Árta

     Árta ang tawag sa wika ng mga katutubong Árta na naninirahan sa bayan ng Nagtipunan, Quirino. Ang wikang ito ay itinuturing kabilang sa subgroup ng wikang Austronesian na Malayo-Polynesian.

     Sinasalita ito ng mga Árta na nasa Sityo Dionuan, Pulang Lupa, at Tilitilan sa bayan ng Nagtipunan, Quirino. Ayon sa isang matandang impormanteng Árta, likás na lagalag o palipat-lipat ang mga katutubong Árta. Una silang nanirahan sa mga bayan ng Aglipay at Maddela sa lalawigan ng Quirino. Sa paghahanap ng makakain, nakarating sila sa kabundukan ng Nagtipunan at doon na nanatili. Ang iba naman sa kanila ay doon na rin nakapangasawa. Ang katawagang Árta ay nangangahulugang “táong hindi gaanong maitim at kulot ang buhok.” Bukod sa pangalang Árta, tinatawag din nila ang kanilang sarili bílang “Edilód” na nangangahulugang “táong nakatirá sa tabí ng ilog.” 

     Hinggil sa kalagayan ng kanilang wika, 10 na lamang ang natitirang tagapagsalita ng Árta mula sa kabuoang bílang ng mga Árta na 32 pamilya. Itinuturing na wikang malápit nang mawala o maglaho ang wikang Árta. Isa sa mga nakikitang dahilan ng mga Árta sa pag-unti ng bílang ng mga nagsasalita ng kanilang wika ay ang pag-aasawa ng mga Árta sa mga Agta. Higit na mas malaki ang populasyon ng mga Agta kaysa mga Árta sa Nagtipunan. Dahil dito, awtomatikong wikang Agta ang ginagamit sa tahanan ng mga pamilyang Árta at Agta ang mga magulang. Hindi na naituturo sa mga bata ang wikang Árta at hindi na rin interesado ang mga bata o mga anak ng mga Árta at Agta na matutuhan ang wikang Árta.

     Dahil na rin sa babà ng bílang ng mga nagsasalita ng wikang Árta, hindi priyoridad na gamítin ito sa paaralan. Wikang Ilokano ang midyum sa pagtuturo samantalang wikang Agta naman ang karaniwang ginagamit sa pakikisalamuha. Kilalang mga multilingguwal ang mga Árta, masasabing matatás din sila sa wikang Ilokano at may mga marunong ding magsalita ng Filipino dahil sa kanilang karanasan sa pagtatrabaho sa labas ng kanilang komunidad. Sa kasalukuyan, wala nang mga gawain o aktibidad sa pang-araw-araw na búhay ng mga Árta  na nagagamit nila ang kanilang wika.

 

Sanggunian: 

Komisyon sa Wikang Filipino. Árta: Wika at Kultura. Lungsod Maynila: Komisyon sa Wikang Fililpino. 2023. 

 

Pangalan ng Wika Árta
Iba pang Tawag sa Wika
(alternate names)
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Árta
Sigla ng Wika Salik 2*
Klasipikasyon Northern Luzon 
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 32 pamilya (KWF, 2022) 
 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika   10 tao (KWF, 2022) 
Lokasyon Brgy. Disimungal, Nagtipunan, Quirino
Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ *Absolut na bilang ng mga ispiker-nanganganib ang kakainting bilang ng mga miyembro ng isang komunidad ng mga ispiker 

Responses