Bikol
Bíkol ang tawag sa wika ng mga Bikoláno na naninirahan sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, at Sorsogon. Itinuturing ang wikang ito na kabílang sa Central Philippine subgroup ng mga wikang Greater Central Philippine.
Ito ang pangunahing wika sa Rehiyong Bikol liban na lamang sa lalawigan ng Camarines Norte na Tagalog ang pangunahing wika ng mga tao. Ayon sa mga impormante, ang mga salitang “Bíkol” at “Bikoláno” ay kapuwa hango sa ngalan ng kanilang rehiyon, ang Rehiyong Bikol o Bicol Region. Maliban sa Bikoláno, tinatawag din ang mga katutubong nagsasalita ng Bíkol batay sa lugar na kanilang kinaroroonan. Halimbawa, tinatawag na Albayano ang mga taga-Albay at Catandunganon naman ang mga taga-Catanduanes. Sa kabilang banda, Bíkol Nága at Bíkol Legázpi naman ang ilan sa mga katawagan sa kanilang wika. Ang Bikol Naga ang itinuturing na pamantayang anyo ng wikang Bikol at ginagamit ito ng halos 90% ng kabuoang populasyon ng mga Bikolano, lalo na sa mga lugar na malapit sa Lungsod ng Naga (Balunsay, 2025). Ito rin ang wika ng simbahang katoliko sa buong rehiyon. Samantala Bíkol Legázpi o Bíkol Albay naman ang pinakalaganap na wikang Bíkol sa lalawigan ng Albay at ilang bahagi ng Sorsogon.
Hinggil sa kasalukuyang kalagayan ng wika, itinuturing na ligtas ang Bíkol. Ito ang pangunahing wika sa Rehiyong Bikol. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2020, mula sa kabuoang 7,079,814 katutubong Bikolano, tinatayang 1,033,457 sambahayan ang gumagamit ng wika. Dagdag pa rito, ayon sa pananaliksik ni Balunsay (2025), aktibong nagagamit ng kabuoang populasyon ng mga nakababatang henerasyon ang wikang Bíkol sa rehiyon. Ito ang unang wikang natutuhan nila sa kanilang mga tahanan, at ito rin ang wikang ginagamit nila sa pakikipagtalastasan sa kapuwa Bikolano.
Sa kabila nitó, hindi pare-pareho ang sigla ng wika sa bawat lalawigan sa rehiyon. Sa lalawigan ng Albay, bagaman maraming pamilya ang gumagamit ng wikang Bíkol bílang pangunahing wika sa tahanan, may ilang pamilya na hinuhubog ang kanilang mga anak na gumamit ng wikang Filipino at Ingles sa kanilang paglaki. Dagdag pa rito, karamihan sa mga lokal na pahayagan, mga aklat sa loob at labas ng paaralan, at mga palabas sa telebisyon ay nakasulat sa Ingles. Gayunpaman, ayon sa mga impormante, aktibong ginagamit ng mga tao ang katutubong wikang Bíkol, lalo na sa simbahan, mga pista, mahahalagang pagpupulong, at mga palaro.
Sa lalawigan naman ng Catanduanes, hámon sa mga Bikolano ang impluwensiya ng teknolohiya sa nakababatang henerasyon, na nagkakaroon ng epekto sa kanilang paggamit ng wika. Ayon sa mga impormante, dumarami rin ang bílang ng kabataang mula sa mga pamilyang maykáya na tinuturuan ng magulang na mag-Ingles sa halip na gumamit ng wikang Bíkol, sapagkat iniisip nilang mas prestihiyoso ito. Samantála, sa lalawigan ng Sorsogon, dahil sa lápit nitó sa Visayas, malaki ang impluwensiya ng mga wikang Waray at Hiligaynon sa mga diyalekto ng Bíkol sa lugar.
Iba naman ang kalagayan ng Camarines Sur kung ihahambing sa mga nabanggit na lalawigan. Marami sa mga mamamayan na wikang Bíkol ang kanilang unang wika ay gumagamit ng Filipino bilang kanilang pangalawang wika. Gayunpaman, ayon sa mga impormante, bago pa man sila ma-expose sa iba pang wika, matatag na ang pundasyon ng mga bata sa kanilang wika. Dagdag pa rito, ang Camarines Sur, partikular ang Lungsod Naga, ay naging tahanan ng maraming manunulat sa wikang Bíkol. Ibig sabihin, maraming mga akdang nakasulat sa katutubong wika ang nagmula sa lalawigang ito. Iba naman ang sitwasyon ng Camarines Norte. Hindi lahat ng bayan sa lalawigang ito ay gumagamit ng Bíkol bílang pangunahing wika. Dahil malapit ito sa lalawigan ng Quezon, maraming bayan dito ang gumagamit ng wikang Tagalog bilang pangunahing wika.
Sa larang ng edukasyon, kasama ang wikang Bíkol sa mga wikang itinuturo sa ilalim ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ng Kagawaran ng Edukasyon. Kaya naman, kahit na may mga batang Bikolano na pinalaking magsalita ng Ingles, natututo pa rin silang magsalita ng wikang Bíkol—maliban na lamang kung sa mga pampribadong paaralan sila nag-aaral, na Ingles ang pangunahing wikang panturo mula sa mababang baitang. Marami na ring manunulat na Bikoláno ang nakapaglimbag ng mga akdang pampanitikan at iba pang literatura sa kanilang wika. Patuloy rin silang nanghihikayat na gamítin ang wikang Bíkol sa pagsusulat at paglilimbag.
Sanggunian:
Balunsay, Jovert R., Susan M. Tindugan, Maria Charlene A. Cantar, Ramon Felipe A. Sarmiento, at Rosana S. Abundo. Lingguwistikong Etnograpiya ng Bíkol. Lungsod Maynila: Komisyon sa Wikang Filipino. 2025.
| Pangalan ng Wika | Bíkol |
| Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) | Biíkol Nága, Bíkol Legázpi |
| Pangkat na Gumagamit ng Wika | Bikoláno |
| Sigla ng Wika | Ligtas (Salik 3) |
| Klasipikasyon | Greater Central Philippine, Central Philippine, Bikol |
| Mga Kilalang Wikain (dialects) | Catanduanes, Miraya, Sorsogon |
| Populasyon | 7,079,814 (PSA 2020 Census of Population and Housing) |
| Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika | 1,033,457 (PSA 2020 Census of Population and Housing) |
| Lokasyon |
Bacaycay, Rapu-Rapu, Tiwi, Legaspi, Malinao, Lungsod Tobaco, Malilipot, Santo Domingo, at Manito sa Albay
|
| Sistema ng Pagsulat | |
| Iba pang Talâ |
Mga Varayti ng Wikang Bíkol
Bíkol Catanduanes
Ang Bíkol Catanduanes ay varayti ng Bíkol na may halong Bisayà. Sinasalita ito sa bayan ng Panganiban, Viga, Bagamanoc, Pandan, Payo, at Caramoran sa Catanduanes. Tinatawag ang mga nagsasalita nitó ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, tulad ng Payonhón para sa mga taga-Payo, Panganibánon para sa mga taga-Panganiban, atbp.
Bíkol Miraya
Sinasalita ang varayting ito sa mga bayan ng Libon, Polangui, Oas, Ligao, Pio Duran, Jovellar Guinobatan, Camalig, at Daraga sa Albay; at sa bayan ng Pilar at Donsol sa Sorsogon. Ang mga nagsasalita nitó ay tinatawag ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, tulad ng Kamaligényo para sa mga taga-Camalig, Daragényo para sa mga mula sa Daraga, atbp.
Bíkol Sorsogon
Ang Bíkol Sorsogón ay varayti ng Bíkol na may halong Waráy. Sinasalita ang varayting ito sa lalawigan ng Sorsogon at tinatawag din ang mga nagsasalita nitó ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, tulad ng Gubatnón para sa mga mula sa Gubat, Irosín-Bíkol sa mga taga-Irosin, atbp.

Responses