Isa ang Tagálog sa mga pangunahing wika ng Pilipinas. Ito ang unang wika ng humigit-kumulang 22,000 Pilipino na naninirahan sa lalawigan ng Rizal, Bataan, Quezon, Laguna, Batangas, Zambales, Cavite, Bulacan, Nueva Ecija, Aurora, Camarines Norte, Marinduque, Mindoro, at Maynila.
Dahil sinasalita sa maraming lugar sa Pilipinas, umusbong na ang maraming diyalekto ng wikang Tagálog. Tinatawag ng mga Tagálog ang varayti ng wikang Tagálog na kanilang sinasalita ayon sa lugar na pinagmulan nito: Kabitényo para sa Tagálog mula sa Cavite, Bulakényo para sa Tagálog mula sa Bulacan, Batanggényo para sa Tagálog ng mga tubòng Batangas, atbp.
Noong 30 Disyembre 1937, ipinroklama ang wikang Tagálog bilang batayang wika ng Wikang Pambansa ng Pilipinas, na noong 1959 ay tinawag nang Pilipino sa ilalim ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 ng Kagawaran ng Edukasyon. Sa kasalukuyan, ang wikang Tagálog ang pinakaubod ng wikang Filipino, bagaman ito ay patuloy na pinauunlad at nagtataglay na ng mga katangian ng mga katutubong wika ng Pilipinas.
1. Pangalan ng Wika
Tagálog
2. Iba pang tawag sa wika (alternate names)
Wala
3. Pangkat na gumagamit ng wika
Tagálog
4. Sigla ng Wika
Ligtas
5. Klasipikasyon
Austronesian, Malayo-Polynesian, mga wikang Meso-Pilipínas, mga wikang Gitnang Pilipínas, Tagálog