Ibanág

     Ibanág ang tawag sa wika ng mga katutubong Ibánag na naninirahan sa lalawigan ng Cagayan at Isabela. Ang wikang ito ay itinuturing na kabílang sa Cagayan Valley subgroup ng mga wika ng Northern Luzon. 

     Sinasalita ito sa mga bayan ng Pamplona, Abulug, Aparri, Camalaniugan, Lal-lo, Tuguegarao, at Buguey sa Cagayan. Ginagamit din ito sa mga bayan ng San Pablo, Cabagan, Sta. Maria, Tumauini, Ilagan, Gamu, Sto. Tomas, Delfin Albano, at Quirino sa lalawigan ng Isabela kung saan matatagpuan ang mataas na bílang mga ispiker nitó. Mayroon ding mga ispiker ng Ibánag na matatagpuan sa Brgy. San Agustin East, Agoo, La Union. Ang terminong Ibanág, na minsan ay tinatawag ding Ibanák o Ybannag, ay nagmula sa salitang ugat na “bannag.” Ayon sa mga nakatatanda, nangangahulugan itong “ilog.” Kinalaunan, ginamit na rin ang salitang Ibanag para tukuyin ang mga “táong nakatira sa tabing-ilog ng Ilog Cagayan,” (Eustaquio 2019).  Ayon sa matatandang Ibanag, unang nanirahan sa pampang ng Ilog Cagayan ang mga Ibanág bago sila lumaganap sa dalawang magkatabing lalawigan sa rehiyon ng Lambak ng Cagayan. 

     Hinggil sa kalagayan ng kanilang wika, nasa kategoryang ligtas at ginagamit sa pagtuturo sa mga paaralang elementarya ang Ibanag. Ayon kay Dita (2010), naging melting pot ng wika at kultura ang Cagayan at Isabela mula nang manirahan at dumami sa rehiyon ang mga Ilokano at Tagalog. Sa katunayan, mas mataas na ang bílang ng mga nagsasalita ng Ilokano sa Isabela. Mas ginagamit din sa programang MTB-MLE o Mother Tongue-Based Multilingual Education ng Kagawaran ng Edukasyon sa Isabela ang mga kagamitang panturo na nakasulat sa Ilokano. Sa pananaliksik nina Bernando, Aggabao, at Tarun (2018) sa MTB-MLE, napag-alamang mas marami na rin ang mga kagamitang panturo na nakasulat sa Ilokano. Sa kabilang banda , problema ang kakulangan sa mga materyales pang-edukasyon na nakasulat sa Ibanág. Gayunpaman, marami ang nalulugod na maliban sa kanilang tahanan ay ginagamit na rin ng mga magulang at kabataan ang wikang Ibanag sa paaralan. 

     Sa kasalukuyan, mayroong apat na varayti ang wikang Ibanag sa dalawang lalawigan.

  • (1) Ibanág sa Hilagang Cagayan partikular sa mga bayan ng Pamplona, Abulug, Aparri, Camalaniugan, at Lallo na itinuturing na unang pamayanan ng mga Ibanág;
  • (2) Ibanág Tuguegarao na kadalasang ginagamit sa pananaliksik ukol sa estruktura ng wikang Ibanag;
  • (3) Ibanág sa Hilagang Isabela partikular sa mga bayan ng Cabagan, San Pablo, at Santa Maria; at
  • (4) Ibanág sa Timog Isabela partikular sa mga bayan ng Tumauini, Ilagan, at Gamu.

     Sa pananaliksik ni Eugene Verstraelen (1973), ibinahagi niya na ang voiced plosive /p/ sa Ibanág sa Hilagang Isabela ay nagiging voiceless fricative /f/ sa Ibanág sa Hilagang Cagayan. Sa kabilang banda, karamihan sa mga nagsasalita ng Ibanág sa kasalukuyan ay multilingguwal. Maaaring nakapagsasalita o nakauunawa rin sila ng Filipino, Ingles, Ilokano, Itawit, at iba pang mga wika sa rehiyon.

Sanggunian: 

 Bernando, Eileen C., Nilda T. Aggabao, at Jaine Z. Tarun. “Implementation of the Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) Program: Reactions, Attitudes and Perceptions of Teachers.” papel na iniharap sa Asian Conference on Education & International Development. 2018.

Dita, Shirley N. “A reference grammar of Ibanag.” Dissertation, De La Salle University. 2007.

Eustaquio, Ma. Theresa L. “Revisiting the Morphological Features and Syntactic Constituents of Ibanag Literary.” sa International Journal of Linguistics, Literature and Translation 2, blg. 5 (2019): 404-409. https://doi.org/0.32996/ijllt.2019.2.5.45.

Paguirigan Jr., Joel Amilhasan M. “Lingguwistikong Etnograpiya ng Ibanag.” Hindi nailathalang pananaliksik, Komisyon sa Wikang Filipino. 2021. 

Verstraelen, Eugene. “Analysis of Ibanag.” sa Philippine Quarterly of Culture and Society 1, blg. 39-37 (1973): 175-199. https://archive.org/stream/rosettaproject_ibg_vertxt-1/rosettaproject_ibg_vertxt-1_djvu.txt.

Pangalan ng Wika Ibanág
Iba pang Tawag sa Wika (alternate names) Ybanag, Ibanák
Pangkat na Gumagamit ng Wika  Ibanág
Sigla ng Wika Ligtas (Salik 1) 
Klasipikasyon Northern Luzon, Northern Cordilleran, Cagayan Valley, Ibaganic
Mga Kilalang Wikain (dialects) Hilagang Cagayan
Lungsod Tuguegarao
Hilagang Isabela
Timog Isabela
Populasyon

463,390 (PSA 2020 Census of Population and Housing) 

 Bilang ng Sambahayan na Gumagamit ng Wika 

 62,836 (PSA 2020 Census of Population and Housing) 

Lokasyon

Pamplona, Abulug, Aparri, Camalaniugan, Lal-lo, Tuguegarao, at Buguey sa lalawigan ng Cagayan 

San Pablo, Cabagan, Sta. Maria, Tumauini, Ilagan, Gamu, Sto. Tomas, Delfin Albano, at Quirino sa lalawigan ng Isabela

Brgy. San Agustin East, Agoo, La Union

Sistema ng Pagsulat
Iba pang Talâ

Responses