Ási

     Ási ang tawag sa wika ng mga katutubong Ási na naninirahan sa lalawigan ng Romblon. Ang wikang ito ay itinuturing na kabilang sa Visayan subgroup ng mga wikang Central Philippine. Kasama ang Ási sa tatlong pangunahing etnolingguwistikong grupo sa mga isla ng Romblon. 

     Sinasalita ito ng mga Ási na nasa mga bayan ng Bantón, Corcuera partikular sa isla ng Simará, Concepcion partikular sa isla ng Sibalé, Calatrava, at Odiongan sa lalawigan ng Romblon. Batay sa mga talâ, nagmula ang mga Ási sa islang bayan ng Bantón, na pinakamatandang pueblo ng Romblon, kaya’t orihinal silang tinawag na Bantoanon. Gaya ng ibang etnolingguwistikong pangkat sa Pilipinas, masasabing paghahanap ng kabuhayan ang pangunahing dahilan ng paglipat ng mga Bantoanon at paglaganap ng kanilang wika sa mga karatig na pulo. Sa ngayon, Ási ang tawag sa kanilang wika at pangkat. Ayon sa ilang impormante, nagsimulang tawaging Ási ang wika at pangkat dahil sa pangangailangang magkaroon ng kolektibong katawagan para sa limang bayan.

     Hinggil sa kalagayan ng wika, itinuturing na Ligtas ang wikang Ási. Karamihan sa mga komunidad ng Ási ay monolinggwal, maliban sa mga komunidad ng Calatrava at Odiongan. Ási ang pangunahing wika na ginagamit sa komunikasyon lalo na sa tahanan at mga inter-aksiyon sa pamayanan. Ito ay marahil sa malalim na pagpapahalaga at ugnayan ng mga katutubo sa kanilang wika. Tinatanaw nila ang kaniláng wika bílang kalág o kaluluwa ng kaniláng identidad. Kaya naman marubdob ang mga nakatatanda sa kanilang layunin na patuloy na magamit at maipása ang wika sa susunod na henerasyon. Nangangamba ang ilan sa kanila sa unti-unting paglaho ng mga malalalim na salitang Ási sa pang-araw-araw na komunikasyon lalo na’t sila na lámang ang marunong gumamit nito. Ayon sa kanilang obserbasyon, malaki ang naging impluwensya ng Filipino at Ingles sa kabataang Ási dahil ito ang ginagamit na pangunahing midyum sa paaralan at mga tanggapan ng pamahalaan.

     Sa sitwasyong pang-edukasyon, bagaman Ási ang pangunahing wika ng mga katutubo, Filipino pa rin ang ginagamit na wika sa Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa paaralan. Ito rin ang lingua franca sa rehiyong MIMAROPA. Ingles naman ang pangunahing wikang panturò. Dahil dito, nagsisikap ang mga guro upang bumuo ng mga kagamitan sa pagtuturo. Binubuhay din ng komunidad ang tradisyonal na pagtula gaya ng ap-atan para sa epektibong edukasyong kultural, lalo na sa batayang edukasyon. Sa ngayon, pinaiigting ang Indigenous Peoples Education (IPEd) para sa antas na kinder hanggang ikatlong baitang. Sa kabilang banda, tulad ng ibang etnolingguwistikong pangkat sa Pilipinas, hindi maiiwasan na magkaroon ng kabataang hindi nakapag-aaral o tinatawag na out-of-school youth, tulad sa bayan ng Calatrava. Ilan sa mga dahilan nito ay ang distansiya o ang layo ng paaralan mula sa kanilang tirahan at ang pagtatrabaho nang maaga.

Sanggunian:

Fajilan, Wennielyn F. Lingguwistikong Etnograpiya ng Ási. Lungsod Maynila: Komisyon sa Wikang Fililpino. 2025.

Pangalan ng Wika Ási
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Bantoánon
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Bantoanon, Sibalenhon, Calatravanhon, Simaranhon, Odionganon
Sigla ng Wika Ligtas (Salik 1) 
Klasipikasyon Greater Central Philippine, Central Philippine, Bisayan
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 59,352 (PSA 2020 Census of Population and Housing
 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika   15,913 (PSA 2020 Census of Population and Housing
Lokasyon Banton, Corcuera, Concepcion, Calatrava, at Odiongan sa lalawigan ng Romblon
Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ

Responses