Lingguwistikong Etnograpiya ng Gaddang

estruktura ng lipunan

Ang Pamilyang Gaddang

Gaya ng ibang katutubo, kinikilala ng mga katutubong Gaddang ang pamilya bílang isang mahalagang institusyon sa lipunan. Karaniwan itong binubuo ng ama, ina at mga anak. Minsan pa, kapisan ang mga lolo, lola, mga apo at iba pang malalapit na kamag-anak. Mataas ang paggalang nila sa isa’t isa at lagi nilang iniisip ang kapakanan ng bawat kasapi ng pamilya. Ganito ang tipikal na estruktura ng pamilyang Gaddang na noon pa man ay sinusunod ng mga nakatatandang Gaddang. Ama ang nagdedesisyon sa loob ng pamilya at umaalalay lámang ang ina hinggil sa kung anong mabuti para sa pamilya. Karaniwang nakikipisan ang bunsong anak kahit na ito ay may pamilya na para makasama at siyang nangangalaga sa kanilang mga magulang. Ang ibang mga anak kapag nag-asawa ay humihiwalay na sa kaniyang mga magulang at bumubuo ng sariling pamilya. Gayunman, pinapayagan naman ng mga magulang na makipisan muna pansamantla ang mga anak sa kanilang mga magulang kapag bagong kasal ang mga ito. Kapag handa na ang anak na humiwalay, sila ay matiwasay na pinapayagan ng mga magulang upang kanilang matutuhan kung paano bumuo at mamahala ng kani-kaniyang pamilya.

Payak ang buhay ng mga katutubong Gaddang. Pagdating sa mga pagkaing inihahanda sa hapag-kainan, malimit na kape ang paunang inihahanda sa umaga bago ihain ang agahan na karaniwan ay sinangag at itlog lámang. Sa tanghalian at hapunan, karaniwan na ang isa hanggang dalawang ulam lámang ang pinagsasaluhan ng pamilya. Hindi uso para sa kanila ang meryenda. Kung may nilagang kamote o saging ay sapat nang gawing meryenda bago sumapit ang tanghalian o hapunan. Gayunman, mababanaag na sa kabila ng kapayakan ng buhay, masaya at maginhawa ang kanilang pakiramdam na magkakasama na may pagmamahalan at paggalang sa isa’t isa. Sabay-sabay kung kumain at may kani- kaniyang tungkulin na ginagampanan sa loob ng bahay.

Afu lakay at afu bakat ang tawag ng katutubong Gaddang sa kanilang lolo at lola. Sila ay tunay na iginagalang ng kanilang mga anak at apo. Sa sistema ng pagkakamag-anak, karaniwang kapisan ng pamilya ang kanilang afu upang maalagaan hanggang sa kanilang pagtanda. Ama (ama ng pamilya), ina (ina ng pamilya), tiyo (kapatid na lalaki ng mga magulang), tiya (kapatid na babae ng mga magulang), kawayyan (mga kamag-anak ng pamilya), kapitta (pinsan) at anak para sa anak ng mag-asawa. Katayug naman ang tawag sa lalaki o babaeng napangasawa ng kanilang kapatid. Panganakan (pamangkin), atawa (asawa) katuwangan (nanay o tatay ng asawang lalaki o babae) mannuwang sa napangasawa ng mga anak at kafalay para sa balae.

Talahanayan 23. Mga Piling Katawagan ukol sa Kasapi ng Pamilya

English Filipino Lowland Gaddang Upland Gaddang
babybatakalubitkalubit
childanakanak 
companionkasamabulonbulon
familypamilyafamilyatafalay
father (n.)tatayamaama
friendkaibigankolakbafulon
householdsambahayantabbalay/kabbalaytafalayan
man (n.)lalakilalakilalaki
mother (n.)nanayinaina
offspringanakanakanak
old (man)matandang lalakilakaylakay
old (woman)matandang babaebakatbakat
persontaotolaytulay
slave (n.)alipinimbutaripan
siblingkapatidwayikolak
spouse (n.)asawaatawa/matawaatawa
widowbalobalobalo
wifeasawang babaeatawa abafayatawa
woamanbabaebafaybafay

Makikita sa itaas na talahanayan ang mga katawagan ukol sa pamilya na tinumbasan ng kahulugan batay sa lokasyon ng mga katutubong Gaddang. Ang kahulugan ng father ama; motherina; manlalaki at offspringanak ay hiniram sa wikang Tagalog, samantalang ang old manlakay ay hiniram naman sa wikang Ilokano. Sa ganitong pagkakataon, malayang nakapanghihiram ang anumang wika para mas madaling magkaintindihan ang dalawang táong nag-uusap.

Ang mga salitáng naitiman ay nagpapakita ng pagkakaiba ng kahulugan at ang mga hindi naitiman ay nagpapakita ng magkakaparehas na kahulugan. Samanatla, ang tao – tolay/tulay ay nagkaiba lámang dahil sa isang ponema. Hindi masyadong malaking isyu ang kahulugan ng taotolay/tulay dahil ayon sa tuntunin sa pagbabaybay sa Wikang Filipino, malayang nagpapalitan ang o at u, e at i, m at n.

May mga katawagan din ukol sa mga kagamitan na makikita sa loob ng bahay ng pamilyang Gaddang. Ilan sa mga ito ay ang dayot, isang sariling-gawang duyan para sa mga batang Gaddang. Dito pinapatulog ang batà habang ang kaniyang ina ay abalá sa gawaing-bahay. May unan din siláng gawa sa kahoy, ang tawag dito ay fungan na ginagamit tuwing sila ay nagpapahinga sa silong ng punò.

Maliban sa mga nabanggit, may mga mesa, upuan, higaan at lalagyan din sila ng kanilang mga damit na karaniwang gawa sa kahoy o kawayan. Sa kusina, mayroon siláng kalwat, gawa sa rattan na ginagamit na patungan ng kaldero sa tuwing sila ay kumakain. Ang annarangan kung saan nila ibinibitin ang kanilang kawa na ginagamit sa pagpapainit ng tubig, ang palataw na ginagamit na pamutol ng kahoy, ang duyag o bingkan na karaniwang gawa sa bao ng niyog at ginagamit nila bílang plato sa tuwing sila ay kakain. Ang ba’long at irot na ginagamit na panghalo o pansandok ng ulam at kanin, kusara (kutsara), afab (tasa), luran, lalagyan ng kanin at ang angang (tapayan). Ilan lámang ang mga nabanggit na maituturing na kagamitan ng mga katutubong Gaddang noon.

Talahanayan 24. Mga Katawagan ukol sa mga Kagamitan sa Kusina

English Filipino Lowland Gaddang Highland Gaddang
cooking potpalayokparyukparayok
ladlekutsaron/sandokirutirut
mortar (rice)lusongattongattong
pestlepambayopabbayupabbayu
salt (n.)asinasinasin

Makikita sa itaas na talahanayan na walang pagkakaiba sa kahulugang ibinigay ng Lowland Gaddang at Highland Gaddang sa ilang kagamitan sa kusina. Maliban sa cooking potparyuk (Lowland Gaddang) at parayok (Highland Gaddang).

Samantala, karaniwang nanggagaling ang pagkain ng pamilya sa kanilang mga pananim sa bakuran at sa mga alagang hayop gaya ng manuk, patu at iba pa. Kahoy ang malimit na ginagamit sa pagluluto dahil maraming sanga ng kahoy ang nagkalat sa paligid. Isang patunay na payak ang buhay lalo na sa mga nakatira sa mga barangay o baryo.


Larawan 10. Ang pamumuhay ng mga katutubong Gaddang ng Villa Coloma, Bagabag,Nueva Vizcaya.

Payak ang tirahan ng karaniwang pamilyang Gaddang. Walang gaanong palamuti ngunit kumpleto sa mga modernong kagamitan gaya ng telebisyon, internet connection, refrigerator at ilang pangunahing kagamitan na hindi gaanong magarbo. Payak ang ayos ng salas ng bahay. May dalawa hanggang tatlong kuwartong tulugan na angkop sa may lima hanggang walong miyembro ng pamilya. Matindi ang kanilang pagkakamag-anak. Kapag may okasyon, sama-sama sila at nagtutulungan. Makikita ang ganitong ugali dahil sa lokasyon ng kanilang mga tirahan.

Ang bawat kasapi ng pamilya ay may kani-kaniyang gawaing nakatoka bago paman sumikat ang araw. Karaniwang mga babae ang may responsibilidad sa mga gawaing- bahay gaya ng paglilinis, paglalaba ng damit, at pagluluto ng pagkain. Samantalang angmga lalaki ang karaniwang may responsibilidad naman ng mga mabibigat na gawain gaya ng pagpapakain ng mga alagang hayop, pagagawa sa bukid, pagkakarpentero atpagsasaayos sa mga sirang bahagi ng bahay. Ang mga anak ay tumutulong sa gawaing-bahay gaya ng pagluluto at paghuhugas ng pinagkainan.


Larawan 11. Mga pamilya sa Villa Coloma, San Nicolas at Vista Alegre.

Bukás ang pananaw ng mga pamilyang Gaddang ukol sa pantay na pagtingin sa mga babae at lalake. Naniniwala sila na ang mag-asawa ay parehong may karapatan sa lahat ng bagay; pagdedesisyon at pamumuno sa loob ng tahanan, paghahanap-buhay at gawaing bahay. Parehas siláng may mga bahaging ginagampanan sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ang mga anak ay may tungkuling igalang ang kanilang mga magulang. Nababanaag ang mataas na paggalang ng mga anak sa tuwing tumatawag o kinakausap nila ang kanilang mga magulang. Ama ang tawag ng mga anak sa kanilang ama, ina naman sa
kanilang ina at wayi sa kanilang mga kapatid.

Dati, tinatawag ng mga anak ng mga katutubong Gaddang ang kanilang mga magulang sa kanilang mga pangalan lámang. Walang katawagang ginagamit subalit ang pagtawag nila sa pangalan ay hindi nangangahulugang walang paggalang ang mga anak sa kanilang mga magulang. Sadyang nakasanayan lámang na sa pangalan nagtatawagan ang bawat isa maging sa kanilang nakatatandang mga kapatid.

Ngayon ay gumagamit na ang mga anak ng mga katawagan sa kanilang mga magulang at mga nakatatandang kapatid ngunit ang mga ito ay sa mga wikang Ilokano, Tagalog at English. Karamihan sa mga batang Gaddang ay gumagamit ng Papa at Mama, Daddy at Mommy sa kanilang mga magulang at ate/kuya naman sa kanilang nakatatandang kapatid. Samantala, lolo/lola naman sa mga magulang ng alinman sa kanilang ama at ina. Insan ang gamit sa kanilang mga pinsan at tiyo/tiya sa kapatid na babae/lalaki ng alinman sa kanilang mga magulang. Mapapansin na Tagalog o English ang mga katawagang ginagamit ng katutubong Gaddang sa kanilang mga nakatatandang mga kamag-anak. Ito ay impluwensiya ng kapaligiran na karamihan ng mga pamilya ay sinasanay ang kanilang mga anak sa ganitong katawagan.

Halos lahat ng kapitbahay ay itinuturing na mga kamag-anak at tinatawag na auntie o uncle. Samantalang ang ibang matatandang Gaddang ay tinatawag ng mga batà ng lolo/lola. Ayon sa mga impormante, sadyang nakasanayan ng mga katutubong Gaddang ang ganitong katawagan, isang paraan para kanilang naipapakita ang paggalang sa mga nakatatandang mga kapitbahay kahit hindi sila tunay na magkakamag-anak.

Larawan 12. Ang panayam ng mga mananaliksik sa mga katutubong Gaddang ng Bayombong, Nueva Vizcaya

Pagdating sa pagdidisiplina sa mga anak, sinisiguro ng mga magulang na magiging magalang ang kanilang mga anak sa kanilang mga magulang, mga kapitbahay at sinumang nakatatandang mamamayan ng komunidad, Gaddang man o hindi. Nais nilang maging kapaki pakinabang na mamamayan ang kanilang mga anak kayâ pinapag-aral nila ang mga ito hanggang sa sila ay makatapos sa kolehiyo.

Mataas ang pagpapahalaga ng mga katutubong Gaddang sa edukasyon. Bagaman marami sa kanilang mga ninuno ang hindi nakapag-aral, nais nila ngayon na makatapos ang kanilang mga anak upang maging mabuti siláng mamamayan at marunong siláng sumunod sa mga batas na ipinapatupad ng pamahalaan. Sa pangkalahatan, naniniwala ang mga magulang na sa tamang paghubog ng anak, natatamo nila ang respeto na nararapat sa kanila at sa sinumang kasapi ng pamilya.

Ang Pagkakamag-anak (Kinship)

Mahalaga ang maayos na relasyon sa pamilyang Gaddang. Ang maayos na ugnayan sa loob ng tahanan ay labis nilang pinapahalagahan. Masasabing malawak ang saklaw ng kanilang pagkakamag-anak sapagkat itinuturing nila na malapit na kamag-anak ang lahat ng nakakaugnay nila kahit ito ay sa pamamagitan ng affinity.

Ang mga ‘in-laws’ ay itinuturing na bahagi ng isang pamilya at madalas ay kasamang naninirahan sa iisang bubong. Ang pagsasagawa ng mga pagtitipon ng mgamagkakamag-anak (clan reunion) para matunton at makilala ang mga tunay na kamag-anak ay malimit din nilang gawin.

Minsan, maski ang kanilang malalapit na kapitbahay ay itinuturing din nilang kamag-anak kahit na walang pormal na paraan ng pagtutunton kung paano sila naging magkakamag-anak. Ang ganitong nakasanayan ng pamilyang Gaddang ay uso maging sa ibang angkan o tribu.

Sa kabuuan, maituturing na extended family ang uri ng tahanan ng mga katutubong Gaddang. Karaniwang magkakapisan ang mga kasapi ng pamilya mula sa mga lolo/lola hanggang sa mga apo. Mas nananaig din ang pagkakaroon ng bilateral system na pamilya sa mga Gaddang. Nagpapatunay dito ang madalas na pagtitipon ng mga magkakamag-anak lalo na kapag may natatanging okasyon ang pamilya. Mahalaga para sa kanila ang maayos na pakikitungo sa bawat kasapi at kamag-anak ng pamilya.

Tuwing nagtitipon ang mga magkakamag-anak, Tagalog o Ilokano ang ginagamit sa pagbabatian at sa pag-uusap. Bihira na sa kanila ang gumagamit ng wikang Gaddang dahil marami sa kanila ay nakapag-aral o nakatapos ng kurso. Maaari ding ang mga bayaw o hipag ay hindi katutubong Gaddang kayâ kailangan nilang mag-usap sa wikang naiintindihan ng lahat ng kasapi ng pamilya.

Ayon sa mga impormante, kapag sila ay nagtitipon ay ugaling Ilokano at Tagalog na ang umiiral sa batian, pagkaing inihahanda, at sa proseso ng paghahanda ng programa. Ika nila, ito ang mga pangyayaring hindi maiiwasan sapagkat nakasanayan ng mga nakababatang Gaddang. Wala nang nagluluto ng kakanin at naglalaro ng lumang laro dahil cellphone, computer, at videoke ang kadalasang pinagkakaabalahan ng mga magkakamag-anak sa tuwing may pagtitipon.

Sa ganitong paraan, maipapakita ang maayos na relasyong pampamilya lalo na sa panahon na may pagdiriwang ang alinman sa mga kamag-anak. Ilan sa mga mahahalagang okasyon na malimit na nagsasama-sama ang pamilya ay sa tuwing may nagdiriwang ng kaarawan, nagtapos ng pag-aaral, pumasá sa board exam, nagtagumpay sa gawain, namatay na kamag-anak at iba pang kaugnay na gawain o pagdiriwang na kadalasan na siyang dahilan upang magtipon-tipon ang bawat kasapi ng pamilya. Minsan, umuuwi ang sinumang kasapi ng pamilya mula sa malayong lugar o ng ibang bansa, makasama lámang ang kanilang mga kamag-anak sa mga ganitong natatanging pagtitipon.

Dapat mapanatili ang maayos na relasyon sa pamamagitan ng palagiang pagtitipon-tipon ng bawat kasapi ng pamilya. Sa ganitong pagkakataon, lalong mapapatatag angrelasyon at pagkakamag-anak. Marami na ngayon ang nag-aaway-away na magkakapatid. Iisang pamilya, sila-sila ang nagbabangayan. Kayâ kailangang maipakita sa mga kabataan ang kahalagahan ng matatag na relasyong pampamilya, ika ng isa sa mga impormante sa panayam ng mga mananaliksik.

Kahit anong uri ng okasyon, hinding-hindi nang-iiwan ang tunay na kamag-anak. Malimit din na nagtitipon ang mga kasapi ng pamilya kahit na walang mahalagang pagdiriwang. Minsan, magkakasama lámang sila ay sapat nang nagpapatatag sa kanilang relasyon. Ang pagpipiknik, pagkain nang sabay-sabay sa bukid kapag panahon ng anihan ang ilan sa mga malimit gawin ng pamilyang Gaddang.

Gaya ng ibang pamilyang katutubo, ang mga katutubong Gaddang ay isang magandang halimbawa o mukha ng tunay na pamilyang Pilipino. Ito ang napatunayan ng mga mananaliksik sa maikling panahon ng kanilang pakikipamuhay sa kanila.


Larawan 13. Mga pamilya sa Roxas, Solano at Villa Coloma, Bagabag sa pagsasalu-salo ng pagkain.

Ang pagkain nang sabay-sabay sa loob o labas man ng kanilang mga bahay ay maituturing na isang maganda at masayang gawain ng isang pamilyang Gaddang. Sa ganitong panahon nagkakaroon ng pagkakataon na magkuwentuhan, mag-usap tungkol sa mga bagay na nagyayari sa kanila at iba pang mga isyu na dapat na mapag-usapan tungo sa mas matatag na relasyong-pampamilya.

Ayon kay Fox, isang Amerikanong Antropologo, ang pamilyang kumakain nang sabay-sabay ay isang mabisang paraan ng pagtuturo ng magandang asal sa mga anak. Ito rin ay makabuluhang hakbang para maipakilala sa mga nakababatang angkan ang kahalagahan ng nakagisnang kultura ng isang lipunan. Idinagdag pa niya na ang pagkain ay isang materyal na karaniwang makikita sa loob ng bahay. Ang pagsasalo-salo ng isang pamilya, marami man o kaunti lang ang pagkaing pinagsasaluhan ay isang mahalagang ritwal o seremonya na nakasanayan nang gawin ng mga ninuno.

Samakatuwid, mahalagang magkaroon ng oras ang isang pamilya na kumain nang sabay-sabay, kung hindi man sa lahat ng pagkakataon ay dapat gawing malimit upang magkaroon ng puwang ang mga magulang o sinumang nakatatandang kasapi ng pamilya na ibahagi ang nakasanayang kultura o pag-uugali ng kanilang lahi/tribu. Sa panahon kasi ng sama-samang pagkain, naiipon ang isang buong pamilya. Kayâ nagkakaroon ng pagkakataon ang mga magulang na kausapin o pag-usapan ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa buhay ng kanilang mga anak.

Sistema at Kaugalian sa Pagkakamag-anak

Kilala ang mga Pilipino sa malapit at matatag na relasyon nila bílang magkakamag-anak. Itinuturing nila na mahalaga nilang kayamanan ang pamilya sa kabila ng kasalatansa tunay na búhay. Naniniwala sila na sa mga kamag-anak lámang maaaring magkaroon ng lakas, kaagapay at kakampi ang isang tao, lalo na sa panahon ng pangangailangan walang ipinagkaiba ang mga pamilyang Gaddang sa pagpaparamdam ng pagpapahalaga at pagmamahal sa kanilang mga kamag-anak. Taglay nila ang hindi matatawaran at magandang sistema ng pagkakamag-anak gaya ng mga sumusunod:

Pagbabatian sa tuwing sila ay nagkikita-kita. Ngitian, kamayan, pagmamano at pagtawag nang may paggalang. Ito ang ilan sa mga ipinapakita ng mga magkakamag-anak na Gaddang kapag sila ay nagkikita-kita.

Pagdadamayan kapag may kamag-anak na namatay. Sa tuwing may kamag-anak na namamatay, nagtitipon-tipon sila bílang isang buong pamilya.Minsan, nagsisilbiitong isang mahalagang panahon dahil naniniwala sila na ito ang hulíng pagkakataon para masulyapan ang hulíng sandali ng kanilang kamag-anak na namayapa.

Pagtutulungan kapag may kamag-anak na nangangailangan. Sa sandaling walang malalapitan sa panahon ng pangangailangan, nandiyan ang mga kamag-anak na handang dumamay. Kapag ang isang kamag-anak ay nagkasakit, naospital, nadisgrasya o nalagay sa alanganin, laging dumadamay ang mga kamag-anak. Ang ganitong pag-uugali ay hindi maaalis sa kanila sapagkat nakasanayan nang gawin ng sinumang nagmamahal na kamag-anak.

Pakikipagsaya kapag may kamag-anak na nagtamo ng tagumpay. Ang tagumpay ng sinumang kasapi ng kamag-anak ay tagumpay ng buong angkan. Nakatutuwang makita ang ganitong pag-uugali ng pamilyang Pilipino. Ang kamag-anak na nagtapos sa pag-aaral, pumasa sa pagsusulit, nanalo sa paligsahan, nahalal bílang opisyal ng barangay o bayan at iba pang maaaring ikarangal ng buong pamilya ay isang bagay na dapat na ipagdiwang. Ang ganitong pagkakataon ay hindi napapalampas ng pamilya para ipagbunyi nang sabay-sabay.

Pagsasagawa ng reunion na nagpapatatag ng kanilang relasyong pampamilya. Ang reunion ay isang paraan na ginagawa ng mga magkakapamilya para matunton ang nawalay o malayong mga kamag-anak. Pinatatatag nito ang kanilang relasyon gaano man kalayo ang ibang mga kamag-anak. Karaniwan, ginagawa nila ito taon-taon.

Pagsasama-sama sa tuwing may okasyon ang alinman sa mga kasapi ng pamilya. Kahit simpleng pagdiriwang ng kaarawan, piknik, panahon ng taniman at anihan ay nagsasama-sama ang mga magkakamag-anak. Bagaman, walang gaanong handa, aasahan ang mga kamag-anak na dadalo dahil naniniwala sila na ang kanilang presensiya ay sapat na makapagpapasaya sa kanilang kamag-anak.

Higit sa lahat, pagmamahalan sa kabila ng maraming pagsubok sa búhay. Nasusubok ang kamag-anak sa panahon ng pangangailangan. Bagaman, hindi lahat ng kamag-anak ay maaaring asahan sa panahon ng kahirapan, mangilan-ilan lang naman ang ganitong may pag-uugali. Sa bandang hulí, hinding-hindi pa rin naman mang-iiwan ang isang tunay na kamag-anak.

Ang mga nabanggit na pag-uugali ay tipikal sa isang pamilyang Pilipino. Ito ang nakasanayang kultura at pag-uugali na sadyang kahanga-hanga at masarap damhin. Makikita rin ang ganitong pag-uugali sa mga pamilyang Gaddang. Ang kanilang mukha, kilos, pagsasalita at pakikitungo sa iba ay sapat na patunay na karapat-dapat siláng maipagmalaki at ipagdakila.

Pakikipag-ugnayan sa Komunidad

Matanggapin ang mga mamamayang Gaddang. Ipinakita ito ng Kapitan ng Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya sa courtesy call bago isagawa ang pakikipamuhay para sa pangangalap ng datos at impormasyon. Kasama ang mga Council of Elders ng NVGIPO, napagkayarian ang mga bagay na gagawin upang maayos at masinop na maisasagawa at masiguro ang kaligtasan sa pangangalap ng mga datos at impormasyon. Sa isinagawang pakikipamuhay, naramdaman ang mainit na pagtanggap ng mga pamilyang kumupkop sa mga mananaliksik. Itinuring na kasapi ng pamilya at trinato na hindi bisita kundi bílang mga mahahalagang kaibigan. Kanilang ipinakita ang taos-pusong pagtanggap at pagsuporta sa mga mananaliksik. Masipag nilang inalalayan, sinamahan, at inihanda ang mga katutubong Gaddang na kasali sa mga púlong, pakikipanayam at pagsasagawa ng Focus Group Discussion (FGD). Tumutulong sila sa paghahanda ng meryenda at makakain sa tuwing may pagtitipon. Maluwag din nilang sinasagot ang lahat ng mga tanong upang mas madaling mapatotohanan ang mga isyu may kaugnayan sa kanilang wika, sining at kultura bílang kasapi ng katutubong Gaddang.


Larawan 14. Ang nása mga larawana ay sina Kapitan Francisco Elmo E. Bayatan, Jr ng Villa Coloma , Bagabag, Nueva Vizcaya at mga Council of Elders ng NVGIPO kasamaang mga mananaliksik.

Ang mga mamamayang Gaddang ng Bagabag, Solano, at Bayombong ay mababait at mapagpakumbaba. Sila ay tunay na palakaibigan, masayahin, handang tumulong, gumabay at mag-alalay sa tuwing may bisitang dumadating sa kanilang komunidad. Ramdam ang kanilang mainit na pagtanggap sa kanilang mga bisita, sapat para mawala ang anumang agam-agam o takot sa pakikipamuhay sa kanila.

Naging kaswal ang buhay sa komunidad. Namasid kung paano umikot ang kanilang buhay sa araw-araw. Masaya, maaliwalas, maluwag at payak ang kanilang buhay at malayo sa maingay na lungsod. Tahimik ang paligid at masarap langhapin ang simoy ng malamig na hangin tuwing umaga. Bago sumikat ang araw, nagsisimula na ang aktibong buhay at hinaharap ang mga gawain nang may positibong pagtanaw. Sa hapon, oras ng pamamahinga, muling masayang nagsasama-sama ang buong pamilya.

Diumano, sila ay sanay na sa ganitong takbo ng kanilang buhay. Tahimik at payapa, bagaman paminsan-minsan ay may dumadating na simpleng problema. Malimit, tuwing sabado o linggo, lumalabas ang pamilya para mamasyal at mamalengke sa bayan ngunit kadalasan, sila ay nása loob lang ng komunidad. “Mas maganda ang buhay sa baryo kaysa sa mismong bayan. Maingay sa bayan, maraming tao at magulo. Dito, walang maraming problema. Maraming gulay sa paligid at hindi na kailangang bilhin, ‘di-gaya sa bayan na lahat ay binibili”, dagdag ng isang impormante.


Larawan 15. Ang larawan ng pang-araw-araw na buhay sa Villa Coloma, Bagabag,Nueva Vizcaya

Walang kuryente sa panahong ito dahil katatapos ng mapaminsalang bagyo. Maputik ang daan at may mga bahaging malubak dahil sa patuloy na pag-uulan. Gayunman, masaya pa rin ang buhay. May mga maliliksing mga batang naglalaro sa ilalim ng punongkahoy, lalo na kapag walang pasok sa paaralan.

Holen at tirador ang kanilang nilalaro. Hiyawan at takbuhan hanggang sa sila ay mapagod. May natalo at may nanalo, ngunit sa bandang huli, masaya ang lahat at matiwasay na naghihiwalay pagsapit ng hapon. Ngunit mapapansin na wala na siláng alam sa mga larong kudisi, karamet, araya, palokkit at tinnawan. Mga katutubong larong Gaddang noong unang panahon.

Sa kasunod na mga araw, nakipag-ugnayan ang mga mananaliksik sa punong barangay ng Roxas, Solano, Nueva Vizcaya upang isagawa ang pakikipamuhay sa mga katutubong Gaddang sa lugar. Nakausap ng mga mananaliksik ang punong-barangay kasama ang ilang Council of Elders upang itakda ang mga araw at oras ng panayam sa mga impormante. Nakita sa mga katutubong Gaddang sa lugar na ito ang tunay nilang ugali. Sila ay palakaibigan, matanggapin at palangiti. Naging madali ang mga isinagawang panayam sapagkat hindi nila ipinagkait ang mga impormasyong kinailangan upang maayos na maisagawa ang pananaliksik.

Sa panayam sa ilang matatandang Gaddang sa lugar, napag-alamang ginagamit pa rin nila ang wikang Gaddang sa kanilang pakikipag-usap sa kapwa nila Gaddang. Gayunman, inamin nila na bihira na sa kanilang mga anak ang nakakapagsalita ng wikang Gaddang. Tagalog ang wikang ginagamit ng karamihan sa kanila sa bahay, sa paaralan, at sa pakikipag-usap sa kapwa nila kabataan.

Ngunit nakatutuwang isipin na may ilang mga kabataang Gaddang na may edad na 10–14 ang nakakuwentuhan ng mga mananaliksik. Nagpakita sila ng kanilang husay sa pagkanta sa katutubong Gaddang. Ayon kay G. Lannu, IPMR ng barangay, sadya diumano nilang itinuturo sa mga kabataan ang ilang awit at sayaw ng Gaddang para tumimo sa kanilang isipan ang ganda at kahulugan ng kanilang wika, sining, at kultura.

Idinagdag pa niya na ang ganitong gawain ay isang napakahalagang hakbang para hindi makalimutan ng mga kabataan ang aral ng pagiging tunay na katutubong Gaddang. Nagagamit pa diumano nila ang mga natutuhang mga awit at sayaw sa pagtatanghal lalo na kapag may pagdiriwang ng pista ng barangay o ng bayan. Ang ganitong pag-uugali ay labis na ikinagagalak ng mga magulang ng mga kabataan dahil hindi nila ikinakahiya na sila ay kabílang sa katutubong Gaddang.

Ayon sa mga magulang, maraming mga kabataan ang ikinakahiya na sila ay Gaddang kaya mas pinipili nilang magsalita ng Tagalog upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan. Ayon naman sa mga kabataan na nagpamalas ng sayaw at awit, hindi diumano sila nahihiyang ipaalam kaninuman na sila ay kabílang sa katutubong Gaddang dahil naniniwala sila na nararapat ipagmalaki ang pinanggalingang lahi. Bagaman mahusay din siláng magsalita ng Tagalog, hindi nila diumano kinakalimutang mag-usap sa wikang Gaddang kapag sila ay nagkukuwentuhan. Ang ganitong pagtanaw ng mga kabataan ay isang maganda at dapat tularan ng ibang kabataan, ika ng isa sa mga magulang na nakapanayam ng mga mananaliksik.



Larawan 16. Ang mga opisyal ng barangay na pinamumunuan ni Kapitan Jun Mc Cris Collado, mga kabataan at mga magulang na nakapanayam ng mga mananaliksik saRoxas, Solano, Nueva Vizcaya

Sa pakikipag-uganayan ng mga mananaliksik sa San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya, nakilala nila ang mga opisyal ng barangay at ilang residente na siyang nagsilbing impormante sa pagpapatuloy ng pag-iipon ng mga datos at impormasyon.

Tahimik, payapa at masaya ang buhay sa barangay na ito. Mababait at palakaibigan ang mga tao at hindi naging maramot sa pagbibigay ng mga datos at impormasyong kakailanganin sa pananaliksik. Dito nakatira ang pinakaraming bílang ng mga katutubong Gaddang. Bakas sa kanilang mukha, pananalita at pakikitungo ang pag-uugali ng tunay na katutubong Gaddang. Sa pag-iikot ng mga mananaliksik sa barangay, napag-alaman na sa wikang Gaddang nag-uusap ang mga tao maging karamihan sa kanilang mga anak.

Dito matatagpuan ang Bayombong West Elemtary School na pinaniniwalaang may pinakamaraming bílang ng mga guro at mag-aaral na mga anak ng pamilyang Gaddang. Sa panayam kay Gng. Norla S. Valdez, Punongguro ng BWES, halos lahat ng kaniyang mga guro ay mga Gaddang at ang karamihan sa kanilang mga mag-aaral ay anak ng mga katutubong Gaddang.

Kilala ang paaralan bílang tagapagsulong ng mga literatura at sining ng katutubong Gaddang. Mahusay ang mga batà sa pagsasayaw at pag-awit ng mga awiting Gaddang. Malimit din dumalo ang mga guro ng pagsasanay at mga púlong ukol sa pagpapahalaga sa wika at kulturang Gaddang na kadalasan nilang itinuturo sa kanilang mga mag-aaral. Dahil dito, napapanatiling buhay ang wika at kultura na labis nilang ikinagagalak.

Sa pakikipagkuwentuhan ng mga mananaliksik sa mga mag-aaral ng BWES, nakita kung gaano kahusay ang mga batà sa pagsasalita ng wikang Gaddang. Sa tono at pagbigkas ay mababanaag na sila ay awtentikong Gaddang. Sila diumano ay tinuruan ng kanilang mga magulang na mga totoong Gaddang.



Larawan 17. Ang mga opisyal ng barangay na pinamumunuan ni Kapitan Emery D. Melad, Gng. Norla S. Valdez, Punongguro, mga guro at mga mag-aaral ng BWES ng SanNicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Bagaman mahusay din sila sa Tagalog, hindi nila kinakaligtaan ang pagsasalita ng wikang Gaddang kahit sa pakikisalamuha nila sa loob ng paaralan. Matuto man daw sila ng ibang wika ay hindi pa rin nila kalilimutan ang wikang Gaddang at patuloy na tatangkilikin ang sining at kulturang kakabit ng wikang ito.

Ito ang magandang katangian ng paaralan sapagkat purong Gaddang ang punongguro at karamihan sa mga guro. Dahil dito, nagkakaugnay sila sa pagsusulong na mapalakas ang wikang Gaddang. Mahalagang magkaroon ng nagkakaisang damdamin pang maiwasan na may kumontra kung sakaling may magandang adhikain na dapat na ipatupad, ika ni Gng. Valdez, punongguro ng BWES.


Larawan 17. Ang mga mag-aaral ng Bayombong West Elementary School, San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya sa kanilang pagpapakita ng sayaw ng mga katutubong Gaddang

Sa pagatapos ng pakikipagkuwentuhan ng mga mananaliksik sa mga mag-aaral ng BWES, sila ay hinilingan na magpamalas ng awit at sayaw sa Gaddang na kanila namang pinaunlakan. Sa pagkakataong iyon, napatunayan ng mga mananaliksik ang husay nila sa pag-awit at pagsayaw ng Gaddang.

Maaliwalas at malapit sa kabayanan ng Bayombong ang San Nicolas. Ang mga bahay ay kongkreto at marangya ang buhay ng karamihan sa mga pamilya. Marami sa kanila ang nakapagtapos ng pag-aaral at ang iba ay nahalal bílang opisyal ng Bayombong. Masigla din ang kalakalan dahil sa lokasyon nito. Gayunman, mapapansin na napapanatili ng mga mamamayan ang kanilang pagkakakilanlan bílang katutubong Gaddang. Hindi kailanman sila nagpaimpluwensiya sa malakas na hatak ng siyudad at pag-unlad.

Sa kabiláng dako, kaiba ang komunidad ng Paitan, Salvacion at Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya. Dito matatagpuan ang ibang katutubong Gaddang. Malápit sa ilog ang mga nasabing lugar. Pangingisda ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao at pamamasada ng bangka naman ang iba. Sa Vista Alegre, dikit-dikit at malalapit ang agwat ng mga bahay. Kongkreto ang karamihan sa mga bahay at malapit na magkakamag-anak ang mga pamilya rito. Gaddang ang karamihan ng nakatira rito, bagaman may ilang Ilokano at mga Ifugao na pinaniniwalaang napadpad sa lugar.

Ayon sa impormanteng nakapanayam ng mga mananalisik, isang mayamang pamilya diumano ang nagmamay-ari ng mga lote na tinitirhan ng mga katutubong Gaddang sa Vista Alegre. Sila ay nangungupahan at nagbabayad ng renta ng mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Ang barangay ay nása timog na bahagi at medyo malayo sa kabayanan ng Bayombong.


Larawan 17. Ang mga mananaliksik sa pakikipag-ugnayan sa mga katutubong Gaddangsa Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya

Sa pangkalahatan, napatunayan ng mga mananaliksik na ang mga pamilyang Gaddang ay bahagi ng lipunan na may natatanging kontribusyon sa pagtatatag ng mapayapa at maunlad na pamayanan. Hindi matatawaran ang kanilang kasipagan, pagmamahalan bílang isang pamilya, kagandahang-loob lalo na kapag may mga bisitang dumadalaw sa kanilang pamayanan. Kilala din sila bílang masunuring mamamayan,
mapagpakumbaba at may mabuting kalooban. Sila ay relihiyoso at may mataas na paggalang sa Diyos. Patunay ang kanilang pag-anib sa iba’t ibang relihiyon at aktibong pagdalo sa mga pagsamba at kaugnay na pagtitipon. Karamihan sa kanila ay may mataas na pagpapahalaga sa kanilang nakagisnang sining at kultura.

Ang ilan sa mga pag-uugali ng pamilyang Pilipino ay eksklusibong napatunayan sa mga pamilyang Gaddang na nakasalamuha ng mga mananaliksik. Sila ay kilala sa kanilang pagiging matanggapin. Ito ang isa sa pinakakilalang mabuting pag-uuagli ng pamilyang Pilipino. Kapag may bisita, ipinapakita nila ang mainit nilang pagtanggap. Agad siláng nag-aalok ng pagkain o anumang puwedeng mapagsaluhan bílang pagpaparamdam ng taos-pusong pagtanggap sa mga bisita. Agad na pinapaupo o kayâ ay tinatanong kung komportable ang bisita sa kaniyang kinalalagyan.

Ang ganitong pag-uugali ay nakita rin sa mga pamilyang Gaddang sa pakikipamuhay ng mga mananaliksik sa kanila. Bagaman hindi gaanong magarbo ang kanilang pamumuhay, ginagawa nila ang kanilang magagawa para maipakita ang kanilang mainit na pagtanggap sa kanilang bisita. Sa katunayan, malimit ang paghingi ng paumanhin ng ginang ng tahanan na tinirhan ng mga mananaliksik sa kawalan ng kuryente sa mga araw na iyon sapagkat katatapos ng bagyo at natumba ang mga poste ng kuryente. Upang maipakita ang kanilang pagiging matanggapin, nagsisindi sila ng kandila at nagkakabit ng kulambo sa gabi para hindi diumano makagat ng lamok ang kanilang mga bisita. Nagkakatay sila ng alagang manok at inihahain bílang ulam, maliban sa mga bagong pitas na gulay at prutas na iniaalok sa kanilang bisita.

Magalang ang mga katutubong Gaddang. Ang mga batà ay naringgan na gumagamit ng po at opo sa tuwing sumasagot sa kanilang mga magulang at nakatatandang kamag-anak. Binabati rin nila ang kanilang bisita sa tuwing dumadating sila gáling paaralan o sa trabaho. Kahit simpleng ngiti lámang ay sapat na para maipakita ang kanilang pagiging magalang. Ang ganitong pag-uugali ay taglay din ng ibang katutubo dahil kilala sa kabuuan ang mga Pilipino bílang magagalang na mamamayan.

May matatag na bigkis bílang isang pamilya. Kapisan nila ang kanilang mgaanak at mga apo sa bahay. Nagsasama-sama sila sa tuwing may okasyon ang ibang kamag-anak. Nagtutulungan, nagbibigayan at nagdadamayan sa oras ng pangangailangan. Sabaykung kumain at malimit na nagsasabay din sa pagsisimba o kahit sa pamamasyal sa bayan. Higit sa lahat, sila ay tunay na nagmamahalan sa isa’t isa.

Masipag sila sa gawain. Pagsasaka ang nakitang pangunahing hanapbuhay ng mga katutubong Gaddang. Maliban sa pagsasaka, nangingisda rin sila kung mataas ang tubig sa ilog, nagtatanim ng gulay at nag-aalaga ng hayop bílang alternatibong mapagkakakitaan, namamasada ng bangka at traysikel, nagkakarpentero, nagtatrabaho sa pampribado o pampublikong ahensiya at ang iba ay nangingibang-bansa para matustusan ang pangangailangan ng kanilang mahal sa buhay.

Sanay sila sa simpleng buhay. Simpleng pangarap, simpleng buhay. Bagaman simple ang buhay, patuloy pa rin siláng nagpupursige na mabago ang takbo ng kanilang kasalukuyang kalagayan. Bílang patunay ay ang masigasig na pag-aaral ng kanilang mga anak para magkaroon ng maayos na buhay sa hinaharap. Sang ayon kay Riana Hope, kaya diumano siya nagsisipag sa pag-aaral ay dahil nais niyang makatapos at makahanap ng magandang trabaho sa hinaharap. “Pangarap ko pong makatapos at maabot ang aking pangarap para matulungan ko ang aking mga magulang balang araw”, ika ni Riana Hope sa panayam ng mga mananaliksik.

Sila ay mapagmahal at maalalahanin. Ang ganitong pag-uugali ng mga katutubong Gaddang ay napatunayan sa pamamagitan ng kanilang magandang relasyon bílang pamilya. Ang ina ay maagang gumigising para ipagluto ang asawa at mga anak bago pumasok sa paaralan o trabaho. Sinisiguro ng bawat isa na nagagampanan ang kanilang tungkulin nang may pagmamahalan. Kapag nagkakasakit ang sinumang kasapi ng pamilya ay makikita ang labis na pag-aalala.


Larawan 18. Ang tipikal na pamilyang Gaddang

Tinalakay ni Jujanester (2016) ang mga mabubuting katangian ng isang pamilyang Pilipino. Ilan sa mga ito ay ang pagiging matanggapin, matatag na pagsasamahan, magalang, mapagmahal at masipag sa gawain. Sinabi niya na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na maituturing na tahanan ng mga pamilyang may kaaya-aya at positibong pananaw
sa buhay. Idinagdag niya na bagaman ang Pilipino ay nalahian na ng iba’t ibang bansa, ang mabuting kulturang Pilipino ay buo pa rin at tunay na ipinagmamalaki bílang isang bansa.

Samantala, binanggit naman ni Ramos (2013) na sadyang masipag ang mga Pilipino. Ama ang naghahanap-buhay at ina ang bahala sa mga gawaing-bahay at pangangalaga sa pangangilangan ng buong pamilya. Ang lahat ng kasapi ng pamilya ay may mahalagang tungkulin na ginagampanan. Ang bigkis ng pamilya ay isang napakagandang katangian, isang kahanga-hanga at hindi matatawarang pag-uugali na lalong nagpapatatag sa pamilya lalo na sa panahon ng kahirapan at pagdarahop.

Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang

Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang  Kultural ng mga Gaddang. 

RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi  ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang  nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala. 

Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:

Joey M. Villanueva  
Ma. Rousselle G. Jandoc 
Denny B. Jamil 

PAUNAWA. Hindi inilathala ang manuskritong ito. Ang pagkopya at pamamahagi sa  publiko ay ipinagbabawal.

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com

KWF Repositoryo ng Wika at Kultura ng Pilipinas 2021

Para sa mga komento at suhestiyon, maaaring mag-email sa kwf.repositoryo@gmail.com

May restriksiyon


KINAKAILANGANG MAGPA-REGISTER

Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.