Kasaysayan ng Katutubong Gaddang
Nakilala ng mgaKastila ang mga katutubong Gaddang noong 1600.Kung saan sila nakatira ngayon ay iyon din ang mga dati nilang tirahan noong una siláng makilala. Paglipas ng panahon, sila ay napuwersang lumipat sa mga komunidad alinsunod sa kautusan ng mga Kastila na tinawag na reduction resettlement. Sila ay naging mga kristiyano sa pamamagitan ng mga paring Dominiko at Augustinian.
Ang mekanismo ng kolak (pakikipagpalitan ng kalakal) at ang padon (usapang pangkapayapaan) ang nagturo sa mga katutubong Gaddang sa larangan ng pangangalakal. Sa panahong ito, mahigpit na pinagbawalan ng mga paring Kastila ang mga kristiyanong Gaddang na makipagkaibigan at makipagpalitan ng kalakal sa mga hindi kristiyanong Gaddang para mapanatili ang kaayusan at katahimikan ng kanilang komunidad.
Noong panahon ng mga Amerikano, naging mas magaan ang buhay ng mga katutubong Gaddang. Sa pagnanais nilang maipakilala sa mga katutubong Gaddang ang tunay na halaga ng pagiging kristiyano, kanilang pinag-aralan ang mga pag-uugali ng mga hindi kristiyanong Gaddang. Ipinakilala nila ang mga pag-uugaling Amerikano at tinanggal ang gawaing pamumugot ng ulo. Mingal ang tawag sa kinikilalang pinunò ng mga mamumugot ng ulo.
Pagkaraan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, nagbago ang buhay ng mga katutubong Gaddang. Tumaas ang antas ng kanilang pamumuhay at nakilala sila sa larangan ng pulitika. Dumami ang kanilang bílang at natuto sila sa pakikipagkalakalan sa mga Ilokano, Cagayano at sa kapwa nila katutubong Gaddang.
Ang Ekonomiya ng Katutubong Gaddang
Pagsasaka at pagtatanim ng gulay ang pangunahing hanapbuhay ng mga katutubong Gaddang noon. Sinisimulan nila ang pagtatanim ng palay sa mga buwan ng Hulyo hanggang Disyembre, isang magandang panahon para sa kanila para magtanim ng palay na tinatawag nilang abafini. Samantala, mamula naman ang tawag nila sa panahon ng pagtatanim ng ibang halaman maliban sa palay sa mga buwan ng Enero hanggang Hunyo. Ang kanilang inaani ay karaniwang ipinangtatawid sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Ang ilan sa mga halamang kanilang itinatanim ay mais, kamote, patatas, bitsuwelas, luya, bawang, kamatis, saging, gábi, ampalaya, tubó at iba pang maaaring pamalit sa palay. Nagtatanim din sila ng tabako bílang alternatibong mapagkakakitaan. Kanila itong ibinibenta sa palengke upang maibili ang kanilang kakailanganin sa araw araw.
Maliban sa pagsasaka, sila ay nagangaso rin para may mapagkakitaan. Nag aalaga din sila ng baboy at manok b;ilang pang-ulam at minsan ay ginagamit sa ritwal ng kanilang mga anitu. Ang mga kalabaw, báka at kabayo naman ay ginagamit sa pagsasaka. Gayunman, malimit na nararansan pa rin ng mga katutubong Gaddang ang kakulangan sa pagkain, kaya ang pangingisda ang kanilang madalas na pinagkakakitaan lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Pagkakakilanlan ng Katutubong Gaddang
Ang mga Gaddang ay isa sa mga pangkat etniko sa Lambak ng Cagayan na may mayamang kultura at kasaysayan. Sila ay nagmula sa grupo ng mga Malay na ang ibig sabihin ay “sa gilid ng ilog – along the bank.” Malaking bílang ng mga katutubong Gaddang ay nakatira sa bayan ng Bayombong, ang kabisera ng lalawigan ng Nueva Vizcaya at sa mga bayan ng Bagabag at Solano, Nueva Vizcaya. Ang iba ay makikita sa hilagang bahagi ng Lambak ng Cagayan. (Journal of Northern Luzon, 1986).
Ang salitáng Gaddang ay hindi lámang tumutukoy sa pangkat etniko kundi ito rin ang tawag sa wikang sinasalita ng mga katutubong Gaddang. Ang salitáng Gaddang ay nangangahulugang balat sa wika ng mga katutubo. Nakasaad sa Indigenous Peoples Structure (IPS) ng mga katutubong Gaddang na ang mga salitáng Gaddanes, Gadang, Gadan o Ga’dang ay nabuo sa pamamagitan ng pinagsamang tunog na ga na ang ibig sabihin ay ‘init o apoy’ at ang dang na ang ibig sabihin naman ay ‘sunog o nasunog sa apoy.’ Ibig sabihin, ang Gaddang ay may balat na nasunog sa apoy.
Pinaniniwalaang sa nabanggit na pakahulugan ibinatay ang kulay ng balat ng mga katutubo lalo na ang mga sinaunang mamamayang Gaddang na mas kayumanggi o maitim kaysa sa mga ibang pangkat etniko sa lugar. Subalit sa kasalukuyan, hindi na matutukoy ang pagiging Gaddang ng isang tao base lámang sa kaniyang balat sapagkat wala naman na itong pagkakaiba sa balat ng karamihan na mapuputi at kayumanggi.
Wayi ang tawag ng mga katutubong Gaddang sa kanilang mga kapatid. Gayunman, malimit ding marinig ang ganitong katawagan sa malalapit na kaibigan ng mga katutubong Gaddang. Kolak naman ang madalas itawag ng mga tagalabas sa mga katutubong Gaddang lalo na sa kanilang mga kamag-anak. Kahit sa mga paaralan, ‘wayi’ at ‘kolak’ ang tawag ng mga kabataan sa mga kaklaseng Gaddang. Ito ang malimit na tawag na gingamit ng mga nakatatandang Gaddang sa isa’t isa kapag sila ay nag-uusap at nagkakasalubong sa ibang lugar kahit hindi naman talaga sila totoong magkapatid o magkamag-anak.
Larawan 1. Pakikipanayam sa mga Gaddang ng Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Larawan 2. Pakikipanayam sa mga Gaddang ng Bagabag at Solano, Nueva Vizcaya
Lokasyon at Distribusyon ng mga Katutubong Gaddang
Malaking bulto ng mga katutubong Gaddang sa lalawigan ng Nueva Vizcaya ay matatagpuan sa mga bayan ng Bagabag, Solano at Bayombong. Ang ilan ay matatagpuan sa mga bayan ng Diadi, Villaverde at Quezon. Sa mga barangay ng San Geronimo, San Pedro at Villa Coloma ng Bagabag, Quirino at Roxas ng Solano at Salvacion, Vista Alegre at San Nicolas ng Bayombong, Nueva Vizcaya nakatira ang pinakamalaking bílang ng katutubong Gaddang. Dito sa mga lugar na ito hinango ang mga datos at impormasyon na siyang pinagbatayan ng pag-aaral na ito.
Batay sa Local Government Unit ng Solano (2001), ang mga katutubong Gaddang ang siyang unang nanirahan sa bayan ng Solano. Sila rin ay matatagpuan sa mga lugar na malapit sa ilog ng Magat at sa mga bulubunduking bahagi ng Kalinga at Bontoc. Ilokano ang iba pang pangkat etniko na nakatira dito. Sila ay nanggaling sa lalawigan ng Ilocos at La Union (Philippine Almanac 1986:159).
Larawan 3. Mga mag-aaral ng Bayombong West Elementary School Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa kasalukuyan, ang karamihan sa mga katutubong Gaddang ay matatagpuan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Isabela, Mt. Province at ilang barangay ng Kalinga at Apayao. Sa probinsya ng Quirino, karamihan sa kanila ay matatagpuan sa bayan ng Diffun. Sa Nueva Vizcaya, sila ay matatagpuan sa hilagang bahagi, partikular sa mga bayan ng Bagabag, Solano at Bayombong at sa kanlurang pampang ng Ilog Magat.
Sa Mountain Province, sila ay matatagpuan sa paracelis, Partikular sa mga barangay ng Anonat, Poblacion, Buringat, Bantay, Bacari at Bananao. Sa Isabela, sila ay naninirahan sa ilang barangay ng Gamu, Burgos, San Mateo at Tumauini. Ang iba ay matatagpuan sa lungsod ng Santiago at Cauayan at maging sa mga bayan ng Reina Mercedes, Angadanan, at Aurora. Batay sa ulat ng Provinical Information Technology Division ng Nueva Vizcaya ukol sa populasyon alinsunod sa etnisidad (population by ethnicity) noong 2015, lumalabas na may 10,451 na lámang ang katutubong Gaddang sa naturang lalawigan. Tunghayan ang talahanayan ng populasyon ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya batay sa etnisidad na kanilang kinabibilangan.
Makikita sa talahanayan na Ilokano ang nangungunang wikang sinasalita sa lalawigan ng Nueva Vizcaya na may katumbas na bílang na 236,851 mula sa kabuuang populasyon na 397,698 at may katumbas na 59.555 bahagdan. Kasunod ang Kalanguya na may kabuuang bílang ng nagsasalita na umaabot sa 52,848 at may katumbas na bahagdan na 13.288 at ang Ifugao ay may 27,566 katao ang nagsasalita nito na may katumbas na 6.929 bahagdan.
Samantala, ang Gaddang ay nása pang-anim na bílang na may kabuuang nagsasalita na umabot lámang sa 10,451 at may katumbas na 2.628 bahagdan. Higit na mataas ang Tagalog na may kabuuang bílang ng nagsasalita na 21,498 at may katumbas na bahagdan na 5.406. Isang patunay na sa paglipas ng panahon, pababa nang pababa ang bílang ng mga mamamayan ng Nueva Vizcaya na nagsasalita ng wikang Gaddang. Sa nasabing talâ sa itaas, pinatutunayan nito na nauungusan na ng Tagalog ang Gaddang, samantalang Gaddang ang isa sa mga pangunahing dayalekto ng Nueva Vizcaya.
Talahanayan 1. Populasyon ng Nueva Vizcaya ayon sa kanilang etnisidad
Etnisidad (Ethnicity) | Bílang | Bahagdan |
Ilokano | 236,851 | 59.555 |
Kalanguya | 52,848 | 13.288 |
Ifugao | 27,556 | 6.929 |
Ibaloi | 22,440 | 5.642 |
Tagalog | 21,498 | 5.406 |
Gaddang | 10,451 | 2.628 |
Kankanaey | 8,002 | 2.012 |
Isinai | 7,810 | 1.964 |
Ayangan | 5,594 | 1.407 |
Bugkalot | 4,423 | 1.112 |
Others | 225 | 0.057 |
Total | 397,698 | 100 |
Maraming dahilan kung bakit paunti nang paunti ang populasyon ng katutubong Gaddang sa kasalukuyan. Ilokano o Tagalog na ang wikang ginagamit ng mga katutubong Gaddang sa kanilang pakikipag-usap sa ibang tao maging sa loob ng kanilang bahay lalo na ang mga kabataan.
Napag-alaman na kayâ Tagalog ang salita nila sa loob ng kanilang mga bahay dahil may mga kasapi ng pamilya na hindi nakakapagsalita at nakakaintindi ng Gaddang. Sila ay Tagalog, Kapampangan at Bikolano na napangasawa ng kanilang mga Gaddang. Dahil sa hindi sila Gaddang, hindi na rin ito itinuro pa sa mga nakababatang kasapi ng pamilya. Bagkus, Tagalog ang kanilang ginagamit sa pag-uusap. Dahil Tagalog naturuan ang kanilang mga anak, Tagalog na rin kung makipag-usap ang mga ito maging sa labas ng kanilang bahay at sa paaralan. Isa din sa mga dahilan ng hindi pagsasalita ng kanilang mga anak ng wikang Gaddang ay bihira na diumano ang mga batang nagsasalita nito. Ibig sabihin, wala na siláng makakausap kapag nakikisalamuha sila sa komunidad. Tanging ang mga may edad o matatanda na lámang ang naririnig na nagsasalita ng wikang Gaddang
Maliban sa mga nabanggit, marami sa mga kabataan ang ayaw magsalita ng wikang Gaddang dahil nahihiya siláng makilala ng kanilang mga kaedad na sila ay mga anak ng katutubong Gaddang. Kayâ ang nangyayari, ipinagkakaila nila na sila ay may lahing Gaddang. Ayon sa isang impormante, pinipilit nilang magsalita ng Tagalog ngunit madali rin lang mapansin sa kanilang tono at pananalita na sila ay Gaddang. Dahil sa ganitong kalagayan ng wika, lalong tumitindi ang pangamba ng mga matatanda na maaaring tuluyan nang mawala ang wikang Gaddang kapag hindi maturuan ang kanilang mga anak at apo.
Ang mga kabataang Gaddang na nása edad 14–18 sa Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya ay hindi rin nakapagsasalita ng wikang Gaddang. Ang mga naturang mga kabataan ay anak ng mga mag-asawang Gaddang na gáling sa Paracelis, Mountain Province at nalipat lamang sa Villa Coloma at dito na naninirahan.
Sa isang artikulo na inilathala ng National Clearinghouse for Bilingual Education (2000), binanggit nila na mas pinipili ng ilang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng ibang wika at hindi ang wikang kanilang nakagisnan dahil naniniwala sila na makikinabang sila sa paaralan kapag naging mahusay sila lalo na sa wikang English. Dahil dito, maaari siláng mawalan ng pagpapahalaga sa kanilang lokal na wika dahil nakapokus ang kanilang pansin sa pag-aaral at pagkatuto sa ibang wika
Binanggit niya ang limang pangunahing dahilan kung sakaling magiging mahusay ang isang tao sa pangalawang wika at hindi ng kanilang lokal na wika. Una ay personal na dahilan. Ayaw ng ilang mga batà na makilala sila sa wikang sinasalita ng kanilang mga magulang. Maaari diumano na ikinakahiya nila ang wika ng kanilang mga magulang kayâ mas pinipili nilang huwag na lámang itong pag-aralan. Pangalawa ay ang sosyal na dahilan. Nanainiwala sila na kapag sa lokal na wika matututo ang isang batà, hindi niya makakayang makisalamuha nang mahusay sa mga tao sa lipunan. Pangatlo, intelektuwal na dahilan. Kapag mahusay ang isang tao sa pangalawang wika, mas magiging mahusay siya sa loob ng paaralan. Pang-apat, edukasyunal na dahilan. Ang mga mag-aaral na mahusay sa pangalawang wika ay karaniwang sila ang nangunguna sa klase dahil madali nilang maipahayag ang kanilang ideya sa isang usapin, pasalita man o pasulat. At ang hulí ay ang, ekonimikong dahilan. Magandang oportunidad na makapasok sa trabaho maging sa ibang bansa kapag ang isang tao ay mahusay sa wika ng kalakal at karaniwan itong Tagalog o English. Lumalabas na ang mga nabanggit na dahilan ang mas pinagbabatayan ng ilang mga magulang kung bakit mas pinipili nila na sa ibang wika nila tinuturuan ang kanilang mga anak imbes na sa kanilang lokal na wika.
Bagaman, may mga indibidwal at ilang institusyong nagsusulong na muling maipakilala ang wikang Gaddang sa mga kabataan ngayon, lumalabas na hindi ito sapat para mapahalagahan nila ang wika na hindi nila lubos kilala. Ito ang pinatunayan ng isang guro ng katekismo sa Bayombong na bagaman itinuturo niya ang wikang Gaddang sa panimulang aralin, kinakailangan pa niya itong isalin sa English o Tagalog bago maintindihan ng mga batang kaniyang tinuturuan kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang binabanggit sa wikang Gaddang. Ang ganitong sitwasyon ay hindi madali dahil hindi naman lahat ng kaniyang tinuturuan ay anak ng mag-asawang Gaddang.
Larawan 4. Ang panayam sa mga kabataang Gaddang sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Naniniwala ang karamihan sa mga matatandang Gaddang na ang mahinang kalagayan ng wika ay sadyang nakakabahala. Ika nila, darating ang panahon, kung wala nang magsasalita ng wikang Gaddang ay maaari na itong mawala o mamatay.
Ipinapayo nila na hayaan ang mga kabataang Gaddang na makisalamuha at makipaglaro sa kapwa nila kabataang Gaddang para mas madali nilang matutuhan ang wikang Gaddang. Marami na diumanong mga magulang ngayon na mas pinipili nilang turuan ng Tagalog ang kanilang mga anak kaysa sa wikang Gaddang. Kung medyo nakapag-aral pa ang mga magulang ay sa English nila tinuturuan ang kanilang mga anak kayâ lumalaki sila na hindi lubos na nakapagsasalita at nakakaintindi ng wikang Gaddang.
Ang mga hakbang na nabanggit ay tunay na kaaya-ayang gawain para mapanatili ang wikang nanganganib nang mawala. Ngunit ayon pa rin sa kanila, hindi sapat ang ganitong paraan para maisalba ang wika tungo sa tuluyang pagkalimot ng mga kabataang Gaddang. Hiling nila na sana ay makita ng mga namumuno ng mga paaralan ang pangangailangan na maituro ito sa paaralan upang matutuhan ng mga batà.
May paliwanang hinggil dito ang isang punongguro ng paaralang elementarya na si Gng. Norla S. Valdez ng Bayombong West Elementary School sa San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya. Ayon sa kaniya, hindi ganoon kadali o basta-basta na lámang ituro ang wikang Gaddang sa paaralan sapagkat ang direktiba ng nakatataas ay sa Ilokano ituturo ang unang wika (Mother-tongue Based Multilingual Education o MTB-MLE) sa mga mag-aaral ng kinder, at una hanggang ikatlong baitang. Maliwanang na wala sa plano ng Department of Education na ipaturo ang naturang wika kabilang na ang iba pang mga wika sa iba’t ibang rehiyon na nanganganib na ring mamatay.
Matatandaan na noong Pebrero 17, 2012 ay naglabas ang DepEd ng kautusan na sa pagsisimula ng Taong Pampaaralan 2012-2013, ipatutupad na ang polisiya ukol sa Mother Tongue-Based-Multilingual Education (MTB-MLE) sa lahat ng pampublikong paaralan, partikular sa mga mag-aaral ng kindergarten at una hanggang ikatlong grado bílang bahagi ng katuparan ng K to 12 Basic Education Program. Ang MTB-MLE ay isang mahalagang suporta sa paniniwalang “Every Child-A-Reader and A-Writer by Grade 1.”
Labindalawang pangunahing mga wika o Lingua Franca ang kabílang sa mga wikang pagbabatayan sa pagpapatupad ng MTB-MLE. Ito ay ang mga sumusunod: Tagalog; Hiligaynon; Kapampangan; Waray; Pangasinense; Tausug; Iloko; Maguindanaoan; Bikol; Maranao; Cebuano at Chavacano. Tagalog ang nagungunang wikang pagbabatayan ng pagpapatupad ng pagtuturo ng MTB-MLE. Kasama rin ang Ilokano at wala ang wikang Gaddang at iba pang lokal na wika sa bansa. Kung gayon, walang pagkakataon na maituro ang wikang Gaddang at iba pang lokal na wika sa sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas.
Larawan 5. Ang panayam ng mga mananaliksik kay Gng. Norla S. valdez, Punongguro ng Bayombong West, Elementary School, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Idinagdag pa ni Gng. Valdez na bagaman hindi ginagamit ang Gaddang sa pagtuturo ng mother tongue, ginagawa naman ng mga guro ang kanilang pinakamahusay nilang magagawa para magkaroon ng panimulang kaalaman ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga awitin na naisalin sa wikang Gaddang. Para patunayan na hindi ganoong kababa ang kabatiran ng mga mag-aaral na Gaddang sa kanilang wika, ipinamalas ng mga guro at mga mag-aaral ng Bayombong West Elementary School ng San Nicolas, Bayombong Nueva Vizcaya kung paanong mahusay na kinanta ang awit ng panalangin at Himno ng Vizcaya sa wikang Gaddang. Isang magandang panimulang hakbangin upang maipakilala at mapahalagahan ng mga batà ang wikang Gaddang.
Larawan 6. Ang mga kabataang Gaddang sa kanilang pag-awit nang buong husay sa isang awit-panalangin at Himno ng Vizcaya sa wikang Gaddang.
Etnolingwistikong Pangkapaligiran
Sa pag-aaral ni Lambrecht (1929), mga katutubong Gaddang diumano ang mga naunang nanirahan sa mga bayan ng Santiago, Angadanan, Cauayan at Reina Mercedez, Isabela. Sila ang kauna-unahang gumamit ng wikang Gaddang. Sila ay may mahahabang buhok bago nila natutuhan ang pagpapagupit gamit ang matutulis na kutsilyo. Sapagkat sa harap na bahagi lámang ang kanilang ginugupit, patuloy na humahaba ang kanilang buhok hanggang sa kanilang balikat. Ang mga lalaki ay nagsusuot ng bahague (bahag) at pang itaas na kasuotan habang ang mga babae naman ay nagsusuot ng lappod (palda) at baruasi bílang pang-itaas na kasuotan at mga palamuti sa katawan.
Larawan 7. Ipinapakita sa mga larawan ang tipikal at lumang kasuotan, ang mahabang buhok at ang palamuti ng mga babaeng Gaddang (Kudos sa may-ari ng mga larawan).
Pagsasaka ang nakasanayan ng mga katutubong Gaddang na uri ng hanapbuhay. Ngunit may pamahiin siláng sinusunod sa tuwing sila ay nagtatanim ng palay. Kanila munang hinihingan ng túlong ang kanilang mga anitu sa pamamagitan ng taimtim na panalangin na tinatawag nilang uali. Nag-aalay din sila ng hayop at dekat ‘kakanin’ para sa paggabay ng kanilang mga anitu sa tuwing sila ay nagtatanim o nag-aani ng kanilang mga pananim.
Migrasyon ng mga Katutubong Gaddang
Bago dumating ang mga Kastila, sinasabing ang mga katutubong Gaddang ang pinakamaraming bílang ng nakatira sa Lambak ng Cagayan. Maliban sa bayan ng Echague, ang buong katimugan at kanlurang bahagi ng Isabela kasama ang Abulung at ang bundok ng Namamparang ay naging tirahan ng mga katutubong Gaddang. Nanirahan din ang mga katutubong Gaddang sa silangang bahagi ng Cordillera partikular sa silangang bahagi ng Ifugao at sa silangang bahagi ng Mountain Province, malapit sa mga ilog ng Mallig at Siffu.
Dahil halos parehas ang wika at kultura ng mga katutubong Gaddang ng Isabela at Nueva Vizcaya, inisip ng mga katutubong Gaddang ng Nueva Vizcaya na sila ay bahagi ng mga katutubong Gaddang ng Isabela at hindi ng katutubong Isinay. Ayon sa isang pahayag, “When Bayombong was accepted by the Dominicans, it was made dependent of Cauayan (not of Dupax nor of Buhay) because the Ibalibons (Gaddangs) inhabitants of Bayombong were enimies of the Isinay.”
Dati nang ayaw ng mga katutubong Gaddang na manirahan kasama ang mga Kastila. Sa kasunduan na pinirmahan ng mga katutubong Gaddang ng Nueva Vizcaya at ang pari na si Jose Tomas Marin, O.P. noong Pebrero 15, 1739, tinanggap ng mga katutubong Gaddang ang mga misyonaryo na manirahan sa kanilang teritoryo na may kondisyon na alinman sa mga tropa ng Kastila o ang mga katutubong sundalo ay dapat na manirahan sa kani-kaniyang mga lupa.
Sa ikalabinwalong siglo (18th century), naging mainit sa mata ng mga kalaban ang mga katutubong Gaddang na humantong sa pagpatay sa mga kristiyano na dumadaan sa Namamparang at bundok ng Abungul. Dahil dito, nagbabala si Padre Malumbres na kung maaari ay iwasan ng mga katutubong Gaddang na dumaan sa mapanganib na Abungul kung saan naroon ang mga barbariko na pumapatay sa mga táong dumadaan na walang kasamang sundalo. Ang pagpatay sa mga katutubong Gaddang sa Namamparang at ang bundok ng Abulung ay alam ng mga paring Dominiko sa Maynila. Kayâ, sila ay nag-alok na gagastusan nila ang grupo ng mga sundalo upang tumulong sa pagpuksa laban sa barbarikong katutubo na pumapatay sa mga katutubong Gaddang.
Naging madugo ang away ng mga katutubong Gaddang at mga barbarikong tribu. Maraming mga gusali ang nasira kabílang ang mga simabahan. Gayunman, naging matagumpay ang pagtataboy hanggang sa nilisan ng mga kalaban ang lugar. Mula noon, sinakop na ng mga katutubong Gaddang ang timog na bahagi ng Nueva Vizcaya. Dito nagsimula ang pagkakatatag ng mga bayan ng Buhay, Dupax at Bambang. Hanggang sa itatag na rin ang bayan ng Bayombong.
Isa ang bayan ng Bayombong kung saan nagtayo ang mga misyonaryo ng simabahan sa túlong ng mga Isinay ng Dupax. Nang iwan ng mga paring Augustinian ang Bayombong sa mga paring Dominikan noong 1739, sinimulan ang pagtatayo ng mga bahay na umabot sa 250 pamilya. Sinakop ng mga katutubong Gaddang ang Bayombong at iba pang mga bayan sa hilagang Nueva Vizcaya. Nabuksan ang mga daan na nagdudugtong sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Lambak ng Cagayan kaya pinasok ng ibang mga tribu ang buong lalawigan ng Nueva Vizcaya gaya ng Igorot.
Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang
Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang Kultural ng mga Gaddang.
RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala.
Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:
Joey M. Villanueva
Ma. Rousselle G. Jandoc
Denny B. Jamil
KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com
Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.