Ayta Magbukun
Ayta Magbukun
Áyta Magbukún ang katutubong wika ng mga Ayta Magbukún. Sinasalita ito sa 12 komunidad ng Ayta Magbukún na nása lalawigan ng Bataan partikular sa bayan ng Abucay, Bagak, Dinalupihan, Limay, Mariveles, Morong, at Orion.
Tinatáyang 50% ng kabuoang bílang mga Ayta Magbukún sa buong lalawigan ng Bataan ang itinuturing na passive bilingual. Ibig sabihin, nakauunawa sila ng wikang Ayta Magbukún, ngunit hindi nakapagsasalita ng wika. Tagalog na rin ang wikang sinasalita sa bawat tahanan ng pamilyang Ayta Magbukún kayâ Tagalog na rin ang unang wikang natututuhan ng kanilang kabataan.
Sa kasalukuyan, may nasimulan nang pagsisikap ang DepEd para sa IPEd at Mother-Tongue ng Ayta Magbukún. Nagpapatuloy rin ang sinimulan noong 2018 na programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program sa komunidad ng Bangkal, Abucay, Bataan para sa muling pagpapasigla ng wikang Ayta Magbukún.*
*datos mula sa isinagawang dokumentasyon ng KWF noong 2015
Pangalan ng Wika | Áyta Magbukún |
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) | Magbukún |
Pangkat na Gumagamit ng Wika | Áyta Magbukún |
Sigla ng Wika | Matinding nanganganib (KWF Res 18-33, s. 2018) |
Klasipikasyon | Central Luzon, Sambalic |
Mga Kilalang Wikain (dialects) | |
Populasyon | 141 household sa Bangkal (pagtatáya ng mga namumuno sa komunidad noong 2020) |
Lokasyon |
Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan ang komunidad na may pinakamalaking bílang ng sambahayan na nása 141; Subalit, ang Brgy. Dangcol, Balanga, Bataan ang itinuturing na sentrong komunidad ng mga Ayta Magbukun dahil nása Balanga ito na sentrong bayan ng Bataan. |
Sistema ng Pagsulat | Titik/Alpabetong Romano |
Iba pang Talâ | Nakatatandang henerasyon na lámang ang gumagamit ng wika. |
Responses