Sistema ng Pamamahala ng Katutubong Gaddang
Noong unang panahon, ang pamumuno sa mga katutubong Gaddang ay sa pamamagitan ng mengal, isang kagalang-galang na pinuno na kilala sa kaniyang katapangan, talino at kakayahang ipagtanggol ang tribu sa anumang pagkakataon. Ang katapangan ay isang mahalagang pangangailangan ng isang pinuno para maprotektahan ang kanilang karapatan. Karaniwang isinasagawa ang pudon para sa kanilang usaping
pangkapayapaan at tinatawag na kolak naman ang kanilang hakbang ng pakikipagkaibigan sa iba. Ang dalawang sistemang nabanggit ay ginagamit para matamo ang kapayapaan sa pakikisalamuha nila sa ibang mga tribu sa mga karatig-lugar. Noon pa man ay walang sariling batas na ipinatutupad at sinusunod ang mga mamamayang Gaddang. Ang dáting uri ng pamamahala ng mga katutubong Gaddang noon ay naaayon sa panuntunan na inihanda para sa kanilang tribu. Gayunman, sila ay malaya ring nakikipag-alyansa sa mga karatig tribu. Kanilang napanatili ang palitan ng kalakal at usapang pangkapayapaan sa ibang komunidad. Walang maituturing na pangkalahatang pamamahala sapagkat nakasentro ang paggabay sa mga mamamayan sa loob mismo ng kani-kanilang pamilya.
Sa panayam na isinagawa sa tatlong Council of Elders ng Solano, kanilang pinatotohanan ang nabanggit sa unahan. Ang mga mamamayang Gaddang ay sadyang magalang na nagpapasakop sa lokal na pamahalaan kung saan sila kabílang. Ang pamamahala at pagpapasakop ay ayon na rin sa itinatadhana ng batas ng Pilipinas. Sa katunayan, ilan sa mga mamamayang Gaddang ang nahalal na rin at nabigyan ng katungkulan sa lalawigan, sa mga bayan at sa mga barangay kung saan sila nakatira.
Bagaman, nabuo ang Gaddang Indigenous Peoples Organization of Nueva Vizcaya, Inc. (NVGIPO), hindi nangangahulugan na sakop na nito ang hiwalay na pamamahala sa mga mamamayang Gaddang. Ang naturang samahán ay siya lámang gumagabay sa mga natatanging gawain at palatuntunang isinasagawa ng mga mamamayang Gaddang para mapanatiling buhay ang tribu ng Gaddang, lalo na sa mga bagong henerasyon. Ang konsepto ng pagbubuo sa samahán ay nangyari noong May 21, 2012 pagkatapos ng IP Watwat Festival alinsunod sa pagdiriwang ng 2012 Annual Ammungan Festival ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya. Ang NVGIPO ay unang pinamunuan ng namayapa na si Dr. Leopoldo Felix G. Saquing na nahalal sa naganap na Unang Rehiyon 2 Gaddang Congress noong 2009. Nabuo ang NVGIPO bílang pagsunod sa itinatadhana ng batas ukol sa mga ICC na binibigyang-kapangyarihan ang mga katutubo sa Pilipinas nang mapalakas ang kanilang ekonomiya, sosyal at kultural na pagkakakilanlan (Sec. 39, IPRA). Afu-afu ang tawag sa pinkapinuno ng samahán. Siya ang pangunahing tagapamahala sa lahat ng aktibidad ng samahan. Mataas ang respeto ng mga kasapi sa kaniya dahil naniniwala sila sa kaniyang kakayahang patakbuhin ang samahán.
Larawan 9. Ang púlong ng mga mananaliksik, mga pinuno ng NVGIPO at Pangulo ng NVSU, Dr. Anders Z. Taguiam at kinatawan ng mga NCIP sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Makikita sa itaas na mga larawan ang mga mananaliksik, mga Pinuno ng Komunidad ng Gaddang (Council of Elders) na pinamumunuan ni G. Jose B. Tamani at ang Pangulo ng Nueva Vizcaya State University, Dr. Andres Z. Taguiam sa naganap na Pre-IKSP at Consultation Meeting sa mga Katutubong Gaddang.
Proseso sa Pagpipili ng Pinuno ng Pamunuan
Lahat ng mga pinunò ay inihahalal ng mga kasapi ng samahan. Ang Pangulo at Pangalawang Pangulo ay itatadhana bílang miyembro ng konseho ng barangay at munisipal na antas at tatawaging Council of Elders (Afuyug).
Para maging karapat-dapat na mahalal o mamuno sa anumang posisyon na makikita sa itaas, kinakailangan na ang kandidato ay:
Bílang pangkalahatang panuntunan, kinakailangang hindi bababa sa pitong pamantayan ang dapat na magawa ng kandidato. Mandatoryo ang mga bílang na 1, 2, 8 at 10. Ang pagtakbo sa anumang posisyon ay bukás sa lahat ng nagnanais maging pinunò at walang probisyon na nagsasabi ng ispisipikong kasarian bílang mahalagang pangangailangan para kumandidato.
Ang proseso ng pagpipili ng pinuno ay sa pamamagitan ng sekretong pagboto gámit ang opisyal na porma na inihanda ng pamunuan. Ang pagpipili ay isasagawa kasama ang awtorisadong kawani ng National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) upang patunayan ang kawastuan ng isasagawang pagpipili at dokumentasyon.
Kinakailangang may simple majority ng kalipikadong bumoto ang presente sa halalan na siyang bubuo sa tinatawag na quorum. Ibabatay ng Komite ng Halalan sa listahan ng mga presenting kasapi ang pagdedeklara ng quorum.
Ang sinumang mahahalal na pinunò ay manunungkulan sa loob ng tatlong taóng termino, maliban sa posisyon ng Council of Elders (CoEs) na panghabambuhay na kasapi. Maaaring manungkulan ang sinuman ng tatlong sunod-sunod na termino. Samantala, ang itatadhanang Elderly/Leader ng Komite ng Halalan ay agad na mamumuno pagkaraang manumpa sa harap ng isang awtorisadong opisyal.
Ang mga nahalal na pinunò ay may tatlong pangunahing gampanin o kapangyarihan alinsunod sa naiatang sa kaniyang katungkulan:
Paraan ng Paglutas sa Hidwaan
Ang paglutas ng hidwaan ay pinamamahalaan ng pinakamatandang lalaking Gaddang sa komunidad na tinatawag na kalalakayan. Ang kalalakayan kasama ang iba pang kalakayan (ibang mga matatandang lalaki sa pamayanan) ay mag-uusap ukol sa hidwaan. Papag-aralang mabuti at sa hulí ay magbibigay ang kalalakayan ng kaniyang desisyon, ang salita niya ang siyang magiging batas.
Namimili ang mga katutubo ng kanilang pinunò mula sa kanilang grupo. Ang mga may kakayahang mamuno lámang ang ikukunsiderang pagpipilian. Kailangang may taglay na talino, pantay sa pagbibigay ng desisyon at may kakayahang makisalamuha sa kaniyang nasasakupan. Ang kababakatan (ang pinakamatandang babae) at ang kabakatan (iba pang matatandang babae) ay hindi isinasali sa paglutas ng hidwaan.
Inaayos ang hidwaan sa pamamagitan ng paghaharap ng dalawang grupo o indibidwal na may hidwaan na pinamamahalaan ng kalalakayan. Maaari ring dumalo sa pagsasaayos ng hidwaan ang Kapitan ng Barangay kung siya ay katutubong Gaddang. Ngunit mas maraming pagkakataon na inaayos na lámang ang hindi pagkakaunawaan kahit hindi na isali ang kapitan ng barangay.
Bahagi ng proseso ng pagsasaayos ng anumang hindi pagkakaunawaan ay ang unang púlong na pamumunuan ng kalalakayan kasama ang mga kalakayan. Sakaling sa unang púlong ay walang naresolba, tatawag muli ang kalalakayan ng pangalawang púlong hanggang pangatlong púlong. Kapag hindi pa rin mabigyan ng solusyon ang hidwaan, dadalhin ang usapin sa kapitan ng barangay.
Ang hidwaan sa pagitan ng katutubong Gaddang at hindi katutubong Gaddang ay aayusin alinsunod sa polisiyang sinusunod ng barangay sa pamamagitan ng pamamahala ng kapitan ng barangay at ng kaniyang mga kagawad.
Sa ngayon, kung sakaling may hidwaan na namamagitan sa mga mamamayang Gaddang, maaaring sundin ang panuntunan ayon sa talâ ng NVGIPO na ganito ang sinasabi:
Sa pagkakataong may hidwaang namamagitan sa sinumang mga kasapi ng samahán sa anumang kadahilanan ay aayusin sa pamamagitan ng mga sumusunod na moda ng resolusyon:
Ang hidwaan na maaaring magbunga ng matinding epekto sa mga karapatan ng komunidad ng Katutubong Gaddang ay aayusin alinsunod sa batas na itinatadhana ng IPRA at iba pang batas at kautusan na inihanda ng NCIP.
Kung hindi pa rin talagang kakayaning isaayos ang hidwaan sa antas ng barangay, ang sinumang partido na inaakalang agrabyado ay maaaring hilingin ang nakakasakop na Council of Elder na dalhin ang kaso sa antas ng pambayang Council of Elder para sa nararapat na resolusyon gámit ang porma na inihanda ng pamunuan. Ang parehas na proseso ay gagawin sakaling hindi pa rin mabigyang-solusyon ang hidwaan sa pambayang antas at iaangat sa panlalawigang antas. Lahat ng kakailanganing dokumento ay isusumite sa loob ng limang taon.
Ang mga Pinuno ng Organisasyon
Ang anumang samahan o grupo ay may mga pinunò na siyang namamahala sa lahat ng gawain o aktibidad ng organisasyon. Nása mga kamay ng mga mahuhusay na pinunò kung mabibigo o magtatagumpay ang isang organisasyon. Sa kanila umaasa ang mga kasapi na magalang na tumatalima sa kanilang utos. Ang mahinang pamumuno ay nagdudulot ng mabuway at ang matatag na pamumuno ay nagbubunga ng malakas at matagumpay na organisasyon. Malaki ang responsibilidad na nakaatang sa kanilang balikat na dapat nilang magampanan nang mahusay alang-alang sa ikabubuti ng bawat kasapi at ng buong samahán. Marapat kung gayon na makapamili ang mga kasapi ng pinakamahuhusay na mamamahala para hindi malagay sa alanganin ang organisasyon.
Ang mga sumusunod ay katawagan at mga nahalal na pinunò ng organisasyon. Maliban sa kanila, may mga iba pang opisyal gaya ng pangulo ng katutubo sa bawat bayan at ang Afuyug (Council of Elders), Aggamfu-amful (Provincial Council of Elders):
Talahanayan 22. Mga Katawagan at Opisyal ng NVGIPO
Wikang Gaddang | Wikang English | Panlalawigang Pinuno |
Afu-afu | President | Jose B. Tamani |
Mekaadwa Afu-afu | Vice President | Marylinda C. Ramos |
Gumatturak | Secretary | Violeta L. Dangan |
Gummaimfun | Treasurer | Caesar B. Macababbad |
Tagalangngad Si Pakkukwa | Auditor | |
Gumabbandu | Information Officer | |
Gumappasingkal Si Pammakapyan | Business Manager |
Ang Afu-afu ay siyang mangunguna sa pagpapatupad ng misyon, bisyon, layunin ng IPO, kabílang ngunit hindi limitado sa mga sumusunod:
Ang Mekaadwa Afu-afu ay kaagapay ng afu-afu. Siya ay inaasahang: a. Para irepresenta sa mga púlong o anumang pagtitipon ang afu-afu;
Ang Gumatturakang naatasang magtago ng mga rekord at iba pang mahahalagang dokumento ng organisasyon. Siya rin ang tagapagtala ng mga minuto at iba pang kaganapan kapag may púlong ang organisasyon.
Ang Gummaimfun ay inihalal para mangalaga at magtago sa pera at anumang pag aari ng organisasyon alinsunod sa mga tuntunin na inihanda ng afuyug.
Ang Tagalangngad Si Pakkukwa ay inihalal para magtago at magpatunay na ang lahat ng transaksiyon may kinalaman sa mga pera at gastusin ng organisasyon ay totoo at naaayon sa panuntunang inihanda ng organisasyon.
Ang Gumabbandu ay inihalal para mamahala sa pagbibigay-anunsiyo kung kailan ang púlong at iba pang gawain at programa ng organisasyon. Siya din ang kukuha ng listahan ng dumadalo (attendance) tuwing may púlong o aktibidad ang mga katutubo.
Ang Gumappasingkal Si Pammakapyan. Ang dalawang nahalal na gumappasingkal si pammakapyan ay siyang mamamahala sa pamimili at pagtatago ng mga suplay at mga kagamitan na kakailanganin ng mga opisyal at mga kasapi lalo na kapag may púlong o anumang gawain ng organisasyon.
Ang Panglakayan. May dalawang panglakayan na inihalal ng mga afuyug. Karaniwang sila ang pinakamatanda sa grupo at may malawak na karanasan at kaalaman ukol sa katutubong Gaddang. Maaaring kumuha ang mga afuyug ng iba pang mga panglakayan mula sa ibang barangay na sakop ng anumang bayan ng Nueva Vizcaya. Kinakailangan na siya ay kasapi ng katutubong Gaddang. Tatlo mula sa mga panglakayan ay irerekomenda ng mga afuyug sa NCIP para sa kanilang akreditasyon para mabigyan ng Certificate of Tribal Membership (CTM).
Mga Kinatawan ng mga Kababaihan at Kabataan. Ang mga kinatawan ay itatalaga ng mga afuyug. Ang mga pipiliin ay mga tunay na katutubong Gaddang na magsisilbing kinatawan ng mga kababaihan at kabataan sa organisasyon.
Estruktura at Sistema ng Pamamahala sa Barangay
Ang Nueva Vizcaya Gaddang Indigenous Peoples Organization, Inc. (NVGIPO) ay isang lehtimong organisasyon na nagpapatupad ng mga makabuluhang gawain o aktibidad para maiangat ang kalagayan ng katutubong Gaddang. Ito ay nagsisilbing kaakibat ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano at paghubog sa mga natatanging talino at kakayahan ng mga katutubong Gaddang para maging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Sila ay magalang at mapagpakumbabang nagpapasakop sa atas ng pambansang pamamahala na ibinababa sa antas ng barangay. Sa panayam ng mga mananaliksik sa mga Council of Elders ng katutubong Gaddang, napag-alaman na walang hiwalay na batas na sinusunod ang kanilang tribu dahil sila ay nakatira sa mga lugar na sakop ng pamahalaan ng Pilipinas. Sila ay mapagpakumbabang nagpapasakop sa atas ng pamahalaan, kumikilos bílang mga matutuwid at magagalang na mamamayan.
Larawan 10. Ang Bahay Pamahalaan ng Roxas, Solano at ang tipikal na baryo setting sa Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya
Sa katunayan, ika nila na marami sa kanila ang aktibong nakikisali sa mga aktibidad at gawain ng lokal na pamahalaan. Marami rin sa kanilang mga kasamahan ang nahalal bílang pinuno ng lalawigan, bayan at barangay. Ang ilan ay naatasan na empleyado ng lokal na pamahalaan dahil marami sa kanila ang nakapagtapos sa pag-aaral. Ang ilan sa kanila ay mga retiradong opisyal o empleyado ng pamahalaan. Dahil dito, masasabing hindi matatawaran ang ambag pampulitika at panlipunan ng mga katutubong Gaddang.
Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang
Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang Kultural ng mga Gaddang.
RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala.
Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:
Joey M. Villanueva
Ma. Rousselle G. Jandoc
Denny B. Jamil
KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com
Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.