Áyta Ambalá

     Áyta Ambalá ang tawag sa wika ng mga katutubong Áyta Ambalá na naninirahan sa lalawigan ng Bataan at Zambales. Ang wikang ito ay itinuturing na kabilang sa subgroup ng wikang Central Luzon na Sambalic.

     Sinasalita ito ng mga Áyta Ambalá na matatagpuan sa mga bayan ng Dinalupihan, Bataan, partikular sa mga barangay ng Pita, Bayan-bayanan, Tubo-tubo, at Payangan; at sa bayan ng Hermosa, Bataan, partikular sa mga barangay ng Tipo, Mabiga, at Bamban. Sinasalita rin ito sa mga bayan ng Subic, San Marcelino, at Castillejos sa lalawigan ng Zambales. Ayon sa mga kuwento ng mga nakatatandang Áyta Ambalá, mababakás ang kanilang pinagmulan o unang tahanan sa kuwento ni Apong Guido. Ayon sa kuwento, sinubukang pagsamahin ng mga Americano ang mga Áyta Ambalá sa Sityo Alibang sa Subic, Zambales, isang kalupaan na binigyan ng titulo at ipinagkaloob kay Apong Guido. Ibinigay ang titulo kay Apong Guido dahil siya ang katutubong Áyta Ambalá na pinag-aral ng mga Americano. Samantala, ang salitang Ambalá naman ay nangangahulugang “winika ni” o “sinabi ni” sa kanilang wika.

     Hinggil sa kalagayan ng wika, nasa kategoryang Matinding Nanganganib ang wikang Áyta Ambalá. Ayon sa datos ng PSA para sa taóng 2020, 246 sambahayan mula sa kabuoang populasyon ng katutubo na 2,444 ang gumagamit ng katutubong wika. At sa mga sambahayang ito, tanging henerasyon na lámang ng matatanda ang nakakapagsalita ng wika nila. Ayon sa mga impormante, mas pinipili ng kabataang Áyta Ambalá na matuto ng Filipino dahil ito ang wikang panturo sa mga paaralan. Mayroong umiiral na paniniwala na ang pagkatuto ng wikang Filipino ang magiging daan upang makapagtrabaho ang mga katutubo sa bayan. Ito rin ang wikang ginagamit nila at wikang Ilokano sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi katutubo. Maliban pa rito, ginagamit din ng mga katutubo ang wikang Sambal sa pakikisalamuha sa ibang pangkat ng mga Áyta sa rehiyon.

     Malaki ang naging impluwensiya ng relihiyon at ibang mga wika sa kultura at wika ng katutubong Áyta Ambalá. Sa kaso ng mga Áyta Ambalá na matatagpuan sa Dinalupihan, Bataan, naging daan ang relihiyon upang magkaroon ng mga babasahing nakasulat sa kanilang wika. Sa komunidad na ito, mayroon nang mga bibliya o tekstong panrelihiyon na naisalin sa wikang Áyta Ambalá. Samantala, sa mga komunidad sa Zambales, wala pang naitatalang pagsasalin o pagsusulat ng mga teksto sa kanilang wika. Sa mga kagamitang panturo o pang-edukasyon, parehong wala pang mga materyales na nakasulat sa wikang katutubo sa dalawang lalawigan. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ng Kagawaran ng Edukasyon sa bansa. Sa kasalukuyan, ang mga wikang Filipino, Kapampangan, at Sambal ang ginagamit sa programang ito sa mga lugar kung saan nakatira ang mga Áyta Ambalá. Sa kabila nito, marubdob ang pagnanais ng mga nakatatandang Áyta Ambalá na mapaunlad at magamit pa ng mga susunod na henerasyon ang kanilang wika.

Sanggunian:

Dino, Roan Jessa, Intoy, Sheila Mae  at Rivera Jr., Federico B. “Lingguwistikong Etnograpiya ng Ayta Ambala.” Hindi nailathalang pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino. 2021. 

 

Pangalan ng Wika Áyta Ambalá
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Ambalá Sambal
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Áyta Ambalá
Sigla ng Wika Matinding nanganganib (Salik 1) 
Klasipikasyon Central Luzon, Sambalic 
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 2,444 (PSA 2020 Census of Population and Housing
 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika  246 (PSA 2020 Census of Population and Housing)  
Lokasyon Brgy. Pita, Brgy. Bayan-bayanan, Brgy. Tubo-tubo, at Brgy. Payangan sa Dinalupihan, Bataan 
Brgy. Tipo, Brgy. Mabiga, at Brgy. Bamban sa Hermosa, Bataan 
Subic, San Marcelino, at Castillejos sa Zambales 
Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ

Responses