Áyta Mag-ántsi

     Áyta Mag-ántsi ang tawag sa wika ng mga katutubong Áyta Mag-ántsi na naninirahan sa mga lalawigan ng Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, at Zambales. Ang wikang ito ay itinuturing na kabílang sa subgroup ng wikang Central Luzon na Sambalic. Pinakamalapit ito sa wikang Áyta Mag-indi.

     Sinasalita ito ng mga Áyta Mag-ántsi na matatagpuan sa mga bayan ng Bamban, Tarlac partikular sa Sityo San Martin at Sityo Buok, Brgy. Sto. Niño, at Brgy. San Vicente; at Capas, Tarlac partikular sa Sityo Kalangitan, Brgy. Cutcut II; Sityo Flora at Sityo Binyagan, Brgy. O’Donnell; Sityo Tarukan, Brgy. Maruglu; at Sityo Pilien, Brgy. Santa Julinan. Mayroon ding mga ispiker ng Áyta Mag-ántsi sa Palayan at Lupao, Nueva Ecija; Mabalacat at Sapangbato, Pampanga; at Zambales (Stone 2006). Dáting nanirahan ang mga Áyta Mag-ántsi kasama ng iba pang mga pangkat ng Áyta sa kabundukan ng Pinatubo bago ang naging pagputok nitó noong 1991 na naging dahilan ng pagkakawatak-watak nila. Mayroon ding mga dáting nakatirá sa Porac, Pampanga na napadpad at naninirahan na ngayon sa Brgy. Sta. Juliana sa bayan ng Capas, Tarlac (Himes 2012). Ayon sa mga impormante, nagmula ang katawagang Mag-ántsi sa tunog na /tsi/ na kadalasang naririnig sa mga salitang ginagamit ng pangkat. Ilan sa mga halimbawa nitó ang mga salitang kamotsî  na nangangahulugang “kamote” at naputsî na nangangahulugang “maputi.”

     Hinggil sa kalagayan ng wika, nasa kategoryang Matinding Nanganganib ang wikang Áyta Mag-ántsi. Ayon sa datos ng PSA (2020), 1,263 sambahayan na lámang mula sa kabuoang populasyon ng katutubo na 5,601 ang gumagamit ng katutubong wika. Tanging maliit na pangkat na lámang ng mga katutubong Áyta Mag-ántsi ang maituturing ispiker ng kanilang wika. Marahil ito ay dulot ng impluwensiya ng ibang mga wika sa komunidad na kinabibilangan ng mga katutubo. Karamihan sa mga  katutubong Áyta Mag-ántsi ay multilingguwal. Nakapagsasalita sila ng Kapampangan na lingua franca sa kanilang rehiyon at Filipino. May ilang nakapagsasalita ng Bisaya, Sambal, at Ilokano. Mataas ang porsiyento ng mga magulang na mas pinipiling Kapampangan ang gamítin sa pakikipag-usap sa kanilang tahanan. Marami ring impormante ang naniniawala na dapat lang gumamit ng ibang wika lalo na kung kailangan ito sa pakikisalamuha sa kapatagan o sa sentro ng komersiyo sa kanilang komunidad.

     Hindi pa ginagamit bílang wikang panturo sa kasalukuyan ang wikang Áyta Mag-ántsi. Gayunpaman, may mga guro at katutubo sa ilang komunidad na nagsusumikap gumawa ng mga kagamitang panturo gámit ang katutubong wika. Mayroon na ding mga diksiyonaryo at pag-aaral hinggil sa wikang Áyta Mag-ántsi na maaaring makita online at magamit sa pagtuturo. Sa ngayon, sinisikap pang maisama ang wika sa programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ng Kagawaran ng Edukasyon. 

Sanggunian: 

Aganon, Raffy S., Inlavez, Daisy T. at Cura, Arlyn C. “Lingguwistikong Etnograpiya ng Ayta Mag-antsi.” Hindi nailathalang pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino. 2021. 

Himes, Ronald S. “The Central Luzon Group of Languages.” Oceanic Linguistics 51, blg. 2 (2012): 490–537. http://www.jstor.org/stable/23321866. 

Marisol, Rosalyn. “Sociolinguistic Survey Of Ayta Mag-Antsi Language.” International Journal of Education and Social Science Research 4, blg. 2 (2021): 297-312. http://dx.doi.org/10.37500/IJESSR.2021.4224. 

Stone, Roger. “The Sambalic Languages of Central Luzon.” Papel na iniharap sa  International Conference on Austronesian Linguistics. Taong 2006. Puerto Princesa City, Palawan, Philippines. https://www.sil.org/system/files/reapdata/81/57/92/81579216641101217859280931169441188997/stone_The_Sambalic_Languages_of_Central_Luzon.pdf. 

Pangalan ng Wika Áyta Mag-ántsi
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Ayta Mag-ánchi
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Áyta Mag-ántsi
Sigla ng Wika Matinding nanganganib (Salik 3) 
Klasipikasyon Central Luzon, Sambalic
Mga Kilalang Wikain (dialects)
Populasyon 5,601 (PSA 2020 Census of Population and Housing) 
 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika   1,263 (PSA 2020 Census of Population and Housing)
Lokasyon Sityo Kalangitan, Brgy. Cutcut II; Sityo Flora at Sityo Binyagan, Brgy. O’Donnell; Sityo Tarukan, Brgy. Maruglu; at Sityo Pilien , Brgy. Santa Julinan sa Capas, Tarlac
Palayan at Lupao sa Nueva Ecija 
Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ

Responses