Bikol

 

Bikol

          Ang Bíkol ay ang wikang sinasalita ng mga Bíkoláno sa rehiyon ng Bíkol, partikular sa lalawigan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon. Ito ang opisyal na wika ng buong rehiyon. 

          Bukod sa wikang Bíkol, mayroon ding ibang wikang sinasalita ang iba pang grupo sa rehiyon. Sa Camarines Norte ay ginagamit ang wikang Tagálog at Manidé. Sa Camarines Sur naman, na mayroong iba’t ibang grupong Agta, ay sinasalita ang Agtâ Isaróg, Agtâ Irigá, Agtâ Irayá, at Rinkonáda. Mabilis ring natututuhan ng mga Bíkoláno ang wikang Filipíno at Inglés na ginagamit na mga wikang panturo sa paaralan.

Pangalan ng Wika

Bíkol

Iba pang Tawag sa Wika (alternate names)

Bikol Naga, Bikol Legaspi

Pangkat na Gumagamit ng Wika 

Bikolano

Sigla ng Wika

Ligtas (KWF Res 18-33, s. 2018)

Klasipikasyon

Greater Central Philippine, Central Philippine, Bikol

Mga Kilalang Wikain (dialects)

Catanduanes, Miraya, Sorsogon

Populasyon

6,299,283 sa Pilipinas (NSO 2010)

Lokasyon

Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Sorsogon

Sistema ng Pagsulat

Titik/Alpabetong Romano

Iba pang Talâ

Mga Varayti ng Wikang Bíkol

Bíkol Catanduanes
          Ang Bíkol Catanduanes ay varayti ng Bíkol na may halong Bisayà. Sinasalita ito sa bayan ng Panganiban, Viga, Bagamanoc, Pandan, Payo, at Caramoran sa Catanduanes. Tinatawag ang mga nagsasalita nitó ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, tulad ng Payonhón para sa mga taga-Payo, Panganibánon para sa mga taga-Panganiban, atbp.

 

Bíkol Miraya
          Sinasalita ang varayting ito sa mga bayan ng Libon, Polangui, Oas, Ligao, Pio Duran, Jovellar Guinobatan, Camalig, at Daraga sa Albay; at sa bayan ng Pilar at Donsol sa Sorsogon. Ang mga nagsasalita nitó ay tinatawag ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, tulad ng Kamaligényo para sa mga taga-Camalig, Daragényo para sa mga mula sa Daraga, atbp.

 

Bíkol Sorsogon
          Ang Bíkol Sorsogón ay varayti ng Bíkol na may halong Waráy. Sinasalita ang varayting ito sa lalawigan ng Sorsogon at tinatawag din ang mga nagsasalita nitó ayon sa lugar na kanilang pinagmulan, tulad ng Gubatnón para sa mga mula sa Gubat, Irosín-Bíkol sa mga taga-Irosin, atbp.

Responses