álta ang tawag sa wika ng mga katutubong Álta na naninirahan sa lalawigan ng Aurora. Ang wikang ito ay itinuturing kabilang sa subgroup ng North Luzon na Meso Cordilleran.

     Sinasalita ito ng mga Álta na nasa mga bayan ng Dipaculao partikular sa Brgy. Dianed at Brgy. Dianawan; bayan ng Maria Aurora partikular sa Sityo Malabida sa Brgy. Decoliat, at Brgy. Villa; at bayan ng San Luis partikular sa Brgy. Diteki. Hindi likás sa mga katutubong Álta ang makisalamuha sa mga táong hindi nila kaanak at kakilala. Nakarating sila sa kabundukan ng Aurora dahil sa pagpasok ng ibang mga katutubong grupo sa malawak na lupain sa Aurora at pag-iwas nila sa mga Tagalog. Ngunit ngayo’y natutuhan na nilang makisalamuha sa iba at natutuhan na rin nilang protektahan ang kanilang sarili at kanilang teritoryo. Ang terminong Álta ay nangangahulugang “táong maitim at kulot ang buhok.” Bukod sa pangalang Álta, tinatawag din nila ang kanilang sarili bílang “Edímalá” na nangangahulugang “táong nakatirá sa tabi ng ilog.”

     Hinggil sa kalagayan ng kanilang wika, sa humigit kumulang 1,000 populasyon ng Álta sa Aurora, 30% na lámang ang nakauunawa at matatás magsalita ng kanilang wika. Sila ay karaniwang matatanda na at ginagamit na lámang nila ang wikang Álta sa mga kaswal na usapan. Mas madalas na ginagamit ang wikang Filipino dalá ng pangangailangang makisalamuha sa ibang etnolingguwistikong grupo. Sa kaso naman ng kabataang Álta, wikang Filipino na ang unang wika na natutuhan nila at ginagamit sa pakikisalamuha. Ito ay dahil na rin sa impluwensya ng mga magulang na di-Álta at iba pang etnolinggwistikong grupo na naninirahan sa karatig na lugar. Ayon sa mga matatandang Álta, mas pinipili ng mga Álta na mag-asawa ng hindi mga Álta sapagkat karaniwan sa mga miyembro ng kanilang pangkat ay kamag-anak din nila. 

     Wikang Filipino at Ingles ang midyum sa pagtuturo sa lahat ng mga paaralan sa komunidad ng mga katutubong Álta at sa mga karatig na lugar. Sa kasalukuyan, wala ring mga kagamitang panturo na nakasulat sa wikang Álta. Itinuturing na isa ito sa mga salik na nakaaapekto kung bakit hindi na natutuhan ng mga bátang Álta ang kanilang katutubong wika. Sa likod nitó, marubdob pa rin ang kagustuhan ng mga magulang na Álta na maipása ang kanilang kultura, tradisyon, at wika sa kanilang mga anak. Para sa kanila, iyon ay mayamang pamána ng kanilang mga ninuno. Taóng 2024 nang simulan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), katuwang ang Aurora State College of Technology (ASCOT), ang Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP). Ang MALLP naman ay programang pangwika na nakatuon sa isahang  (one-on-one) pagtuturo ng wika ng isang mahusay na tagapagsalita (master) ng wika sa isang mag-aaral ng wika na nasa hustong gulang (adult apprentice) na.  Layunin nitong pasiglahin ang wikang Álta sa pamamagitan ng pagtuturo at/o pagsasalin ng wika sa nakababatang henerasyon, katulad ng pagtuturo ng elders sa mga magulang.   

Sanggunian: 

Komisyon sa Wikang Filipino. Álta: Wika at Kultura. Lungsod Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino. 2023

Pangalan ng Wika Álta
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names)
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Álta
Sigla ng Wika Matinding nanganganib (Salik 1) 
Klasipikasyon Northern Luzon, Meso Cordilleram, Alta 
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 1,428 (PSA 2020 Census of Population and Housing
 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika   53 (PSA 2020 Census of Population and Housing
Lokasyon Brgy. Diteki, San Luis, Aurora 
Brgy. Dianed, Dipaculao, Aurora
Brgy. Villa Aurora, Maria Aurora, Aurora 
Gabaldon, Nueva Ecija 
Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ

Responses