Lingguwistikong Etnograpiya ng Gaddang

Relihiyon, Paniniwala, Ritwal, at mga kagamitan

Ang Relihiyon ng mga Katutubong Gaddang

Bago naipakilala sa mga katutubong Gaddang ang pananampalatayang Romano Katoliko, ang konsepto ng pananampalataya ay batay sa paniniwala nila kay Nanolay na siyang lumikha ng lahat. Ang bahay-sambahan ni nanolay ay karaniwang ipinapatayo sa likod ng bahay ng kanilang pinunò. Dito nila malimit isinasagawa ang kanilang mga programang panrelihiyon. Kinikilala nila ang Diyos na nagbigay sa kanila ng pagpapatnubay at ang dalawa niyang kasama, sina Talanganay, ang laláking Diyos Espiritu at si Menalam, ang babaeng Diyos Espiritu. Ofag naman ang tawag nila sa masamang espiritu.

Naniniwala din sila sa anitu. Ito ay isang malakas na espiritu na gáling sa langit na may kakayahang makapanggamot ng kanilang mga sakit. Ito ang kanilang tinatawag sa tuwing may nararamdaman sa kanilang katawan sa pamamagitan ng panalangin. Ang gumagawa ng panalangin ay ang maffuryat. Siya ay nag-aalay ng pagkain, karne ng hayop, alak, itlog at iba pa para mas mabilis ang paggaling ng maysakit. Maayos ang takbo ng kanilang pananampalataya at sapat na sa kanila ang taimtim na panalangin para maging maayos, mapayapa at mananatiling malusog ang kanilang mga mahal sa buhay.

Mula nang matuklasan ang Nueva Vizcaya, naging laganap ang turo ng Romano Katoliko sa lalawigang ito dahil sa pagdating ng mga misyonaryong pari. Sila ang nagmulat at nagturo sa mga tao sa pananampalataya at edukasyon. Ngunit noong 1898, nang ipakilala ang relihiyong Iglesia Filipina Independiente sa mga tao sa pamamagitan ni Bishop Dr. Gregorio Aglipay ng Batac, Ilocos Norte, marami sa kanila ang umanib dito. Sa paglipas ng panahon, unti-unting naglabasan ang ibang mga relihiyon na nakapanghikayat sa ibang katutubo para umanib dito.

Kilala ang mga katutubong Gaddang bílang na may mataas na pananampalataya sa Diyos na makikita sa kanilang mga ritwal at paniniwala ang mga kaugalian ng pagmamalasakit, pagmamahalan, katarungan at pagbabalik ng kagandahang-asal.
Napanatili sa kanilang mga seremonya at ritwal sa pag-iisang-dibdib, pagdadalantao, pag- aaruga sa mga sanggol, pangggagamot, paglalakbay, pagpapalakas at pagpapanatili ng kakayahang makapanggamot at kamatayan sa kabila ng pag-usbong ng iba’t ibang relihiyon (Toquero, 2009).

Ang seremonya ng kasal na nagtatali sa dalawang táong nais magsama habambuhay ay malimit din nilang isagawa sa pamamagitan ng ritwal at dasal. Ipinamamalas nila ang kanilang pag-aaruga bílang mga magulang sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng dalawang ritwal. Ang pagkalinga sa nagbubuntis na babae at ipinapakita ang kanilang malasakit sa kanilang mga mahal sa buhay na nakatakdang maglakbay sa pamamagitan ng “paglukob sa taong ito” ng mga panalangin. Ipinapamalas nila ang pagkalinga sa kanilang mga yumao sa pamamagitan ng pag-aalaga sa labî ng mga ito at pagtalima sa angkop na kagandahang-asal para sa kanilang kapurihan. Ang kanilang mga panaginip ay nagsisilbing instrumento sa kanilang pagsisikap na protektahan ang bawat-isa mula sa anumang klase ng pinsala o pagkakasakit.

Gaya ng ibang mga tribu, itinuturing ng mga katutubong Gaddang bílang sagrado ang kasal. Ang seremonya ng kasal na kanilang sinusunod sa ngayon ay batay sa turo ng relihiyong kanilang kinaaaniban. Gayunman, hindi pa rin nawawala ang pagtutulungan at pagdadamayan kapag may kamag-anak na ikinakasal. Ayon sa mga Council of Elders, ang panliligaw ay isinasagawa ng mga dalaga at binatang Gaddang. Naniniwala sila na ito ang unang hakbang patungo sa pag-aasawa. Sa panahon ng ligawan, lalong naiintindihan ng isang lalaki ang kaniyang magiging tungkulin at pananagutan bílang asawa, gayun din ang babae. Sa panahon ng panliligaw, kinikilalang mabuti ng lalaki kung anong mga pag-uugali ng isang babae na nais niyang pakasalan at nauunawaan niya ang mga pag-uugali na dapat niyang ipamalas sa kaniyang magiging kabiyak.

“Kailangang manilbihan ang lalaki sa pamilya ng babae bago siya payagang manligaw at maging kasintahan ng babae. Magsisibak ng kahoy, mag-iigib ng tubig, magbubungkal ng lupa ang ilan lámang sa mga ipinapagawa sa kaniya bago mangyari ang ligawan. Mahabang proseso ang pagdadaanan ng lalaki bago niya makuha ang kamay ng babae. Kalimitan, nililigawan din ng lalaki ang mga magulang ng babae bago siya payagang manligaw sa kanilang anak. Ganito ang nakasanayan ng mga katutubong Gaddang noon,” ani G. Palmerin Labog, isa sa mga kalakayan ng Solano, Nueva Vizcaya.

Samanatala, dahil sa relihiyong katoliko ang karamihan sa kinaaaniban ng mga katutubong Gaddang, ugaling katoliko na rin ang kanilang sinusunod na paraan ng pagsamba sa Diyos. “Marami sa mga katutubong Gaddang ngayon ay kaanib ng relihiyong Romano Katoliko. Malakas ang impluwensiya ng pananampalatayang ito sa kanila kayâ lahat ng nakasanayang ginagawa noon ay nabago na at ang turo ng kanilang relihiyon ang malimit nilang sinusunod”, dagdag pa ni G. Labog.

Sa araw ng Pista ng mga Patay, kasama ng ilang katutubong Gaddang, nakita ng mga mananaliksik ang ilang mga pamilyang Gaddang sa pagdalaw sa kanilang mga mahal sa búhay sa dalawang sementeryo na matatagpuan sa bayan ng Bagabag. Bílang
pakikibahagi sa pagdiriwang, nagluluto sila ng kakanin na pinagsasaluhan pagkatapos manggaling sa sementeryo. Ito ay isang paliwanag na sila ay tunay na may mataas na
paggalang sa Diyos at pagmamahal sa kanilang kapamilya kahit na sila ay pumanaw na.


Larawan 24. Pagdalaw sa sementeryo sa Araw ng mga Patay

Ilan sa mga ipinakita ng mga katutubong Gaddang kung paano nila pahalagahan ang kanilang namayapang mahal sa búhay ay ang paglilinis at pagpipintura sa kanilang mga puntod, pagtitirik ng kandila, pagpapabasbas sa mga pari at pagsasama-sama sa pagdarasal at masayang pagkukuwentuhan. “Sa pamamagitan nito, maipapakita namin ang aming paggalang sa yuamao naming mga kamag anak”, ani Gng. Myrna Aban ng Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Mga Paniniwala ng mga Katutubong Gaddang

Matindi ang paniniwala ng mga katutubong Gaddang sa Diyos na siyang lumikha ng lahat. Kaakibat ng paniniwalang ito ay ang mataas na pagpapahalaga at pagmamahal sa kanilang pamilya at kamag-anak. Ito ang kanilang naging batayan sa pagsasagawa ng ilang seremonya noon na pinaniniwalaan nilang malaki ang magagawa sa kanilang buhay. Ang mga kaanak na bagaman yumao na ay bahagi pa rin ng kanilang alaala at hindi kailanman nawawala sa kanilang isipan. Naniniwala sila sa karalwa (espiritu ng mga ninuno) na nása tabi lámang nila na nagbabantay at umaalalay sa panahon ng kanilang pangangailangan. Ang nakalakhan ay ang pagbigkas sa mga pangalan ng kanilang ninunong namatay upang makahingi ng túlong lalo na kapag may isang kaanak na may sakit. Ang coma a masonga (pag-alala sa mga yumao) ay ang paniniwala ng mga katutubong Gaddang para alalahanin ang kanilang yumaong mga ninuno sa pamamagitan ng wali, na maaaring isagawa minsan sa isang taon o sa mga okasyon na mahalaga sa kanila.

Ngunit ang paniniwala ng katutubong Gaddang ay hindi lámang nagtatapos sa pag- alala sa mga kamag-anak na yumao. Mula sa pagsilang ay kakikitaan na ang mga katutubong Gaddang ng seryosong kultura at tradisyon na pinaniniwalaang gabay sa kanilang maayos na pamumuhay. Ang natanam na futag ay seremonya sa pagputol sa futag (pusod) ng bagong panganak na batà at ibabaon sa tabi ng buwod (tapayan). Ang buwod ay dapat na makita sa silangang bahagi ng kusina. Naniniwala sila na kapag may tumubong bayabas sa lugar kung saan ibinaon ang pusod, ang batà ay lálakíng malusog. Kapag may sakit ang batà at nalalagay ang kaniyang kalusugan sa alanganin, tatawagin ang mga namatay nilang ninuno at saka bibinyagan ang batà ng ibang palayaw. Kapag gumaling ang batà, maniniwala ang mga katutubong Gaddang na epektibo ang seremonyang ginawa nila.

Ang pagpapalit ng pangalan ng batà kapag siya ay may sakit ay pinaniniwalaan din ng mga katutubong Gaddang na epektibong paraan. Ang pagpapalit ng pangalan ay tinatawag na decoy, ito ay batay sa paniniwala na ang karangat (espiritu) na siyang may kagagawan sa pagkakasakit ng batà ay malilito. Kapag iba na ang pangalang ginagamit sa batà, hindi na ito mahahanap ng masamang espiritu. Ito ang pinaniniwalaang dahilan ng paggaling ng batà.

Pagkapanganak ng ina, lalabhan ang kaniyang mga damit sa ilog. Sa kaniyang pagpunta sa ilog, magdadala siya ng nasusunog na tela na tinatawag na ammiang. Habang nása daan, iiwasan ng mga kasama na mag-uusap-usap upang hindi lálakíng madaldal, iyakin o malikot ang batà. Hindi din dapat ikalat ang nalabhan na mga damit sa batuhan dahil maaaring magkasakit sa kutis ang batà. Para ito ay maiwasan, kinakailangang patuyuin ang mga damit sa ibabaw ng mga dahon ng saging.

Ang pakinginuwan ay ukol sa nakalimutang mga kamag-anak. Kapag diumano nagkakaroon ng sakit sa balat ang batà, may kamag-anak na naghihinanakit sa pamilya. Ang dahilan diumano ay ang hindi pag-anyaya sa kanila sa kasal ng mag-asawa o anumang okasyon na hindi sila naaanyayahan. Kapag may ganitong nangyayari, tatawagin nila ang mangimunu, isang nakatatandang katutubong Gaddang na kilala ang mga ninuno ng mag-asawa. Kapag nakilala ang nakalimutang kamag-anak, ipagdadasal ang batà at pagkatapos ay papasyalan ang kamag-anak para tuluyan nang gumaling ang batà.

Ang mallaku si abbing. Naniniwala ang mga katutubong Gaddang na ang mga anak ay kayamanan. Masyado nilang pinapahalagahan at minamahal ang kanilang mga anak. Kapag palaging namamatayan ng bagong siláng na anak ang mag-asawa, may matandang babaeng magkukunwaring ibinibenta ang batà, habang may isa namang babae na magkukunwaring bibili ng batà. Ang ganitong seremonya ay paraan diumano para lituhin ang masamang espiritu na masyadong nagigiliw sa batà kayâ niya kinukuha ang mga ito at humahantong sa agad nilang kamatayan. Pinaniniwalaang isa itong epektibong paraan para isalba ang buhay ng bagong siláng na batà.

Ang maakaw si espiritu na natay ay isang paniniwala na muling babalik ang kaluluwa ng táong namatay. Para maitaboy ang kaluluwa ng kamag-anak na namatay, isang seremonya ng panalangin ang kanilang isinasagawa. Naniniwala sila na ang pagbabalik ng kaluluwa ng namayapang kamag-anak ay makapagdudulot ng sakit. Isinasagawa ang pagtataboy sa kaluluwa ng namatay pagkaraan na siya ay mailibing. Sa pamamagitan ng kaniyang lumang damit, magwiwisik ang manggagamot ng alak sa paligid ng bahay. Habang nagwiwisik ng alak, tinatawag ng manggagamot ang pangalan ng namatay na kamag-anak at agad na isinisilid ang lumang damit sa lata. Binubuksan ang lata sa susunod na araw at saka ipinapatong sa ibabaw ng puntod ng namatay. Sa ganitong pagkakataon, pinaniniwalaang umakyat ang kaluluwa ng namatay na kamag-anak sa langit.

Ang mga Ritwal at ang Pagsasagawa Nito

Maraming mga ritwal ang isinasagawa ng mga katutubong Gaddang. Ang mga ritwal na ito ay may kinalaman sa kasal, kamatayan, pagpapagaling ng may sakit, paglalakbay at iba pang nangangailangan ng panalangin para maging payapa at maayos ang kanilang búhay. Ang ritwal sa pag-aasawa. Para masiguro ang tagumpay, maayos at payapang pagsasama ng mag-asawa, kinakailangang dumaan ang lalaki at babae sa tamang proseso ng pagliligawan. Kinakailangang alam ng lalaki ang mga katangian na nais niyang makita sa kaniyang mapapangasawa. Gayundin, dapat alam ng lalaki ang kaniyang mga katangian na maaari niyang ipakita sa kaniyang mapapangasawa. Maghaharap ang dalawa kasama ang ilang pilíng kamag-anak para pag-usapan ang kasal.

Sa araw ng kasal, kailangan ng pagsasagawa ng paddan (pagpapadugo ng baboy), at ang ilangan, pagkatay sa baboy para iluto sa tubig at asin upang magsilbing pagkain ng mga dadalo sa kasal. Sa kasal, unang isasagawa ang mangafug, para alamin ang totoong nararamdaman ng babae sa kaniyang manliligaw. Kasunod na isasagawa ang mammameran, ang pahahandog ng pamilya ng lalaki ng mama sa pamilya ng babae. Kapag ito ay tinanggap, sabay nila itong ngunguyain habang pinag-uusapan ang tungkol sa pagliligawan at kasalan.

Wálang ang tawag naman sa bahagi ng ritwal kung saan nagbibigay ng beads ang lalaki o kaniyang mga magulang sa babae o sa mga magulang ng babae. Ang pagbibigay ng beads ay isang patunay na totoo ang layunin ng lalaki sa babae. Ang umangira mawwalang o umangira massasapit ay isang mahalagang bahagi ng pagsasaayos ng kasal. Kinakailangang alamin ng lalaki kung pumapayag o hindi ang pamilya ng babae sa inaalok niyang kasal. Kapag pumayag ang pamilya ng babae, saka pa lámang isasagawa ang kasal sa bahay ng babae.

Ang madadallugit ira ay ritwal ng pagtataboy ng masamang espiritu na isinasagawa sa kasal. Ang ikinakasal ay hihiga at saka mabilis na babangon ng tatlong beses habang pinapaikutan ng mga tao. Kinakailangan nilang maisagawa ito sa pinakamabilis nilang makakaya para agad na maitataboy ang masasamang espiritu. Pagkatapos ay gagawa ang mga matatanda ng rebulto ng nanolay. Ito ay magsisilbing proteksiyon ng bagong kasal laban sa anumang sakuna sa buhay. Kailangan din nilang gumawa ng imahe ng nanolay mula sa sanga ng kahoy kapag magpapatayo ng balay ang bagong mag-asawa. Ang imahe ay babalutin ng mga lumang damit at saka nila ilalagay sa bubong na tinatawag nilang tarawag. Ang ipinambalot na mga damit ay maaaring ipanggamot kung may kasapi ng pamilya na magkakasakit.

Ang paggawa ng imahe ng nanolay ay may kaakibat na panalangin at pag-aalay ng buháy na manok. Ang manok ay ginagamit sa seremonya ng kasal. Ang mga hita ng manok ay inilalagay sa ampalung at saka iniaalay sa mga magulang ng lalaki at babae kasabay ng pulang kanin na pagsasaluhan sa kasal. Malalim ang kahulugan ng seremonyang ito dahil sinasabi nito kung magtatagumpay o hindi ang buhay ng bagong mag-asawa.

Ang kiring ay apat na piraso ng alahas na gawa sa beads na iniaalay at isinusuot ng babae sa araw ng kasal. Ang una ay ibinibigay para sa kasal, ang pangalawa ay kumakatawan sa pagiging mag-asawa ng ikinakasal, ang pangatlo ay iniaalay para maiwasan ang maaaring pag-aaway ng mag-asawa sa hinaharap at ang pang-apat ay iniaalay para sa maaaring hindi pagkakaintindihan ng mga magulang ng lalaki o babae sa hinaharap. Ang mga beads ay ibibigay sa mismong araw ng kasal bílang mahalagang bahagi ng seremonya.

Ang pabbal ay araw ng pagpunta ng mga magulang ng lalaki sa bahay ng babae para mamanhikan at pag-uusapan ang tungkol sa kasal. Ang mangilin ay ang opisyal na pag-uwi ng babae sa bahay ng lalaki pagkatapos ng kasal. Sa pag-uwi ng babae sa bahay ng lalaki, dala-dala niya ang ampalung, isang basket na gawa sa rattan na may lamáng inandila, kakanin na gawa sa malagkit. Ang kakanin ay siyang pagsasaluhan ng buong pamilya. Ang babae ay kinakailangang nakasuot ng damit pangkasal sa katutubong Gaddang na sasamahan ng kalakayan habang tinutugtog ang gansa. Ito ay mahalagang seremonya para sa maluwag na pagtanggap ng pamilya ng lalaki sa kanilang manugang.

Ang mamabbal, ay ang seremonya ng pag-uwi naman ng lalaki sa bahay ng babae pagkatapos ng kasal. Ang pag-uwi ng lalaki sa bahay ng babae ay bílang pagpapakita ng kaniyang mabuting intensiyon sa pagpapaksal sa babae. Wala kahit anumang dadalhin ang lalaki, maliban sa kaniyang sarili. Makikipisan ang lalaki sa pamilya ng babae hanggang sa makapagpatayo sila ng kanilang sariling bahay.

Ang binatog ay isang natatanging seremonya na ginagawa pagkatapos ng kasal. Karaniwan itong isinasagawa kapag magpapatayo ang mag-asawa ng kanilang sariling bahay. Sila ay magkakatay ng baboy at magluluto ng kanin na kanilang pagsasaluhan. Pagkatapos nito ay maaari pang magkaroon ng pangalawa o pangatlong binatog para lalong mapatatag ang relasyon ng bagong mag-asawa. Pagkatapos na maisagawa ang lahat ng kinakailangang ritwal, saka pa lámang makakampante ang mga magulang na magsasama ang bagong mag-asawa nang matiwasay at tapat sa isa’t isa.

Ang pagbubuntis ay isang mahalagang pagkakataon para sa mga lalaki para ipakita kung gaano nila kamahal ang kanilang asawa. Mahalaga para sa kanila na mabantayan ang kalusugan ng babae habang nagbubuntis. Upang matiyak ang kaligtasan ng ina at ang batang kaniyang ipinagbubuntis, kinakailangan nilang sumailalim sa ritwal ng maddiyut. Ito ay isang panalangin para sa proteksiyon ng buong pamilya lalo na ang buntis na ina at ang kaniyang ipinagbubuntis. Ang panalangin ay isasagawa ng maffuriyat, isang manggagamot na katutubong Gaddang. Bílang bayad, bibigyan ang maffuriyat ng buháy na manok sa kaniyang pag-uwi.

Upang masiguro ang kaligtasan ng mga bagong panganak na batà, isasagawa ang mifuldut, ito ay isang panalangin para mabantayan ang mga bagong panganak na batà hanggang sa kanilang paglaki. Ang ganitong seremonya ay isinasagawa sa ikatlong araw pagkatapos na maipanganak ang batà. Ang ina at ang kaniyang anak ay dadako sa nanolay kung saan nandoon ang palancing, isang kuwintas at bracelet na punô ng mga beads. Ito ay ginagawa ng maffuriyat na ipinapasuot sa batà para maprotektahan laban sa sakit. Bílang báyad, bibigyan ang maffuriyat ng sisiw na may taling puting sinulid sa kaniyang kanang paa na nagpapakita ng pagiging inosente nito.

Ang ritwal ng panggagamot sa mga batà. Kung sadyang hindi maiiwasan ang pagkakasakit, idinadaan nila sa seremonya ang panggagamot. Ang tamoyong ay isang ritwal para sa pagpapagaling sa sakit ng mga batà. Habang sumasayaw ang maffuriyat, papasok ang espiritu sa kaniyang katawan para makapagbigay ng instruksiyon kung paano gagamutin ang táong may sakit.

Ang ritwal ng paglalakbay. Isinasagawa ang seremonyang masso’nga kapag may katutubong Gaddang na maglalakbay sa malayong lugar. Sila ay magkakatay ng manok at ang dugo nito ay ipapahid sa kiray (noo) at sa afa (balikat) ng táong maglalakbay. Sasamahan ng panalangin para siya ay maprotektahan sa kaniyang paglalakbay sa malayong lugar.

Ang ritwal para sa patay. Kapag may namamatay na katutubong Gaddang, hindi muna ito agad na inililibing. Ang kaniyang bangkay ay itinatabi muna sa pika (sibat na gawa sa kahoy) na may tali ang mga binti at saka pinapaupo sa loob ng sinan bawi (kubo) ng tatlo hanggang pitong araw upang matuyo ang kaniyang katawan. Habang pinapatuyo ang katawan ng bangkay, ang mga kamag-anak ng namatay ay nagkakatay ng mga baboy at kanilang inihahanda habang sila ay nagbabantay. Pagkaraan ng pitóng araw, isisilid ang patay sa longon (kabaong) at saka ilalagak sa ansalassa (nitso) saka siya ililibing.

Mabusisi diumano ang mga ritwal na ginagawa noon. Sinisiguro ng mga matatandang Gaddang na maayos na naisasagawa ang mga ritwal para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan balang araw. Ngunit ngayon, ika ng mga kababaihang Gaddang na nakapanayam ng mga mananaliksik ay hindi na nila isinasagawa ang mga nabanggit na ritwal dahil sa kinaaaniban nilang relihiyon.
“Hindi na gaya ng dati na seryosong isinasagawa ang mga ritwal sa kasal, binyag, pangnganak, lalo na kung may namatay na kamag-anak. Makabago na kasi ang panahon. Nawala na ang dáting paniniwala ng mga katutubong Gaddang sa mga ritwal na nakasanayang gawin ng aming ninuno,” “Kung may namatay nga na kamag-anak ay hindi na nagsusuot ng itim na damit ang mga kamag-anak ng namatay. Puting damit na ang kanilang isinusuot at nagkakantahan na lámang ang pamilya sa hulíng gabí bago ang libing. Noon kasi, labis ang pagdadalamhati ng mga namatayan. Ngayon, parang wala lang”, dagdag ng isa sa mga babaeng impormante.

Talahanayan 28. Iba pang Ritwal, Paniniwala at Tradisyon ng Katutubong Gaddang

Ritwal, Paniniwala o Kaugalian ng mga Katutubong Gaddang  Nilalaman at Paliwanag
Paniniwala sa DiyosNaniniwala ang mga katutubong Gaddang sa Diyos. Nandiyan si Nanolay, maylikha ng lahat. Ang Nalubbunan (langit), ang Gudyong (isang mandirigma), ang Bunag (Diyos ng Mundo) at ang Limat (Diyos ng Dagat).
Si KarangatSi Karangat ay pinaniniwalaan ng mga katutubong Gaddang na masamang espiritu. Sakit, sakuna at kapahamakan ang dala ni karangat.
Si MakkammagIto ay isang ritwal na isinasagawa sa loob ng lungab (kuweba). Ang istorya ng makkammag ay ukol sa isang babae na may espirituwal na kakayanan. Ngunit bago siya maging ganap na makkammag, makakaranas muna siya ng sakit hanggang sa maging ganap na siyang banal.
Ang WaritAng warit ay isang ritwal na gumagamit ng tubig sa kaniyang seremonya. Iwiniwisik ang tubig sa ulo at sa katawan ng may sakit habang humihiyaw ang manggagamot ng “Afu, a maragkal a espiritu (Diyos, tanggalin ang masamang espiritu).”
Ang MalwaringAng malwaring ay ang mga dapat at hindi dapat gawin upang hindi mapahamak ang búhay ng anak. Ito ay dapat na maisagawa upang maging maayos ang paglaki ng isang batà.
Ang ManakAng manak ay isang ritwal ukol sa panganganak. Kapag malápit nang manganak ang isang ina, bawal sa kaniya ang kumain ng dekat (matamis na kakanin), inse (niyog na may asukal) at kambal na saging dahil maaari itong magdulot ng paghihirap sa panganganak.
Ang MangugitAng mangugit ay pagtuli sa mga kabataang lalaki. Karaniwan itong isinasagawa kasama ang kanilang mga kaibigan. Kapag bagong tuli, kinakailangang linisin ito ng pinaglagaan ng dahon ng bayabas at iwasang makita ng mga babae dahil ito ay maaaring mamaga.
Ang MangatawaAng mangatawa ay isang pinagkayariang pag- aasawa ng mga bagong siláng na sanggol. Isasagawa ang pagtatakda sa pamamagitan ng pagtagay ng alak na tinatawag na vinarayan at mama. Itatakda ng mga magulang ang pag-aasawa ng dalawang halos magkaedad na sanggol kapag sila ay nása tamang edad na.
Ang ManamayAng manamay ay paniniwala ng mga katutubong Gaddang na ang isang tao ay sinasaktan ng masamang espiritu na tinatawag na mammanamay. Kapag kumakati diumano ang katawan at may uod na lumalabas sa sugat, ang tao ay sinasabing natallongan.
Ang NatallonganAng natallongan ay paniniwala ng mga katutubong Gaddang na ang kaluluwa ng namatay na kamag-anak ay pumapasok sa katawan ng buháy na tao. Ito ay nag-uugat sa paniniwalang ang namatay ay hindi nakapagpaalam nang maayos bago siya namatay kayâ siya sumasanib.

Sa panahon ng immersion sa Solano, nagkataon na may namatay na matandang
laláking Gaddang. Napansin na sa panahon ng paglalamay, matiyagang dumadamay ang mga kaibigan at malalapit na kamag-anak ng pamilya. Ilan sa mga isinasagawa sa panahon ng lamay ay ang pagsusuot ng mga kamag-anak ng puti at itim na damit, paghahanda ng pagkain, paglalaro, pagkukuwentuhan at pagkakantahan. Malimit din ang pagdalaw ng mga bisita para magsagawa ng necrological service bagaman hindi sila kaanib ng relihiyon ng pamilyang namatay. Sa araw ng libing, sa simbahang katoliko dinala ang patay at saka pinamisahan sa isang pari bago inihatid sa sementeryo.

Alinsunod sa mga Council of Elders ng Solano, wala na nga daw ipinagkaiba ang mga ritwal na ginagawa ng mga katutubong Gaddang sa iba pang tribu o grupo ng mga tao. Ito ika nila, ay impluwensiya ng iba’t ibang relihiyon na malayang sinasalihan ng mga pamilyang Gaddang. Maging sa mga kasal at binyag ng mga bagong panganak na sanggol ay karaniwan na ring isinasagawa batay sa mga ritwal na sinusunod ng kanilang kinaaanibang relihiyon.

Dahil din sa turo ng relihiyong kanilang kinaaaniban, unti-unti na ring nawawala ang makalumang paraan ng panggagamot sa tuwing sila ay nagkakasakit. Madalas, sa doktor ang punta sa tuwing sila ay nagkakasakit at kung sadyang malala ay sa pinakamalapit na ospital sila humahantong para magpagamot. Ang lahat ng ganitong pananaw ng mga katutubong Gaddang sa panggagamot ay bunga pa rin ng mabilis na pagbabago ng panahon at impluwensiya ng kapaligiran. Niyakap na ng karamihan ng mga katutubong Gaddang ang Kristiyanismo, sapat upang ganap na nilang makalimutan ang mga nakasanayang kultura kapag may ipinapanganak na bagong sanggol, may kasal, may nagkakasakit, may namatay na kamag-anak o may inililibing.


Larawan 25. Ang mga mag-aaral ng Bayombong West Elementary School sa pagpapamalas nila ng sayaw

Sa ulat ng Philippine Information Agency (2015), malaking bahagdan ng mga mamamayan ng Nueva Vizcaya ay kabílang sa Romano Katoliko na umaabot sa pitumpung bahagdan (70 bahagdan). Ang ibang mga pananampalataya ay ang Aglipayan Church na may halos dalawampung bahagdan (20 bahagdan) at ang natitirang sampung bahagdan (10 bahagdan) ay kabílang sa Baptist Church, Iglesia Ni Cristo, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Jehovah’s Witnesses, Seventh-day Adventist at iba pang Evangelical Christians at Muslims. Dahil sa matinding impluwensiya ng relihiyon na kanilang kinaaaniban, tuluyan nang nagbago ang kultura at tradisyon ng mga katutubong Gaddang.

Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang

Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang  Kultural ng mga Gaddang. 

RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi  ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang  nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala. 

Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:

Joey M. Villanueva  
Ma. Rousselle G. Jandoc 
Denny B. Jamil 

PAUNAWA. Hindi inilathala ang manuskritong ito. Ang pagkopya at pamamahagi sa  publiko ay ipinagbabawal.

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com

KWF Repositoryo ng Wika at Kultura ng Pilipinas 2021

Para sa mga komento at suhestiyon, maaaring mag-email sa kwf.repositoryo@gmail.com

May restriksiyon


KINAKAILANGANG MAGPA-REGISTER

Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.