Búhid Mangyán

     Ang Búhid Mangyán ay ang wika ng mga katutubong Búhid Mangyán na naninirahan sa lalawigan ng Mindoro. Itinuturing itong bahagi ng subgroup ng wikang Greater Central Philippines na tinatawag na South Mangyan.

     Sinasalita ito ng mga Búhid Mangyán sa mga bayan ng San Jose sa Occidental Mindoro, partikular sa mga barangay ng Monte Claro, Batasan, at Bayotbot; at sa Rizal, Occidental Mindoro, sa mga barangay ng Manoot at Aguas. Makikita rin ang malaking bilang ng populasyon ng Búhid Mangyán sa mga bayan ng Bansud, Bongabong, Mansalay, at Roxas sa Oriental Mindoro. Ayon sa mga dokumentong hawak ng mga nakatatandang Búhid Mangyán, nagmula sa mga bulubunduking bahagi ng Mindoro, pati na ang ilang pangkat ng Mangyan mula sa hilaga at katimugang bahagi ng isla, ang mga ninuno ng katutubong Búhid Mangyán. Para sa ibang mga impormante na Búhid Mangyán, ang terminong “Búhid” ay nangangahulugang mga tao na “naninirahan sa bundok.” May mga nagsasabi ring ito ay mula sa salitang “sambúhid,” na ibig sabihin ay “mula sa mataas na bahagi ng lupain o kabundukan,” dahil karamihan sa kanila ay mula sa kabundukan at ngayon ay matatagpuan sa paanan ng bulubunduking bahagi ng isla. Bukod sa Búhid, tinatawag din silang Bukid o Bukil.

     Hinggil sa kalagayan ng wika, itinuturing na nasa kategoryang di-ligtas ang wikang Búhid Mangyán. Sa humigit-kumulang 18,805 na populasyon ng mga Búhid Mangyán, 4,154 na sambahayan lamang ang naitalang nagsasalita ng kanilang wika. Apat na wika ang ginagamit sa komunidad ng mga Búhid Mangyán: ang Búhid Mangyán, Filipino, Bisaya, at Ingles. Dahil sa pangangailangang makisalamuha, magtrabaho, at makipamuhay sa mga karatig-komunidad na hindi Búhid Mangyán, pinipili ng mga magulang na Búhid Mangyán na Filipino ang gamitin bilang wikang panturo sa mga paaralan ng kanilang mga anak. Dagdag pa, tulad ng ibang katutubong pangkat, may mga Búhid Mangyán na nakapangasawa mula sa ibang pangkat o ng hindi Búhid Mangyán. Karaniwan, sa mga sitwasyong may mag-asawang may magkaibang wika, Filipino ang ginagamit sa tahanan upang magkaintindihan silang lahat. Sa madaling salita, unti-unti nang lumiliit ang espasyo ng katutubong wika sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Búhid Mangyán. Dahil dito, lumiliit din ang posibilidad na maipamana o magamit pa sa mga nakababatang henerasyon ang kanilang wika.

     Sa kasalukuyan, Filipino ang ginagamit bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Hindi nagagamit nagagamit ang wikang Búhid Mangyán sa programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ng Kagawarang ng Edukasyon. Ito ay bunsod ng kakulangan ng mga gurong matatas sa nasabing katutubong wika, gayundin ng paghahalo-halo ng mga mag-aaral na Búhid Mangyán at mga Tagalog. Sa kabila nito, may ilang guro na Búhid Mangyán ang nagsasagawa ng mga inisyatiba upang mapanatili at maisulong ang kanilang wika sa edukasyon. Bagaman wala silang pormal na organisasyong nag-uugnay sa kanilang mga hakbangin, nagsusumikap pa rin silang magtulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga naisalin at nagawang kagamitang panturo na maaaring gamitin o ipaskil sa mga paaralan sa elementarya.

 

Sanggunian:

Albason, Christo Rey S., Mary Joy Sawa-an, at Jackson Jake U Llames. “Lingguwistikong Etnograpiya ng Buhid Mangyan.” Hindi nailathalang pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino. 2021. 

 

 

Pangalan ng Wika Búhid Mangyán
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Búkid, Bukíl
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Búhid Mangyán
Sigla ng Wika Di-ligtas (Salik 3) 
Klasipikasyon Greater Central Philippine, South Mangyan, Buhid-Tawbuid
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 18,805 (PSA 2020 Census of Population and Housing
Bilang ng Sambayanan na Gumagamit ng Wika  4,154 (PSA 2020 Census of Population and Housing
Lokasyon

Bansud, Bongabong, Mansalay, at Roxas sa Oriental Mindoro
Brgy. Monte Claro, Brgy. Batasan, at Brgy. Bayotbot sa San Jose, Occidental Mindoro 
Brgy. Manoot at Brgy. Aguas sa Rizal, Occidental Mindoro

Sistema ng Pagsulat Katutubong paraan ng pagsulat
Iba pang Talâ

Responses