Lingguwistikong Etnograpiya ng Gaddang

Mga Materyal at 'Di-Materyal na Kagamitan

Ang Sining ng Paghahabi

Paghahabi ang isa mga sining na isinasagawa ng ilang mga babaeng Gaddang sa Bagabag, Nueva Vizcaya. Ilan sa mga ginang na ito ay nagsanay sa paghahabi na pinodohan ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ng lalawigan ng Nueva Vizcaya. Ayon sa kanila, pagkatapos ng pagsasanay, binigyan sila ng mga sinulid at iba pang mga kagamitan para makapagsimula ng paghahabi. Dahil sa natutuhan ng mga kababaihang ito, kanilang napaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng paghahabi ng tela at ipinatatahi para maging ganap na damit panlalaki o pambabaeng Gaddang. Ang ilang nahabing damit ay kanilang ipinapahiram o ipinaparenta para sa karagdagang kita. Kilala sa gawaing ito ang mga katutubong Gaddang na gáling sa Paracelis, Mountain Province na nakapangasawa at kasalukuyan nang nakatira sa Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya. Sila ay nagpaunlak na ipakita sa mga mananaliksik kung paano isinasagawa ang mabusising paghahabi.

Larawan 26. Ang mga manghahabi sa Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya

Ayon sa kanila, nananaig sa tela ang kulay pula at dilaw. Bagaman may mga iba pang mga kulay na isinasama sa paghahabi ng tela, kinakailangan talagang manaig ang kulay pula at dilaw. Ito ang mga kulay na kumakatawan sa mga katutubong Gaddang. Ang tela ay napapalamutian din ng bukat (beads) na halatang maingat at matiyagang ikinakabit bílang palamuti at pampaganda.

Ayon kina Gng. Monica at Gng. Myrna (ang dalawang babae na nása larawan), tunay na mabusisi ang paghahabi. Inaabot ng ilang buwan bago mahabi ang isang tela na sapat para sa isang damit ng lalaki o babae. “Kahit mahirap maghabi, maaari din itong pagkakitaan. Naibebenta namin ang aming hinabing tela na natahing damit sa halagang P2,000.00 – P3,000.00 depende sa laki o sukat”. Minsan, ipinaparenta namin sa mga guro at mga mag-aaral lalo na kung may mga okasyon na kailangan nilang magsuot ng katutubong kasuotan sa Gaddang.” Gayunman, binanggit nila na hindi naman diumano
diretso o tuloy-tuloy ang kanilang paghahabi. Ginagawa lámang daw nila ang paghahabi kapag walang trabaho sa bukid o tuwing wala silang ginagawa.


Larawan 26. Ang mga palamuti (beads) na ginagamit ng mga kababaihang Gaddang

Ang mga beads ay ginagawa din ng mga kababaihang Gaddang sa bahay. Ito ay maayos na sinasalansan gamit ang karayom at sinulid at saka ikinakabit sa damit bilang pampaganda. Ito ay naibebenta rin nila nang mas murang halaga sa tuwing may pagtitipon ang mga katutubong Gaddang. “Hindi na orihinal ang mga beads na aming ginagamit. Ito ay nabibili sa palengke at aming inaayos ayon sa pagsasama-sama ng kulay na angkop sa kulay ng damit na nahabi,” ito ang dagdag na pahayag nina Gng. Monica at Gng. Myrna.

Ang Damit o Kasuotan ng mga Katutubong Gaddang

Ang tradisyonal na kasuotan ng mga kababaihang Gaddang ay tinatawag na aken. Ito ay mahabang piraso ng telang bulak na itinatali sa bewang at maaaring itupi hanggang tuhod. Katerno nito ang damit na may mahabang manggas, walang kuwelyo at abot-
bewang na blusa.

Ang mga materyales na ginagamit para sa kasuotang ito ay hinabi mismo ng mga kababaihan mula sa mga bulak na pinalaki sa kanilang mga bakuran na kinulayan ng matitingkad na natural na kulay, kadalasan ay pula. Kaakibat ng matitingkad na kasuotang
ito, ay ang palamuti na tinatawag na sillay. Ito ay isang uri ng kuwintas na isinusuot ng mga babae sa tuwing mayroon siláng pagdiriwang o pagtitipon.

Ang tradisyonal na kasuotan naman para sa mga kalalakihang Gaddang ay ang dinoggat (bahag), sentaron (sinturon) na itinutupi at may nakakabit na mga palawit. Ang kuton ay isang maikling kasuotang pang-itaas na walang kuwelyo na maaari ring isuot,
katerno ng panyo sa ulo.

Sa kasalukuyan, ang karamihan sa mga kalalakihang Gaddang ay gumagamit ng kamiseta, pantalon at puruntong para sa kanilang pang-araw-araw na kasuotan at inilalaan ang kanilang mga tradisyonal na kasuotan para sa mga seremonya at iba pang pormal na okasyon o pagtitipon. Ang ganitong nakasanayan ay sinusunod ng mga nakababatang henerasyon kung kinakailangan (Toquero, 2009)

Larawan 27. Ang mga kasuotan ng katutubong Gaddang

Samantala, makikita sa ibabang mga larawan ang mga damit o kasuotan ng mga lalaki at babaeng Gaddang. Iba’t ibang mga kulay ang ginagamit sa mga damit o kasuotan na karaniwang binabagayan ng palamuti sa katawan at sa ulo.


Larawan 28. Ang iba pang kasuotan ng mga katutubong Gaddang

Ang Sistema ng Makalumang Panggagamot ng mga Katutubong Gaddang

Ang panggagamot ay isinasagawa para mapagaan ang táong may sakit. Naniniwala ang mga katutubong Gaddang na ang sakit ay dulot ng mga masamang espiritu na gumagala sa paligid. Sa pagkakataong sila ay dinadapuan ng sakit, kanilang kinokunsulta ang mga tradisyunal na manggagamot sa komunidad. Sa proseso ng panggagamot, karaniwan siláng naghahain ng atang o wali bílang sakripisyal na alay para sila ay gumaling.

Malimit na gumagamit ang mga katutubong Gaddang noon ng mga dahon na nakikita lámang sa paligid bílang mahalagang kasangkapan sa panggagamot. Ilan sa mga ito ay ang dahon ng bayabas, guyabano, malunggay, gumamela, kataka-taka, subusub,
dangla, oregano, sambong at marami pang ibang uri ng halaman na pinaniniwalaang mabisang nakapanggagamot ng sakit.

Larawan 29. Ang ilang halamang-gamot na ginagamit sa sinaunang panggagamot

Karaniwan nilang pinakukuluan ang ilang mga dahon sa tubig at ipinapainom sa maysakit. Minsan, kanila naman dinidikdik para ipanggamot sa sugat, sa makating kutis, lagnat at nahihilong pasyente. Minsan ay itinatapal kasama ang langis na gáling sa niyog
para mapawi ang sakit sa katawan, ubo, pilay o anumang bahagi ng katawan.

Kapag nabati ang isang tao, kumukuha sila ng mga dahon ng bayabas, malunggay at guyabano at saka nila inihahaplos sa ulo, batok at katawan ng táong nakakaramdam ng hilo o pagsusuka. Pagkaraan ng ilang minuto ay maaaring mahimasmasan ang sinumang nabati at agad na babalik ang kaniyang pakiramdam sa dati.

Kilala din ang mga katutubong Gaddang sa tradisyonal na panghihilot kapag nagtamo ng pilay ang isang tao. Kabílang din sa hinihilot ang mga batang may lagnat at sumasakit ang tiyan. Minsan, langis lámang ng niyog ang ginagamit para maibsan ang sakit na kanilang nararamdaman. Ayon kay Gng. Irene Cachero, ang tawag ng mga katutubong Gaddang sa tradisyunal na manghihilot ay milot o gumailot.

Sa ulat ng mga mananaliksik sa PITAHC ukol sa sinaunag sistema ng panggagamot ng mga katutubong Gaddang sa Bagabag at Quezon, Nueva Vizcaya, may ilan pang natitirang sinaunang manggagamot sa mga naturang bayan. Ilan sa karaniwan nilang
ipinapagamot ay ang tallin o natallinan, ito ay karaniwang nagyayari sa mga batang malilikot. Malimit tamaan nito ang bituka ng batà na karaniwang nagdudulot ng sakit ng tiyan, lagnat at pagkawala ng ganang kumain. Hinihilot lámang ng langis ng niyog ang batang tinatamaan ng ganitong sakit at kapag siya ay pinagpawisan at lumambot na ang lagay ng kaniyang bituka ay maaari nang bumalik sa dati ang kaniyang pakiramdam.

Ang langis ng niyog ay inihahanda mismo ng manggagamot. Ito ay mula sa magulang na niyog, kinukudkod at saka matiyagang iniluluto hanggang sa lumabas ang kaniyang langis. Ang langis na mula sa niyog ay pinaniniwalaang mabisang panggamot sa maraming sakit na dulot ng kapaligiran.

Larawan 30. Ang panggagamot ng tallin gamit ang langis ng niyog (Ang larawan ay pag-
aari ng PITAHC)

Ilan pa sa mga sakit na maaaring magamot ng langis ng niyog ay ang bannat (nabinat). Ito ay karaniwang nangyayari kapag ang babaeng bagong panganak ay agad na gumagawa ng mabibigat na gawaing-bahay. Ang binat ay karaniwang nagtatagal nang halos dalawang buwan. Sa ganitong pagkakataon, ang babaeng nabinat ay makakaranas ng pananakit ng ulo at katawan. Upang mawala ang iniinda ng maysakit, ang tuloy-tuloy na panghihilot sa kaniya ay dapat na maisagawa.

Ang madallagan ay isinasagawa ng milot sa babaeng bagong panganak. Siyam na araw na hinihilot ng mangagamot ang tiyan at buong katawan ng pasyente hanggang sa unti-unting maibsan ang panghihina ng katawan na kaniyang nararamdaman dulot ng
kaniyang panganganak. Sa panahon ng panggagamot, maligamgam na tubig mula sa pinaglagaan ng mga dahon ng anonang, sambong, at bayug (uri ng kawayan) ang ipinapanligo sa pasyente para mabilis na manumbalik ang dati niyang lakas.

Ayon sa grupo ng mga matatandang Gaddang na nakapanayam ng mga mananaliksik, ang ganitong nakasanayan ng mga sinaunang Gaddang ay nabaon na sa limot lalo na sa kasalukuyang panahon. Hindi na diumano naniniwala ang bagong henerasyon sa
lumang paraan ng panggagamot.

“Wala nang maraming nagsasagawa ng lumang panggagamot. Ngunit may ilang nagsasagawa pa ng panggagamot dito sa Bagabag na malimit puntahan ng mga tao para magpagamot. Siya rin ang tinatawag kapag may nagsasagawa ng “blessing” ng mga
bagong gawang bahay. Kayâ lang, ayaw niyang kuhanan siya ng larawan habang nanggagamot”, ika ni G. Roger Whigan, isa sa mga kalakayan na katutubong Gaddang ng Bagabag, Nueva Vizcaya.

Mas pinipili na diumano ng mga katutubong Gaddang na magpagamot sa mga doktor kaysa sa mga tradisyunal na manggagamot dahil natatakot siláng isugal ang kanilang kalusugan. Sinabi ng mga kababaihang Gaddang sa Solano, Nueva Vizcaya na sa tuwing nagkakasakit ang sinuman sa miyembro ng kanilang pamilya, sa klinika ng bayan agad ang kanilang takbuhan. Kung hindi man ay sa mga pampublikong ospital ang madalas nilang pinagpapagamutan dahil mura at maaari din siláng matulungan ng pamahalaan lalo na kapag sila ay kasapi ng Philhealth.

Ang Literaturang Oral ng mga Katutubong Gaddang

Mayaman sa awiting-bayan, salawikain, bugtong, kuwentong-bayan at alamat ang mga katutubong Gaddang. Sa hindi nailathalang ulat ukol sa mga katutubong Gaddang na ginamit bílang suporta upang maaprubahan ang aplikasyon ng NVGIPO bílang isang lehitimong organisasyon ng NCIP, inisa-isa nila dito ang maraming akdang pampanitikan na sumasalamin sa tunay na pag-uugali at kalagayan ng mga katutubong Gaddang.

1. Awiting-bayan

Bahagi rin ng kanilang pamumuhay ang pag-awit sapagkat dito nasasalamin ang kanilang mga kaugalian, kaisipan at pamumuhay. Hindi man naitala ang lahat ng ito ng mga katutubo, may mga nalalabi pa rin na naitala sa iba’t ibang mga aklat at pananaliksik sa wikang Gaddang.

Sa panahon ng Mahal na Araw, isinasabuhay ng mga kalalakihang Gaddang ang pasyon na may saliw ng mga instrumentong kawayan na tinatawag na tallelet, gimpoc at karalet. Ito ay tumatalakay sa buhay ni Kristo at karaniwang inaawit ng mga
nakatatandang Gaddang.

Ang Imbestida ay sayaw ng mga katutubong Gaddang na isinasagawa sa panahon ng kasal ng isang lalaki at babae habang nagpapalitan sa pagkanta at pagsasayaw. Maliban sa mga ikinakasal na lalaki at babae, kasama sa pagsasayaw ang kanilang mga magulang at mga kamag-anak at bisita. Minsan, ito ay isinasagawa ng ama ng lalaki at ina ng babae
at tinatawag na kafalay.

Tunghayan ang liriko (lyrics) ng ilan sa mga kilalang awiting-bayan na nakasulat sa Wikang Gaddang na naisalin sa Wikang Tagalog:

Wikang Gaddang Wikang Tagalog

Embestida

Ngan na Dios a me lava
Yadac sicuayuera mamecacua
Na lahud na angat amminan
Parennad se iyada sicuatam
Na gananayan tamto
Maccatam.

E senores mamecacua
Yaday nad sicuac na
Pammacoma
En nu wara na paccurangan
Ay annung diao na yao
Paypasensiyan
Ennu wara na paccurangan.

Embistida

Sa ngalan ng pinagpipitagang
Diyos
Binabati ko kayo
Nawa’y bigyan niya kayo
Ng mahabang buhay at kalusugan.

Mga ginoo at ginang,
Hinihiling kong
Mga pagkukulang ko ay
Pagpapaumanhinan
Pagpasensiyahan ang mga kamaliang
Maaaring ikagalit ninyo.

Se manquac la yao si mapia
Si casit-tolec masqui nu
Iyan nis
Panandamandan na sicuac
Daramat si uddi nu
Matayac
Panandamandanna sicuac
Daramat si uddi nu
Matayac.

Si sintao da ya
Agguiannanna
Yo lappao ammec maita
Bantug na la yo dallun cu
Na fungal na ammec ammu.

Que lohow nay o mamacoli
Sicuam maidduc a uahi
Que lahow na se yo iccanac
Palallat.

Si daingit na sinag
Yan matam ira
Malaualauad
Linisan nu yan quirem
Se accalauad na accabafem
Fanatannu yan quirem
Se accalauad na accabafem

Se uhar sin accabing ngu
Ay arroyo cangque to
Macamcu
Inang ca naualawak
An infierno yo caraluac

E uahara sin tata gafi
Sinaletenap taca uahi
Ay cunnabque natanap cu
Se naffungan ca to taggang
Cu
Se naffungan ca ti
Paringil cu.

Neyarihac cadla so tetay
Ta innac mattapat sitam
Quiray
Ta ancu nad tetayan

Ibig ko lámang makagawa ng
Mabuti
Sa lahat ng aking kababayan
At bigyan sila ng alaala
Sa hinaharap kung patay na ako
Sila man ay maalala ako
Kung ako’y wala na.
Nasaan ka
‘Di nakikitang bulaklak
Nasasamyo ko ang iyong
Halimuyak
Dama ko ang iyong tangkay
Ngunit ‘di ko Makita
Ang iyong halaman
Mahirap simulan ang
kasaysayan mo
Mahal kong kapatid
Sapagkat ako ang dapat
Makaalala
Mahirap para sa akin
Dahil ako ang nakaalala
Ang sinag ng araw
Sa iyong mapaghalinang ngiti
Ay ‘di nagpapakunot sa iyong
Noo
At lalo pang nagpapaganda sa
Iyo.
Noong batà ka pa
Ay ‘di ko napapansin
Ngunit nang mamukadkad ka
Pinasakitan mo ang aking kaluluwa.
Kagabi lámang
Ay napanaginipan kita
At sa aking pangarap
Unan mo ang aking dibdib
At sa aking pangarap
Unan mo ang aking pisngi.
Sana ako’y isang suklay
Nang mailagay ako sa iyong
Buhok
Upang maayos ko

87

Yan buc nuera naculaculan.
Dalayapca a mariquit
Ay quinumancu a pinusit
Syatta-attuc si uttun
Ay maddattu queppe to
Muttung
Ibola-bolac si uttun
Ay maddattu queppe to.
Iyung.
Macua cad la yo urec
Eteng ta alapan taca
Si balec
Ta annunad a pureban
Yo idduc cuera nafulotan.
E senores a mamecacua
Ay antuen yao in a tamfutna.

Ang kulot mong buhok
Tulad mo’y bubot na prutas
Na sa puno’y pilit kong
Pinitas
Inihagis kong paitaas
Ngunit sa mukha ko’y
Bumabagsak
Paulit-ulit inihahagis
Sa ilong ko bumabalik
Kung ako’ng masusunod, giliw
Iuuwi kita sa bahay naming
Upang walang kupas kong
Pag-ibig
Ay iyong namnamin
Iginagalang na mga binibini’t
Ginoo
Tapos na po ang awit ko.
Wikang Gaddang Wikang Tagalog
Ope Immangue Wayi
Ope mangue wayi
Na netamban siin sicuac
Innao la inanawan
Matayac si raddam
Gumafu se nacaitacan
Si mas mapia sicuao
Onse tatae la madiat
Inang ngac inanaean.
Araon, araon lamang
Yo angngiyeyot nu to tangngang
Malao ingue nad
Na futuc a mebattang
Se ammeo ingue cafuaddan
Yo atturuturuturut na luac to taggang
Se antuengue ipatec
Yo raddam cu gumafu picuam.

Nasan ang Pangako Mo
Giliw ko, nasaan
Matatamis mong pangako
Lumisan kang walang paalam
Ngayo’y nagdurugo ang aking puso.
Nakakita ka ng iba
Na mayaman sa ginto
Mahirap man ako’y mayaman sa pagsinta
Kaydali mong nagbago.
Tandaan mo, mahal
Sakit ng iyong paglisan
Aking titiisin
Pagkat tunay kitang giliw.
Luha’y ‘di ko mapigil
Sa pagpatak, giliw
Ako ay yayao
Nang dahil sa iyo.

88

Wikang Gaddang Wikang Tagalog
Na Anggam na Lalaki
Na anggam na lalaki
Narinig so dulam
So matuyag a leled
Maanu e maawan.
Ammuc inque nad
Se yo futuc madannag
So quianna metamban era
A passia annantabag.
Mappetulotoloc
E mappesimpasimpat
Gampamade si panguddian
Tapiay no pabbalian
Se unta ne paimammat nu
Na tuluc e simpat
Taquesi mapusit nu
No lappao so mallamianga
Awwayi a cacunnac
Mempatabag si matam
So macasta lalaki
Yam futuc mam iyanut

Ang Pag-ibig ng Isang Lalaki
Ang pag-ibig ng isang lalaki
Ay tulad ng lumulutang na
Ulap
Maglalaho ang ulap
Ay, sana’y maturuan kong
Huwag maniwala ang puso ko
Sa mga pangakong ‘di totoo
Sa kasinungalingan at pandaraya mo.
Parang tapat siyang tunay
Parang totoong-totoo
Ngunit isip niya’y magbabago
Magiging lason ang pag-ibig
Nang una, ang pakita mo’y
Pagmamahal na tapat at totoo
Upang mapitas ang buko ng
Rosas
Habang sariwa ito.
Makinig kayo mga kabaro ko
Huwag kayong paloko
Sa mapagkunwari at guwapo
Kundi’y masasawi ang puso ninyo

Larawan 31. Ang sayaw ng katutubong Gaddang na isinagawa ng mga mag-aaral ng
Bayombong West Elementary School, Bayombong, Nueva Vizcaya

Makikita sa itaas na larawan ang mga mag-aaral ng Bayombong West Elementary
School sa San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya habang nagsasayaw ng tontak. Ang
naturang sayaw ay itinatanghal sa iba’t ibang okasyon gaya ng pista at iba pang natatanging
pagdiriwang ng katutubong Gaddang.

89
Maliban sa sayaw, maraming awit din ang napanatili ng mga katutubong Gaddang
na nailipat sa bawat henerasyon. Kinakanta nila ang harana, tulad ng Nattalofu to
Taggang Cu, Annie Ino Amme Marili, at O Lappao. Tunghayan ang ilan sa mga ito sa
ibabang talahanayan.
Talahanayan 29. Listahan ng iba pang Awiting-bayan ng mga Katutubong Gaddang
Pamagat Uri ng Literatura Deskripsiyon
Abattabatwel Awit sa Paglalaro Ito ay awit tuwing naglalaro ang mga
batang Gaddang ng Bayombong, Nueva
Vizcaya ng see-saw. Ang áral na nais
ipahiwatig ng awit ay ang tao minsan ay nása
itaas at minsan naman ay nása ibaba. Sa
madaling salita, ang kalagayan sa búhay ay
hindi panghabambuhay. Maaaring magbago
anumang oras o panahon.

Abumbu Ca
Appatanca O
Futuc

Awit ng Pag-ibig Ito ay isang payak at mabagal na awit
ng pag-ibig na may mahalagang áral para sa
mga nagmamahal na nakakaranas ng
kasawian. Ginagamit din ang awit sa tuwing
may mga mag-asawa na nagnanais na muling
maikasal sa simbahan.

Aggani Awit sa Pag-aani ng

Palay

Ito ay inaawit sa panahon ng anihan.
Isang pagkakataon na makapagsarili ang
isang binata at dalaga sa bukid at ipamalas
ang kanilang husay sa pag-aani ng palay.
Ipinapakita din ng awit ang diwa ng
bayanihan sa panahon ng anihan.

Anggam A
Melamang

Awiting-bayan Ito ay tungkol sa isang babae na may
marubdub o tunay na pagmamahal sa isang
lalaki ngunit nabigo. Mababanaag sa awit
ang sakit sa puso at damdamin na
naramdaman ng babae.

Anggiduddue Awit Pambata Ito ay isang awit na ginagamit na
pampatulog sa mga sanggol. Mabagal at
malamyos ang saliw ng awit kayâ madaling
nakakatulog ang sanggol sa tuwing ito ay
inaawit ng mga ina.

Annutun Awit ng Pagpapayo Ito ay inaawit sa panahon ng kasal. Ito
ay naglalaman ng mga liriko na nagpapayo
sa bagong mag-asawa. Habang iniaabot ng
nakatatandang Gaddang ang perang naipon
ay inaawit ito kasabay ng pagpapayo na
maging maayos sa paggastos at maging tapat
sa isa’t isa.

Aquicattuay Awit ng
Pamamaalam

Ito ay tumutukoy sa malapít na
relasyon ng dalawang magkapatid na babae
na kinailangang umalis ng nakatatandang
kapatid. Ito ay inaawit sa panahon ng

90
pagdiriwang ng anniversary at iba pang
mga pagdiriwang na ginaganap sa isang
pamayanan.

Bambal Sosao Awit sa Paggawa Ito ay tumatalakay sa isang
manggagawang lalaki na tamad at pabaya sa
gawain. Sinasabi nito na ang isang tao ay
dapat na maging masipag at maayos sa
gawain. Para sa mga katutubong Gaddang,
lalaki ang higit na nagtataguyod sa pamilya,
kayâ dapat siyang maging masipag at
masigasig sa buhay.

Dope Yo
Netamban

Awit ng Pag-ibig Ito ay nagpapakita ng matinding
damdamin at kung gaano katotoo ang
katutubong Gaddang sa kaniyang pangako
ng pag-ibig.

Inte Pagadwe Awit ng Panliligaw Ito ay inaawit ng mga batà habang
nagbibilang ng mga bato, bulaklak at iba pa.
Mababanaag sa awit ang impluwensiya ng
Ibanag ng Isabela sa mga katutubong
Gaddang.

Magawagawayyan
Nac Nad

Awit ng Pag-ibig Ito ay naglalarawan ng matinding
pagmamahal ng isang binata sa isang dalaga.
Ipinapahiwatig ng awit na masarap damhin
ang tagumpay sa unang pagkakataon.

Mapia Nu Wara
Anac

Awit ng Matinding
Pagmamahal

Ito ay isang awit na nagpapakita ng
matinding pagmamahal ng magulang sa
kanilang mga anak at mataas na
pagpapahalaga sa edukasyon.

Mangaangam
Etan

Awit sa Panahon
ng Pasko

Ito ay inaawit ng mga batà at matatanda
sa panahon ng pasko lalo na sa pagdiriwang
ng Misa De Gallo. Ito ay may mataas na
himig ng Kristiyanismo dahil tinatalakay
nito ang kapanganakan ni Kristo.

Mapia Nu wara
Anac

Awit Para sa
Pagkakaroon ng
Anak

Ito ay nagpapakita ng ligayang
maaaring madama ng mga magulang kung
sila ay mapagkakalooban ng anak. Sila ay
nangangako na palalakihin ang kanilang
anak na may mabuting asal.

Mataggat A Urena Awit ng Isang Ina Ito ay awit na nagpapakita ng
posibleng hirap na maaaring danasin ng
isang ina kapag lumaki ang anak na matigas
ang ulo. Ang awit ay magandang magamit sa
pagbibigay-payo sa mga anak.

Na NU Manoca Awit ng
Pamamaalam

Ito ay nagpapakita ng sakit na
maaaring maramdaman ng isang tao kapag
siya ay iniwan ng kaniyang mahal. Ito ay
karaniwang inaawit kapag may isang

91
kaibigan, kamag-anak o mahal sa buhay na
namamaalam.

Na Ulila Awit ng
Pangungulila

Ito ay awit tungkol sa anak na iniwan
ng kaniyang mga mahal sa buhay. Ito ay
inaawit sa tuwing may umaalis na kaibigan,
kamag-anak o mahal sa buhay.

Nawalang Si
Lutung

Awit sa Panahon
ng Pasko

Ito ay awit na tumatalakay sa
kapanganakan ni Kristo. Bagaman siya ay
Diyos, mas pinili niyang maipanganak sa
sabsaban. Ibig sabihin, bumaba ang Diyos
mula sa langit upang iligtas ang mga tao sa
kanilang mga kasalanan.

O Lappao A
Maddayao

Awit sa
Panghaharana

Ito ay inaawit kapag ang isang lalaki ay
nanghaharana sa isang babae.
Inihahalintulad nito ang babae sa isang
mabangong bulaklak. Ito ay inaawit sa
tuwing may panlipunang pagtitipon.

Ope Immangque
Wayi

Awit ng Pang-
iiwan

Ito ay tumatalakay sa isang babae na
nang-iwan ng kaniyang manliligaw.
Ipinapakita ng awit kung gaano kasakit sa
isang lalaki na iwan ng kaniyang minamahal
na babae.

Sassarabet Awit sa
Pangingisda

Ito ay awit sa panahon ng pangingisda.
Tinatalakay nito ang isang magnanakaw ng
isda na karaniwang pinaparusahan dahil sa
kaniyang ginawa. Sinasabi ng awit na ang
pagnanakaw ay isang masamang gawain na
nararapat pagbayaran.

Tallelet Awit sa Mahal na

Araw

Ito ay awit sa panahon ng Mahal na
Araw. Ipinapakita nito ang paghihirap ni
Kristo noong siya ay ipinapako sa krus. Ang
awit ay sinasaliwan ng mga instrumentong
gawa sa kawayan.

Yo Lacay Awit sa Pagtanda Ito ay awit ukol sa panahon ng
pagtanda. Ito ay ukol sa matandang lalaki na
humihiling sa Diyos ng ilan pang taon para
mabuhay at kung mamamatay ay sa langit
mapupunta.

2. Mga Kawikaan at Kasabihan
Ang mga salawikain at kawikaan ay tinatawag ng mga katutubong Gaddang na
Lalenut (Kawikaan at Kasabihan). Ito ay ginagamit na gabay tungo sa maayos,
mapayapa at maunlad na buhay. Ito ay karaniwang ginagamit ng mga magulang sa
pagpapayo at pagtutuwid sa kanilang mga anak. Ginagamit din ang mga kawikaan sa
pang-araw-araw na pag-uusap at sa sermon ng pari o sa mensahe ng ministro ng
anumang relihiyon para magsilbing gabay sa tamang landas ng buhay.

92
Tunghayan ang ilang halimbawa ng kawikaan o kasabihan sa Wikang Gaddang
na naisalin sa Wikang Tagalog sa ibabang talahanayan:
Talahanayan 30. Halimbawa ng Kawikaan o Kasabihan ng mga Katutubong Gaddang
Wikang Gaddang Wikang Tagalog
Accuam toye, accuac na pay
daramat

Sa iyo ngayon, sa akin bukas

Ammena makitabarang,
maibarawang

Ang táong hindi nakikinig sa mga
payo ay hindi magtatagumpay

Ammunu ino ifut na coruan,
ammem ammu ino aacuam

Napapansin mo ang uling sa mukha
ng ibang tao ngunit hindi mo
napapansin ang uling sa mukha mo

Awan a liwat si ammena
mepalappat

Ang bawat salà ay may katumbas na
kaparusahan

Caddutannu bagguim, guinannu
lohow na nangngaddut nu sicuam

Subukan mong saktan ang iyong
sarili nang maramdaman mo kung
paanong masaktan ang ibang tao

Datang na no massilap, bafay a
masusak

Kapag ang isang babae ay nása
wastong gulang na, walang
makapipigil sa kaniya sa pag-aasawa

Ino amamena mallangi so
naggabuatanna, mena macadatang
so angan na

Ang táong hindi marunong tumingin
sa pinanggalingan ay hindi
makararting sa paroroonan

Maddiahat a gammian yo tolay a
massanturug

Mahirap gisingin ang nagtutulog-
tulugan

Mallonggon abiran madiahat ikka
accuan

Mas madaling sabihin kaysa gawin
Mallupa si uttun, maddatu si mutung Ang dumudura nang paitaas ay
kaniya ring mukha ang dinudurhan

Mammit a sapitanna, awan
kakurwanna

Matamis at magandang mangusap,
ngunit lahat ay walang katotohanan

Maski magua ka si madaggat,
madallo ka se magabbakat

Hindi naikukubli ng pabango ang
gulang ng isang babae

Mena dama si ino santol mabbunga
si manga

Ang santol ay hindi mamumunga ng
mangga

93

Metappol nu yu atawam, baccan si
guinafan

Maaari mong talikuran ang iyong
asawa ngunit hindi mo maaaring
talikuran ang iyong mga magulang

Nu sintaw a paggubbuatannu, sinay
a paddannannu

Kung anong pinanggalingan, siyang
uuwian

Nu tolay a mammay, kumatway, no
tolay a mangam, kumabbang

Kung ayaw makiisa, umalis

Nu mattangit ca sito ahao,
maccataua can a daramat.
Mammucla ca si leled, mapit ca sib
ebbed

Kapag nagsabi ka ng maling istorya,
mag-aani ka

Nu mem canggam maangwa
sicuam, mem pay accuam si coruam

Huwag mong gawin sa iba kung
ayaw mong gawin nila sa iyo

Wara siin bafay a miyeyin, wara
sitoye innananak, bafay a mittarak

Noon, ang babae ay taumbahay; siya
ay katulong sa paghahanap-buhay

Yo liwat mappelappat Walang kasalanan na hindi

pinagbabayaran

3. Mga Bugtong
Ang Lallagunut (bugtong) ay ginagamit bílang pampalipas-oras, hindi lámang
sa mga batà kundi pati na ang mga matatanda. Karaniwang isinasagawa ang
pagbubugtungan sa bahay, sa paaralan, sa daan, sa bukid, sa palengke at sa iba pang
lugar lalo na kung wala siláng ginagawa.
Ipinapakita ng mga bugtong ng katutubong Gaddang ang pagmamahal sa mga
magulang at nakatatandang kamag-anak, paggalang at pagtulong sa kapwa-tao,
paggalang sa Diyos, pagpapahalaga sa edukasyon, paggabay sa mga anak sa kanilang
paglaki at pagkalinga at pangangalaga sa malinis at maayos na kapaligiran. Pinapatalas
ng bugtong ang kaisipan at pinapaganda ang takbo ng buhay sa pamamagitan ng taglay
nitong magagandang áral.
Tunghayan ang ilang halimbawa ng mga bugtong na nakasulat sa Wikang
Gaddang at naisalin sa Wikang Tagalog sa ibabang talahaanayan:

94
Talahanayan 31. Mga Halimbawa ng mga Bugtong sa Katutubong Gaddang
Wikang Gaddang Wikang Tagalog Sagot
Ahao nay o gafi, gafi nay o
ahao.

Ang araw ay ginagawang gabí,
ang gabí ay ginagawang araw.

Lammag (Owl)

Ana tata sinolay ammena
makkidam nu maturug.

May isang nilaláng na hindi
isinasara ang mga mata kapag
natutulog.

Durun
(Grasshopper)

Baston y San Jose ammena
masiddun.

Baston ni San Jose, hindi
mahawakan.

Irao (Ahas)

Cayu ino liwan na, tolay no
unag na.

Kahoy sa labas, tao sa loob. Lungon
(Coffin)

Iraw yo baggina, posit yu
ulona.

Ang katawan ay ahas, ang ulo ay
pogita.

Iyog (Coconut)

Manok a borboran, nattuttud si
kaasitan.

Manok na punò ng balahibo,
umupo sa katinikan.

Ufud (Bamboo
Shoot)

Nallakad y Juan, nagadua ino
dalan.

Dumaan si Juan, nahati ang daan. Zipper (Ziper)

Nu ibbafaw ay sinalacassag, nu
arrolam ay malilimac.

Maingay kung mababaw, tahimik
kung malalim.

Mahat (River)

Nenay ino katannangan a tolay
a tumallung. Sino puerta
assimban.

Sino ang pinakamatangkad na
táong pumapasok sa pintuan ng
simbahan?

Dungkug
(Hunchback)

Nu mattuttud attannang, nu
mattadda ibbafa.

Maliit kapag nakatayo,
matangkad kapag nakaupo.

Atu (dog)

Nu mullug, mabattug. Nu
munek, mabisin.

Nang bumaba, napuno. Nang
umakyat, nagutom.

Karalang
(Earthworm)

Payong y Sta. Marya, ammena
mabata.

Payong ni Santa Marya, hindi
nabábasâ.

Don na fatal
(Dahon ng
Gabi)

4. Ang Tula
Lallao (Tula) ang tawag ng mga katutubong Gaddang sa tula. Karaniwan itong
binibigkas sa mga natatangi at panlipunang okasyon sa pamayanan. Karaniwang paksa
ng kanilang mga tula ang pag-ibig, mabuting gawa at pag-uugali, paglilingkod,
kawanggawa at pagtalima sa pamahalaan, sa mga magulang, mga nakatatandang
kamag-anak at sa Diyos.

BERSO NA AN-ANAP
Berso ng Nabigong Pag-ibig

Tata a lappao yo pangirang-ngirang cu
So bahu a sinag, bamba-bannay na dihat
Metalugaring nu mepadandan sicuam
Yo neduma a anggam, neduna a anap

95

Daddaramat anna fuab
Yu mammanok era naccayaccac
Na cancion mapparaparappag
Y canta-cantada a iyayag yo anggam cu
Yo anggam cu a madammat a suerte
Cuppat a bucal
Cuppat a inanaman
Cuppat a buccal yo innac a imula
Yo mangiada si allac nga rin ira yo pattolayan
Nattufu, naddam, napangga, nallappao
Udde menangue nabbunga
5. Mga Kuwentong-bayan

ANG ILOG MAGAT
(No Bida na Danum Magat)

Ito ay kuwento ng isang matapang, matipuno at napakalakas na mandirigmang
nagngangalang Magat. Sa pamamagitan ng kaniyang pambihirang lakas at katusuhan,
tinalo ni Magat ang limampung mandirigmang pinangugunahan ni Gura, ang mahigpit
niyang kaaway. Si Gura lámang ang natirang buhay dahil pinatawad siya ni Lindaya.
Si Lindaya ay isinumpa ni Angad, ang dakilang anito ng karagatan. Inibig din ni
Lindaya si Magat subalit hiniling niya na huwag muna siláng magkita ng isang linggo.
Sa hulíng araw, sinira ni Magat ang binitawang pangako kay Lindaya dahil naniwala
siya sa mga balítang nagtataksil ito sa kaniya. Sa pighati, nagpakamatay si Magat sa
sapa. Di naglaon, lumaki ang sapa at naging malaking ilog. Ito ay tinawag na ILOG
MAGAT.

ANG MAPALAD NA USA
(Mapalad na Utta)

Bílang pagsubok sa laláking pakakasalan ng kaniyang anak, humingi ang ama
ng babae na dalhan siya ng usa na walang tali. Nagpunta ang ina ng lalaki sa gubat at
naglagay ng pagkain sa bilao. Nang kainin ito ng usa, nakatulog iyon sa bilao. Binuhat
ng ina ang bilao patungo sa bahay ng babae. Kapag may nagtatanong kung ano ang
kaniyang dala, pabulong niya siláng sinasagot. Malapit na siya sa patutunguhan ng
magtanong ang isang matandang bingi. Hindi nito marinig ang bulong ng babae. Sa
inis, pasigaw na inulit ng babae ang kaniyang sagot. Nagising ang usa at mabilis na
tumakas. Ipinagpaliban muna ang kasalan.

96

SI JUAN TARANGAN
(Juan Tarangan)

Isang mangangahoy ang nakatagpo ng isang maliit na tao sa loob ng butas ng

punò na pinuputol niya. Ito raw ay ikinulong doon ng engkanto. Inampon ng mag-
asawa ang maliit na tao na tinawag nila na Juan Tarangan dahil aanim na pulgada ang

taas nito. Tinutulungan ni Juan ang ama sa pag-aararo at pagsasaka. Minsan may
magnanakaw sa bahay nila, nagtatakbo si Juan sa iba’t ibang direksiyon habang
nambabato. Akala ng mga magnanakaw sila ay napapaligiran kayat mabilis siláng
tumakas. Napigilan ni Juan ang masamang balak ng mga magnanakaw.

BIWAG AT MALANA
(Domingo S. Baluyan)

Matagal na panahon na ang lumipas sa probinsya ng Cagayan. Mayroong
dalawang magkaibigan na may taglay na pambihirang lakas. Sa panahong iyon sa
parehong lugar, ay nagkaroon ng mga malubhang pangyayari. Taon-taon, marami sa
mga tao ay pinapaslang ng mga Kalinga at Ifugao. Marami rin sa kanila ang kinain ng
mga buwaya na naninirahan sa Ilog Cagayan. Dahil sa suliraning ito, biniyayaan ng
Diyos ang dalawang magkaibigan upang kanilang pawiin ang araw-araw na paghihirap
at pasakit ng mga tao.
Isang araw sa bayan ng Cauayan, Isabela, itinapon ng mga tao ang kanilang
kabanalan sa Ilog Cagayan. Sa kagustuhan ng Diyos na sila ay parusahan, isang buwaya
na kasinglaki ng isang malaking lamesa ang lumitaw. Kinain nito ang lahat ng mga
táong naroroon sa bayang iyon maliban sa isang magandang dilag na nagtago sa ilalim
ng isang iron vessel.
Nagkataong nang araw na iyon, kararating lámang nina Biwag at Malana mula
sa isang pagtutuos laban sa mga Kalinga at Ifugao. Tinahak nila ang daan na
bumabagtas sa bayan ng Cauayan. Habang binabagtas nila ang bayan, nakarinig sila ng
isang tinig mula sa isang dilag na humihingi ng saklolo mula sa Diyos. Agad nilang
hinanap ang dilag nang marinig nila ang pagtangis na ito. Nang makita ay agad nila
itong tinanong kung anong nangyari, sinabi nito sa dalawa na ang lahat ng mga tao sa
kanilang bayan, maliban sa kaniya, ay kinain ng isang malaking buwaya. Matapos ang
kaniyang pahayag, tinanong ng dalawa ang kinaroroonan ng nasabing hayop. Itinuro
ng dilag ang pinakamalalim na bahagi ng ilog.
Kaagad namang tinungo ng magkaibigan ang lugar. Lumundag sa tubig si
Malana habang nag-abang naman sa tabing-ilog si Biwag. Nang makita ng buwaya si
Malana, ibinuka nito ang kaniyang bibig. Agad namang hinablot ni Malana ang isang
hibla ng talahib at ibinato ito sa bunganga ng buwaya dahilan upang tumiklop ang
mahahaba nitong mga panga. Sa tulong ni Biwag, nailigtas si Malana laban sa
matapang na buwaya. Napatay nila ang buwaya at agad nila itong inilibing. Matapos

97
ang pangyayaring ito, binuhat nila ang dilag at dinala sa karatig-bayan. Ang
pambihirang lakas nina Biwag at Malana ay naging tanyag sa buong Pilipinas, maging
sa España. Kinatakutan ng lahat ng tao sa Hilagang Luzon ang pambihirang lakas ng
dalawang magkaibigan.
Nang mga panahong iyon, madalas ang pagsiklab ng mga digmaan sa pagitan
ng mga Kastila at mga Pilipino. Nang ideklara ang digmaan sa Maynila, ipinatawag
sina Biwag at Malana upang harapin ang mga Kastila. Nang makarating sa kanila ang
balitang ito, agad nagtakda ng araw ng pagsisimula sina Biwag at Malana. Nakatakdang
maglakbay sa kalupaan si Biwag samantalang sa dagat naman si Malana. Kailangan
nilang marating ang Maynila sa loob ng isang araw.
Kinaumagahan ng sumunod na araw, nagsimula na ang magkaibigan sa
kanilang paglalakbay patungong Maynila. Walang armas na naglakbay sa dagat si
Malana habang naglakbay naman sa kalupaan si Biwag dalá ang isang punò ng niyog
na kaniyang binunot sa isang sakahan. Hapon ng araw ding iyon ay narating nila ang
Maynila. Ipinaghanda sila ng dalawang baká sa gabíng iyon at sila ay namahinga.
Pagsapit ng bukang-liwayway ng sumunod na araw, nagising ang dalawa sa
tawag ng isang bugle. Hudyat ng pagsisimula ng araw ng digmaan. Agad nilang tinungo
ang lugar ng tunggalian at agad nagsimula ang labanan. Pinaulanan ng bala ng mga
sundalong Kastila si Biwag ngunit wala ni isang bala ang tumatama sa kaniya.
Sinubukan ng mga sundalong Kastila na siya ay atakihin gamit ang espada, ngunit sa
tuwing inihahambalos nito ang kaniyang espada, tinatamaan at namamatay ang mga
Kastila.
Samantala, sa tuwing mayroong papadaong na barko sa pantalan ng Maynila,
sumisisid pailalim si Malana kasama ng barko na siyang nagdudulot ng paglubog ng
mga ito. Bumaha ang dugo sa paligid ng pantalan ng Maynila, nagpatuloy ang labanan
ngunit umiwas ang mga Kastila. Gayunpaman, matapos ang ilang linggo, malaking
bílang ng mga sundalo ang nalagas sa panig ng mga Kastila na naging dahilan upang
sila ay sumuko. Hindi napaslang ni nasugatan man lámang si Biwag.
Gabí matapos ang labanan, isang malaking piging ang idinaos sa Maynila para
sa despedida nina Biwag at Malana. Ang nasabing piging ay inihanda ng mga Kastila
para kina Biwag at Malana. Sa gitna ng kasiyahan, ang magkaibigan ay inalok ng alak,
lingid sa kanilang kaalaman na ito pala ay may halong lason. Matapos inumin ng
dalawa ang nasabing alak, sila ay binawian ng buhay. Sa kasalukuyan, maraming tao
ang naniniwala, lalo na sa Lambak ng Cagayan, na mayroong larawan at monumento
sa Maynila ang dalawang magkaibigan bílang pagpupugay sa kanilang ipinamalas na
kagitingan.

98

6. Mga Alamat

SI BAYUN, ANG MATAPANG AT MALAKAS
(Afofug y Bayun a Mengal, Malalaki y Matuyag)

Ayon sa alamat na ito ang mga taga-Lumabang ay malimit na salakayin at
pagnakawan ng mga Ifugao. Natigil ito nang maging pinunò nila si Bayun. Si Bayun ay
matapang, malakas at may taglay na maladiyos na kapangyarihan. Nang sumusugod ang
mga Ifugao, ngumuya siya ng buyo at sumigaw ng mahiwagang salita. Hindi makakilos
ang mga Ifugao. Pinugutan sila ng ulo ni Bayun. Ang ibang Ifugao ay ginawa niyang
Alipin. Dahil sa takot sa kapangyarihan ni Bayun, hindi na muling sumugod ang mga
Ifugao sa Lumabang. Umunlad nang umunlad ang bayan ng Lumabang na kung tawagin
ngayon ay Solano.

ANG MALAKING AHAS
(Bida na Tata Docal a Irrao)

Isang malaking ahas na mayroong maladiyamanteng tatak sa ulo ang dumaan sa
bayan ng Bayombong noong si Pedro Liban pa lámang ang gobernadorsillo. Kasama ang
maliliit na ahas, ang malaking ahas ay tumuloy sa simbahan ng La Torre at biglang
naglalaho sa likod ng simbahan. Dahil hindi naman ito namiminsala o nananakit,
sinasalubong ito ng mga tao ng banda at kasiyahan. Naniniwala sila na ito ay himala nang
Immaculada Concepcion, ang patron ng La Torre, na sa kaniyang rebulto ay nakatapak sa
ulo ng ahas.

ANG SIRENA SA MABALIT
(Yo Sirena So Mabalit)

Ikinukuwento ng alamat na ito ang iba’t ibang karanasan ng mga táong
nakakaengkuwentro ng mga sirena. Isang batà ang nadulas sa bangkang tumatawid sa ilog
at hindi na muling natagpuan. Isang kuwadrilyoro mula sa Bambang ang nawala rin habang
tumatawid sa ilog. May isa pang laláking nawala rin sa ilog ang muling natagpuan subalit
hindi na matino ang kaniyang pag-iisip. Mayroon ding nakaligtas sa sirena na buo ang isip
subalit nang magkuwento ito tungkol sa kaharian ng mga sirena ay bigla siyang namatay.
Sinasabi sa alamat na ang mga sirena ay nangunguha ng mga tao tuwing may prosisyon.

SI MAMBAG, ANG HIGANTE
(Afofug Y Mambag, Yo Higante)

Noong unang panahon may isang higante na nakatira sa isang kuweba sa Luyang.

Si Mambag, ang higante, ang siyang umuubos sa mga alagang hayop ng mga taga-
Bayombong. Napagkaisahan ng mga tao na patayin ang higante subalit hindi ito tinablan

ng kanilang mga sandata. Takot na umatras ang mga tao. Sa galit ni Mambag, sinipa niya

99
ang malaking bato sa bungad ng kaniyang kuweba. Ang bato ay napadpad sa palayan ni
Jose Cutaran. Naroon pa rin ang bato sa ngayon.
Bagaman napanatili ang ilang mga piling literatura ng katutubong Gaddang at
naisulat sa mga aklat at pananaliksik, napag-alamang kulang pa rin sa kaalaman ang mga
kabataan sa kanilang literaturang oral. Ilan sa kanilang mga dahilan kung bakit hindi halos
nila alam ang kanilang mga literaturang oral ay dalá ng matinding impluwensiya ng
makabagong teknolohiya at media. Mas malimit diumano siláng gumagamit ng cellphone
at computers sa kanilang bakanteng oras.
Ganito ang sinabi ni G. Crispin Gurat sa panaayam ng mga mananaliksik, “ako,
pinapagalitan ko ang mga batà kung nagsasalita sila ng Tagalog. Sabi ko sa kanila,
“Bakit? Ano ba ang nanay at tatay ninyo? Hindi ba mga Gaddang sila? Sabi ko pa,
“Magsalita kayo ng Gaddang dahil alam ninyo magagalit si Governor Agbayani dahil ang
sabi niya, “Bakit winawala ninyo ang salitáng Gaddang dito sa bayan natin na
Bayombong? Dito pa man din sa San Nicolas nanggagaling ang Gaddang.”
“Ibalik sana natin ang tradisyong Gaddang. Ang tallelet dapat sanang maibalik
dahil ito ang tradisyon natin kung panahon ng kuwaresma. Noong batà pa ako, gigisingin
namin sa gitna ng gabí si Governor Dumlao at si Congressman Perez. Nandito lahat kami
sa barangay hall. Magluluto kami ng nandila. Nasarapan ang mga tagarehiyon noon, pista
ng Nueva Vizcaya noon, Governor pa noon si Agbayani, kami ang nag-umpisang maglagay
ng nandila sa sampayan. Kayâ nang nagtalop ako ng nandila, ipinunta ko sa mga
tagarehiyon, tinikman nila at napakasarap sabi nila. Kayâ nagpapasalamat si Governor
Agbayani dahil meron ding naipakita ang Gaddang noon”, dagdag pa ni G. Gurat nang
may pagmamalaki.
Mababanaag sa mga binanggit ni G. Gurat na malaki ang ginagampanan ng wika
sa paghubog sa pag-uugali ng isang tao, lalo na ang mga kabataan ngayon. Ang pagkabura
sa kultura at tradisyon sa isip ng mga kabataan ay dahil sa hindi na rin nila diumano
sinasalita ang dayalekto nila. Ang unti-unting pagkalimot sa kanilang wika ay
nangangahulugang pagkalimot sa kulturang matagal nilang iningatan.
Magkakabit ang wika at kultura. Ang anumang wika ay may sariling kultura.
Ipinapakilala ng wika ang klase ng tao sa lipunang iniikutan niya. Kapag ang isang tao ay
nakikipag-ugnayan sa ibang tao, tribu o lahi, hindi maiiwasan na makikilala rin nito ang
kultura at pag-uugali ng mga táong gumagamit ng wika. Sa kabiláng banda, hindi
kailanman maintindihan ng sinuman ang kultura at pag-uugali ng isang lahi o tribu kung
hindi niya naiintindihan ang wika na kaniyang ginagamit.

100
Larawan 32. Ang nandila, isang masarap na kakanin ng katutubong Gaddang
“Ang pagkanta ng pasyon, ituturo sana natin sa mga batà dahil ang mga matatanda
ay mahina na ang mga mata nila. Kailangang maturuan ang mga batà sa pagkanta ng
pasyon,” ang pahabol ni G. Gurat sa pagpapatuloy ng panayam ng mga mananaliksik. Sa
ganitong himig ng panayam, mararamdaman ang nanghihinayang na damdamin ng mga
nakatatandang Gaddang sa hindi pagpapahalaga ng mga kabataang Gaddang sa kanilang
literaturang oral.
Gayunman, mapalad ang mga manaliksik na nakapanayam at natunghayan ang
ilang mga kabataang Gaddang sa Roxas, Solano, Nueva Vizcaya na kumanta at sumayaw
sa saliw ng mga awiting Gaddang. Ipinamalas nila ang kanilang husay sa pagkanta ng mga
awiting Gaddang na may halong sayaw. Ayon sa kanila, natutuhan nila ang mga sayaw at
awit sa kanilang mga lolo at lola. Ito ay karaniwan nilang itinatanghal sa tuwing may
pagdiriwang ng pista sa kanilang barangay at sa bayan ng Solano.
Ayon kay G. Joaquin Lannu, Council of Elder ng Solano, sadyang itinuturo
diumano nila sa mga kabataan ang mga sayaw at awit ng katutubong Gaddang upang hindi
nila ito tuluyang makalimutan. Maaari pa diumano nila itong maipamalas bílang pamukaw
sigla (intermission number) sa tuwing may pagdiriwang ang mga barangay at ang bayan
ng Solano. Naniniwala siya na sa pamamagitan nito, makakatulong sila na mapanatili sa
isipan ng mga batà ang mga lumang literatura, sining at kultura ng Gaddang at maaaari pa
nila itong ilipat sa kanilang magiging mga anak sa mga susunod na panahon.
Sa isang artikulong inilathala ng Day Translations(2018) sinasabi nila na ang isang
tao na nais matuto ng isang wika ay hindi natatapos lámang sa pagkatuto sa alpabeto, ayos

ng pangungusap, panuntunan at gramatika nito. Kasama sa pagkatuto ng wika ang pag-
unawa rin sa kultura at pag-uugali ng lipunan na gumagamit ng wika. Dahil ang wika ay

kakabit ng kultura.
Ang pariralang “ang wika ay kultura at ang kultura ay wika” ay malimit mabanggit
sa mga talakayan ukol sa wika at kultura. Magkakabit at hindi kailanman naghihiwalay ang
wika at kultura, sila ay iisang katawan at malakas ang impluwensiya nila sa isa’t isa. Gámit
ang nasabing konteksto, binanggit ni Alfred L. Krober, isang Amerikanong Kultural na
Atropologo na umuusbong ang kultura at pag-uugali ng isang tao sa panahong siya ay
nagsisimulang magsalita. Sa madaling salita, sabay na nadedebelop ang wika at kultura ng
isang tao.
Samantala, sinabi rin ni Ferruccio Rossi-Landi, isang Pilosopong Italyano na ang
pagdebelop ng kultura ay bunga ng kaniyang pakikipag-ugnayan sa mga tao sa lipunan. Ika

101
niya, ang batà ay natututo ng wika at kultura sa kinamulatang lipunan. Sa proseso ng
pagkatuto sa pagsasalita, kasabay na nakikilala at natutuhan ang mga gawi ng mga táong
nagpakilala sa kaniya sa wika.
Payak lámang ang paliwanag ni Kramsch (2002) sa ugnayan ng wika at kultura. Ayon sa
kaniya, ang wika ay hindi lámang mahalagang instrumento ng komunikasyon kundi isang
simbolikong sistema na may malakas na impluwensiya sa pagbubuo at paghuhulma ng
pag-uugali, paniniwala, pagkakakilanlan at kultura ng isang tao. Sa madaling salita, ang
pagkatuto ng wika ay pagkatuto ng panibagong kultura.

Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang

Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang  Kultural ng mga Gaddang. 

RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi  ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang  nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala. 

Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:

Joey M. Villanueva  
Ma. Rousselle G. Jandoc 
Denny B. Jamil 

PAUNAWA. Hindi inilathala ang manuskritong ito. Ang pagkopya at pamamahagi sa  publiko ay ipinagbabawal.

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com

KWF Repositoryo ng Wika at Kultura ng Pilipinas 2021

Para sa mga komento at suhestiyon, maaaring mag-email sa kwf.repositoryo@gmail.com

May restriksiyon


KINAKAILANGANG MAGPA-REGISTER

Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.