Ifugáw
Ifugáw
Ang Ifugáw ay ang pangkalahatang tawag sa wika ng mga grupong Ifugáw na naninirahan sa lalawigan ng Ifugao at ilang nakapaligid na lalawigan gaya ng La Union, Isabela, at Quirino. May apat na kilalang wikain sa lalawigan ng Ifugao: ang Ifugaw Tuwali, Ifugáw Amganád, Ifugáw Bátad, at Ifugáw Mayawyáw.
Ang Ifugáw Tuwali ang isa sa mga varayti ng Ifugáw na maraming bílang ang nagsasalita sa lalawigan. Ang mga tagapagsalita nitó ay matatagpuan sa mga bayan ng Kiangan, Hingyon, Hungduan, at ilang bahagi ng Lamut, Asipulo, Lagawe, at Banaue.
Sinasalita naman ang Ifugáw Amganád sa baryo ng Amganad na may limang kilometro ang layò mula sa bayan ng Banaue. Sinasalita rin ito sa ilang bahagi ng bayan ng Hungduan, Ifugao.
Ang Ifugáw Bátad ay tinatawag ding Ifugáw Ayangan o Ifugáw Ducligan, ang varayting ito ay sinasalita sa ilang barangay sa bayan ng Mayaoyao, Hungduan, Banaue, Kiangan, at Lagawe.
Tinatáyang may 1,000 Ifugáw ang nagsasalita ng varayting Ifugáw Mayawyáw sa ilang barangay ng Mayaoyao; gayundin sa Silangang Banaue; Aguinaldo; Sityo Humalpop; sa Mompolia sa Hingyon; sa Timog Lamut; at sa ilang bahagi ng Asipulo. Kilalá rin ang varayting Ifugáw Mayawyáw sa tawag na Ayangan, at tinatawag din ng mga katutubo ang kanilang sarili na Imayawyáw.
Wikang Ifugáw ang unang wikang natututuhan ng mga katutubong Ifugáw sa kanilang tahanan. Ito rin ang wikang ginagamit sa paaralan, kasáma ng Filipíno at Inglés, at ang wikang sinasalita sa komunidad. Sa rehiyon ay sinasalita naman ang wikang Ilokáno na natutuhan na rin ng mga katutubong Ifugáw.
Pangalan ng Wika |
Ifugáw |
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) |
Amganád, Batad, Mayawyaw o Ayangan, Tuwali |
Pangkat na Gumagamit ng Wika |
Ifugáw |
Sigla ng Wika |
Ligtas (KWF Res 18-33, s. 2018) |
Klasipikasyon |
Northern Luzon, Meso Cordilleran, Nuclear Cordilleran |
Mga Kilalang Wikain (dialects) |
Ifugáw Amganád Ifugáw Batad Ifugáw Mayawyaw o Ayangan Ifugáw Tuwali |
Populasyon |
226,265 (NSO 2010 CAR, R-I, R-II) |
Lokasyon |
Ifugao, La Union, Isabela, at Quirino |
Sistema ng Pagsulat |
Titik/Alpabetong Romano |
Iba pang Talâ |
Responses