Ang Tíbolí ay ang wika ng grupong Tíbolí na naninirahan sa mga bayan ng T’boli, Surallah, Polomolok, Tupi, Tantangan, Norala, Banga, at sa Lawa ng Sebu sa lalawigan ng Timog Cotabato; sa bayan ng Bagumbayan sa lalawigan ng Sultan Kudarat; at sa baybáyin ng mga bayan ng Maitum, Kiamba, at Maasim sa lalawigan ng Sarangani.
Bukod sa pangalang Tíbolí, kilalá rin ang grupo sa mga tagalabas sa tawag na Tíbolí Taomohin at Tagabili. Tabali naman kung tawagin silá ng katabing etnikong grupo na mga Bláan.
May limang porsiyento na lámang ng populasyon ng mga Tíbolí ang nananatiling monolinggguwal, at ito ay iyong mga naninirahan sa mga liblib na lugar sa kabundukan sa gilid ng Lawa ng Sebu. Bukod kasi sa Hiligaynón na lingua franca sa kanilang lugar, hindi maiwasang matutuhan ng mga Tíbolí ang wika ng mga nakapalibot na grupong etnolingguwistiko tulad ng mga Tasaday, Manobo Alit, Mënuvú Úbo, Bláan, Ilónggo, at Bisayà. Natututuhan na rin ng kabataan ang Filipíno at Inglés na mga wikang panturo, kasabay ng wikangTíbolí, sa mga paaralan.
1. Pangalan ng Wika
Tíbolí
2. Iba pang tawag sa wika (alternate names)
T’boli
3. Pangkat na gumagamit ng wika
Tíbolí
4. Sigla ng Wika
Ligtas (KWF Res 18-33, s. 2018)
5. Klasipikasyon
Bilic, Tboli-Blaan
6. Mga kilalang wikain (dialects)
Central Tiboli, Western Tiboli, Southern Tiboli
7. Populasyon
142,914 (NSO 2010 R-XII)
8. Lokasyon
Mga bayan ng T'boli, Surallah, Polomolok, Tupi, Lake Sebu, Tantangan, Norala, at Banga, lalawigan ng Timog Cotabato; Bagumbayan, Sultan Kudarat; baybaying bayan ng Maitum, Kiamba, at Maasim sa lalawigan ng Sarangani