Gáddang

     Gáddang ang tawag sa wika ng mga katutubong Gáddang na naninirahan sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Isabela, at Mountain Province. Itinuturing na kabílang ito sa subgroup ng wikang Cagayan Valley na Ibanagic. Pinakamalapit sa wikang ito ang Yogad sa lalawigan ng Isabela at Itawit sa lalawigan ng Cagayan (Salgado 2002). 

     Ang Gáddang ay sinasalita ng mga Gáddang na nasa Nueva Vizcaya partikular sa mga bayan ng Bagabag, Solano, at Bayombong kung saan matatagpuan ang mataas na bílang ng populasyon. May mga Gáddang rin sa iba pang mga bayan sa Nueva Vizcaya tulad ng Diadi, Villarde, at Quezon. Karamihan sa mga Gáddang na nasa Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya ay nagmula sa Paracelis, Mountain Province. Nakapangasawa sila sa Bagabag at doon na naninirahan. Maliban dito, malaking populasyon din ng mga Gáddang ang nasa Ramon, Lungsod Santiago, Angadanan, Reina Mercedes, Burgos, Echague, at Lungsod Cauayan sa Isabela. Ang salitang Gáddang, Ga’dang, o Gadan ay nabuo sa pamamagitan ng pinagsamang morpema na “ga”  na ang ibig sabihin ay ‘init o apoy’ at “dang” na ang ibig sabihin naman ay ‘sunog o nasunog.’      

     Hinggil sa kalagayan ng kanilang wika, ayon sa mga taga-Nueva Vizcaya, ginagamit na lamang ng henerasyon ng mga magulang hanggang sa mga matatanda ang wika. Sa ngayon, nasa kategoryang tiyak na nanganganib ang wikang Gáddang. Filipino o Ilokano na ang pangunahing wika na ginagamit ng mga Gáddang sa pakikisalamuha sa komunidad maging sa loob ng kanilang mga bahay. May mga pagkakataon ding Ingles naman ang ginagamit ng kabataan sa komunikasyon. 

     Batay sa pananaliksik noong 2021, lumalabas na tanging ang mga matatanda na may edad 60–pataas ang higit na o aktibong nagsasalita ng wikang Gáddang. Gayunpaman, maituturing na mga multilinguwal din ang karamihan sa kanila. Ibig sabihin, aktibo rin silang nagsasalita gamit ang ibang wika gaya ng Filipino at Ilokano. Sa kaso naman ng may edad na 20-59 na kinabibilangan ng mga magulang, bahagyang maalam sa wika ang karamihan ngunit bihira na kung magsalita ng Gáddang sa kanilang pang-araw-araw na pakikipagtalastasan. Samantalang ang kabataan, edad 19–pababa ay hindi na gumagamit ng wikang Gáddang. Hindi rin nila itinuturing na pangalawang wika ang Gáddang. 

     Isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit hindi na ginagamit ng kabataan ang wika ay hindi na ipinakilala at itinuro ng mga magulang ang wika sa kanilang mga anak. Karamihan sa kanila ay mga propesyonal at hindi nila nakikita ang pangangailangan na magamit ang Gáddang sa akademikong komunikasyon. Nahihiya rin ang kabataan na gamítin ang wika at wala rin silang makausap na kapuwa nila kabataan na nagsasalita ng Gáddang. Ingles at Filipino din ang pangunahing wika na ginagamit sa kanilang paaralan.

Sanggunian: 

 Salgado, Pedro V. Cagayan Valley and Eastern Cordillera, 1581-1898. Vol. 1. Lungsod Quezon: Rex Commercial. 2002. 

Villanueva, Joey M., Ma. Rousselle G. Jandoc, at Denny B. Jamil. “Lingguwistikong Etnograpiya ng Gaddang.” Hindi nailathalang pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino. 2021. 

Pangalan ng Wika Gáddang 
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Gaddánes, Gádang, Gádan, Ga’dang
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Gáddang
Sigla ng Wika Tiyak na nanganganib (Salik 1) 
Klasipikasyon Northern Luzon, Northern Cordilleran, Cagayan Valley, Ibaganic
Mga Kilalang Wikain (dialects) Gáddang (Nueva Vizcaya), Gádang (Isabela), Gâdang (Paracelis, Mountain Province)
Populasyon

44,013 (PSA 2020 Census of Population and Housing)  

 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika 

 5,476 (PSA 2020 Census of Population and Housing

Lokasyon

Brgy. Bantay, Paracelis, Mountain Province 

Brgy. Aromin, Brgy. Cabugao, Brgy. Caniguing, Brgy. Diasan, Brgy. Dugayong, Brgy. Fugu, Brgy. Narra, Brgy. Garit Norte, Brgy. Gumbaoan, Brgy. Madadamian, Brgy. Magleticia, at Brgy. Nilumisu sa Echague, Isabela

Ramon, Lungsod Santiago, Angadanan, Reina Mercedes, Burgos, at Lungsod Cauayan sa Isabela

Ilang lugar sa Aurora

Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ

Responses