Lingguwistikong Etnograpiya ng Gaddang

Sistemang Pangkabuhayan

Uri ng Hanapbuhay ng mga Sinaunang Gaddang

Ilan sa mga kasanayan ng mga katutubong Gaddang ay ang swidden agriculture, pangangaso, pangingisda at ang pakikipagpagpalitan (barter) ng mga produktong nagmumula sa kagubatan, ngunit sa paglipas ng panahon ay nagbago ito kasabay ng pag-usbong ng kolonisasyon, Kristiyanismo at edukasyon. Ang karamihan sa mga katutubong Gaddang ay nagpasyang manirahan sa isang lugar. Dinagdagan nila ang kanilang pangkabuhayan sa pamamagitan ng pagtatanim ng tabako at mais bílang pamalit sa swidden rice na siyang pangunahing pananim (Lambrecht, 2003).

Abafini ang tawag ng mga katutubong Gaddang sa panahon ng paglaki ng kanilang pananim na palay. Kasabay ng mga tabako at mais, ang pagtatanim ng mga gulay, mani, mga bungang-kahoy, saging at tubó ang iba pa nilang pinagkakakitaan. Ito ay tinatawag na mamula sa wikang Gaddang na nangyayari sa mga buwan ng Enero hanggang Hulyo.

Dagdag sa palay, ang tabako ay itinatanim minsan sa isang taon sa buwan ng Nobyembre o Disyembre, depende sa pagsisimula ng tag-ulan. Ang mga gulay gaya ng papet (ampalaya), balansina (talong), sili (sili), saluyot (okra), kalubasa (kalabasa), tafungao (upo), danggo (sibuyas), at lokia (bawang) ay itinatanim sa buong taon.

Sila rin ay nag-aalaga ng bafuy (baboy), ganding (kambing), pabu (pabo), at manuk (manok) para sa kanilang konsumo sa karne. Ang daffug (kalabaw) at báka naman ay kanilang katuwang sa mga gawain sa bukid, habang ang kabayu (kabayo) ay ginagamit para sa kanilang transportasyon.

Ginagamit nila noon sa pagsasaka ang palatao (gulok), tabas (tabak), kumpay (karit), anliligan (gilingan), patuki (hinihila ng kalabaw na gawa sa kawayan), aradu (araro) at kariton (hinihila ng kalabaw na may gulong) at iba pang ginagamit sa paghahanda ng lupa bago taniman.


Larawan 19. Ang malawak na sakahan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya

Uri ng Hanapbuhay ng mga Katutubong Gaddang Ngayon

Kilala sila sa mabibigat na trabaho para masuportahan ang kanilang pamilya. Unang-una sa mga pangunahing hanapbuhay nila noon ay pagsasaka. Noong 1609, sa pamamagitan ni Padre Tomas Guttierez na isang Dominikong Pari, kaniyang ipinag-utos na okupahan na ang Burubur, bahaging ilog ng Nueva Vizcaya. Nakita niya ang mga katutubo na naninirahan sa lugar na ito nang tahimik at payapa. Naging pangunahing hanapbuhay nila ang pagsasaka, pagtatanim ng kamote at gabi at iba pang uri ng gulay na maaaring mapakinabangan.

Para matulungan ang mga magsasakang katutubo na mapabuti ang kanilang uri ng pagsasaka, noong 1775, nagdala ang mga misyonaryo ng mga makabagong paraan sa pagsasaka na hinango sa mga lalawigan ng Pangasinan at Pampanga. Ipinakilala ni Padre Francisco Antolin noong 1777 ang pagtatanim ng mangga, cacao, niyog, kape at iba pa. Dahil dito, lalong naging mahusay ang pamumuhay ng mga tao kabílang ang mga katutubong Gaddang (Lambrecht, 2003).

Maliban sa pagsasaka, natutuhan din nila ang pag-aalaga ng mga hayop. Dahil bulubundukin ang lalawigan ng Nueva Vizcaya, naging maganda ang pag-aalaga ng mga báka sapagkat malawak at malalago ang mga damo dulot ng malamig na panahon. Ang pag-aalaga ng mga báka ay nagsimula noong 1764 nang ang Igorot na si Lindug mula sa Bokod, Benguet, Mountain Province ay nagtayo ng kanilang rancho sa Ahanas, na ngayon ay kilala bílang bayan ng Aritao. Maliban sa mga báka, naging bahagi rin ang kalabaw at kabayo sa mga hayop na kanilang inalagaan.


Larawan 20. Ang pag-aalaga ng hayop ay isa sa mga alternatibong pinagkakakitaan ng mga katutubong Gaddang

Simple lámang ang paraan na sinusunod ng mga magsasakang Gaddang sa pag- aalaga ng hayop. Kadalasang nakatali lámang ang mga ito sa silong, tabi o harapan ng kanilang mga bahay. Marami sa kanila ang nagmamay-ari ng baka, daffug, kabayu, at ganding; ang ilan ay nagmamay-ari ng mga manuk, gogawa at pabu na kadalasang malayang namumuhay sa kanilang mga bakuran. Ang kanilang alagang hayop ay maaaring makapagdagdag konsumo sa loob ng bahay habang ang iba ay kinakatay o ibinibentang buhay sa palengke para makaagapay sa pang-araw-araw na buhay. Bagaman hindi ganoon kalaki ang kanilang kinikita sa pag-aalaga ng hayop, naniniwala sila na malaking bagay pa rin ang naibibigay nito sa panahong mababa ang kanilang kinikita sa pagsasaka.

Talahanayan 25. Mga Piling Katawagan ukol sa mga Agrikultural na Hayop

English Filipino Lowland Gaddang Highland Gaddang
bird (generic)ibonmammanokmammanok
carabaokalabawdaffugdaffug
chickenmanokmanokmanuk
crocodilebuwayalamaglamag
crow (bird)uwakgayanggayang
deerusauttautta
dogasoatoato
duckpatogogawagogawa
eeligatiyatiyat
fishisdabusiladbusilad
frogpalakatukaktukak
goatkambinggandinggalding
monkeyunggoy/matsinguwawuwaw
pigbaboybafuybafuy
ratdagaakadakad
snakeahasirawulag
turtlepagongdaggadagga

Makikita sa talahanayan ang ilang katawagang ginagamit ng mga katutubong Gaddang sa mga agrikultural na hayop na karaniwang makikita o inaalagaan nila sa kanilang bakuran. Halos lahat ng mga kahulugang ibinigay ay magkakaparehas maliban sa snake na tinumbasan ng mga Lowland Gaddang ng iraw at ulag naman sa mga Highland Gaddang. Ang chicken – manok/manuk ay nagkaiba lamang sa ponemang o at u at ang goat – ganding/galding na nagkaiba lang sa ponemang n at l.

Maliban sa pag-aalaga ng mga hayop, naging maunlad din ang kita ng mga katutubo sa pagmimina at likás na yaman. Ang pagiging bulubundukin at pagkakaroon ng malawak na kagubatan na may malalabay na punongkahoy at malinis na tubig ang dahilan kayâ pinasok nila ang ganitong trabaho. Makikita ang malaking bahagi ng likás na yaman sa ilang bayan ng Nueva Vizcya, gaya ng Bagabag, Bambang at Kayapa. Samantalang ang bayan ng Kasibu ang tinaguriang hanguan ng ginto sa panahong ito.

Sa ngayon, agrikultura pa rin ang pinakanangungunang hanapbuhay ng mga mamamayan na mga katutubong Gaddang. Karaniwan ang palay, mais, prutas at gulay ang itinatanim sa kanilang sakahan. Maliban sa mga nabanggit, mataas din ang produksiyon ng lalawigan sa citrus fruits gaya ng pomelo, ponkan (chinese honey orange) at kahel (oranges). Dahil masagana ang tubig na umaagos dulot ng mga irigasyong pinopondohan ng pamahalaan at mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka na libreng ibinabahagi ng mga pang-agrikulturang sangay ng pamahalaan, naging bihasa ang mga mamamayan sa pagsasaka at lalong tumaas ang kanilang kita mula rito.

Talahanayan 26. Mga Katawagan ukol sa mga Produktong Pang-agrikultura

English Filipino Lowland Gaddang Highland Gaddang
abacaabakaabakabassi
banana (generic)sagingbâtaba’t
coconut (mature)niyogiyogayug
coconut (young)bukokanebongnarikit ta ayug
eggplanttalongbalansinabalansina
flowerbulaklaklappawlappaw
fruitprutasbunga 
gingerluyalayalaya
grassdamokaddatkaddat
nipanipasilagbawi
peanutmanimaniamani
rattanyantokuwwayuwway
rice (unhusked)palaypaytudda/baggat
sugarcanetubounatunat
sweet potatokamotekamotegassilang

Batay sa talahanayan sa itaas, ang mga salitáng naitiman ay may magkaibang kahulugan samantalang ang mga hindi naitiman ay may taglay na parehas na kahulugan. Ang salitang abaca – abaka, fruit – bunga at sweet potato – kamote ay hiram sa wikang Tagalog. Samantalang ang banana – ba’t/aba’t, at peanut – mani/amani ay nagkaiba lamang sa isang ponemang /a/. Gayunman, nananatili pa rin ang magkasintunog na bigkas at kahulugan.

Bagaman, maraming ayuda ang maaaring matanggap ng mga magsasaka sa pamahalaan, hindi pa rin nila maiiwasan ang tamaan ng sakuna na nagiging mabigat na pasanin para sa kanila. Natunghayan ng mga mananaliksik kung paanong umikot ang buhay-magsasaka ng mga katutubong Gaddang. Sa panahong ito, katatapos na sinalanta ng bagyong Ompong ang buong lalawigan ng Nueva Vizcaya kayâ nasira ang kanilang mga pananim na palay, saging at mga gulay. Gayunman, patuloy ang búhay sa pamamagitan ng pag-aalaga ng mga hayop na maaaring pamalit sa bumagsak na kita dahil sa masamang panahon.

Makikita sa ibabang mga larawan ang pinsalang dulot ng bagyong Ompong. Higit na tinatamaan ang sektor ng agrikultura sa tuwing may malalakas na bagyo sa alinmang panig ng bansa. Sa ganitong pagkakataon, kinakailangan ang pagsisipag at magdoble-kayud upang mapunan ang nawalang kita dulot ng bagyo, ika ng isa sa mga nakapanayam na magsasaka.


Larawan 21. Pinsalang dulot ng bagyong “Ompong” sa mga pananim ng mga katutubong Gaddang sa Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya

Sa isang ulat na ipinalabas noong Setyembre 18, 2018 ng Philippine Information Agency sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, binanggit nila na nag-iwan nang hindi bababa sa P280 milyong piso ang pinsalang dulot ang bagyong Ompong. Maliban sa mga pananim na palay na higit na sinalanta ng bagyo, sinalanta rin ang mga pananim na mais, saging, mga gulay gayâ ng kamatis, talong, repolyo sili at marami pang iba.

Umaaabot diumano sa 11,793 metric tons ang pinsala ng bagyo na tinatayang nása 80 bahagdan ng mga mamamayan ng lalwigan ang naging apekatdo kabílang ang mga magsasakang katutubong Gaddang. Nakapanayam ng mga mananliksik ang ilang magsasakang apektado ng bagyo at kanilang sinabi na sanay na sila na sinasalanta ng bagyo lalo na kung malapit nang anihin ang kanilang mga pananim. Bagaman masakit sa damdamin at sa bulsa, tanggap na rin diumano nila ang ganitong pangyayari. Ang tangi nilang ginagawa ay ang maghanap ng ibang mapagkakakitaan upang makapagpatuloy ang buhay at babawi na lámang sa mga sumusunod na taniman.

Idinagdag din ng mga impormante na karamihan sa kanila ay mga nakikisaka lámang sa mga tunay na nagmamay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka. Kayâ kapag may mga delubyo, nawawalan sila ng pagkakakitaan kayâ kinakailangan nilang mag-isip ng pamalit na hanapbuhay upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ang pangangaso ay dáting ginagawa ng mga katutubong Gaddang noong hindi pa masyadong nakakalbo ang mga bundok na nakapalibot sa Nueva Vizcaya. Maraming húling baboy ramo na kadalasang ibinibenta sa palengke at ang bahagi nito ay inuulam ng pamilya. Maliban sa mga baboy ramo, malimit din diumano siláng makahuli ng usa, bayawak at iba pang ligaw na hayop. Sa ngayon ika nila, ay hindi na bahagi ng kanilang hanapbuhay ang pangangaso sapagkat wala nang mga gumagalang ligaw na mga hayop sa
mga kabundukan ng Nueva Vizcaya.

Ang pangingisda ang isa sa mga natitirang alternatibong mapagkakakitaan ng katutubong Gaddang. Dahil malapit sila sa ilog, naging bahagi na ng kanilang hanapbuhay ang pangingisda. “Tumataas lang ang aming kita sa pangingisda sa panahon ng tag-ulan, lalo na sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto” ika ng isa sa mga nakapanayam ng mga mananaliksik. Idinagdag pa niya, “sa panahong kami ay naghihintay na mamunga at maani ang aming itinanim na mga palay at mais, pangingisda ang aming pinagkakakitaan.” Maaari diumano siláng kumita ng dalawa hanggang tatlong daang piso sa isang araw at kung susuwertehin ay umaabot hanggang limangdaan o mahigit pa.

Dagdag pa ng nabanggit na impormante, noong panahong hindi pa nasisira ang ilog, kumikita sila ng umaabot sa isanlibong piso kada araw dahil sadyang masagana ang húli ng isda. Sa ngayon, ika pa niya, marami na rin ang nanghuhuli ng isda na nanggagaling sa ibayong barangay kayâ lubhang mahirap na para sa kanila ang kumita pa ng malaki-laki sa pangingisda. Ang pagbagsak ng húli ng isda dulot ng pagbabaw ng ilog ay pinatotohanan ni G. Leo Velasco, guro ng kursong pangingisda sa Nueva Vizcaya State University. Sinabi ni G. Velasco na posible diumanong bumagsak ang húli kapag nasisira ang tirahan (natural habitat) ng mga isda. Kapag diumano nabubulabog ang kanilang tirahan, natututo ang mga isda na lisanin ang kanilang tirahan. Idinagdag pa niya na kapabayaan din ng mga tao ang dahilan kung bakit unti-unting nauubos ang mga isda sa ilog.

Ang walang habas diumanong pagtatapon ng basura na nakakain ng mga isda kayâ sila nalalason ay isang matinding dahilan ng kanilang panghihinang mangitlog o kayâ ay kanilang ikinamamatay. Kailangang respetuhin ang kanilang tirahan para mas mabilis diumano siláng mangitlog at dumami. Maaari din daw maparami ang isda kung huwag munang manghuli ang mga mangingisda ng mga tatlo hanggang limang buwan para makakabawi ang mga isda ng kanilang lakas at may mas malaking posibilidad na tataas ang kanilang produksiyon.

Tinanong din ng mga mananaliksik kung ano-ano ang mga ginagamit nila sa panghuhuli ng isda. Ilan sa mga malimit nilang ginagamit sa pangingisada ang alat, patuki, karaseng (paglalagyan ng dalag), kattad (panghuli ng dalag), baluybuy, pasiking, angngallut (lambat), salikap (panghuli ng paniki). at iba pa. karamihan ay gawa sa kawayan at yantok.


Larawan 22. Mangingisda ng Paitan at Salvacion, Bayombong, Nueva Vizcaya

Sa panahong walang trabaho sa bukid at mahina ang húli ng isda, ang ilang katutubong Gaddang ay namamasada ng bangka para itawid ang mga pasahero sa ilog sa pagitan ng Salvacion at Paitan. Sa maghapong pamamasada ng bangka, ang isang bangkero ay maaaring kumita ng isa hanggang tatlong daang piso maghapon. Limang piso ang pasahe ng bawat tao na sumasakay sa bangka.

Gayunman, may mga panahon na mahina ang kita sa pamamasada ng bangka lalo na kapag Sabado at Linggo o sa tuwing walang pasok sa eskuwelahan o opisina. Karamihan diumano sa mga pasahero ng bangka ay mga estudyante at empleyado na gáling Paitan at nag-aaral o nagtatrabaho sa bayan ng Bayombong. Malimit din daw na sa traysikel na sumasakay ang mga pasahero kahit mas mahal ang pasahe kaysa sa bangka. Sa ganitong panahon, nababakante ang pasada kayâ kailangan nilang maghanap ng ibang mapagkakakitaan para maitawid ang pang-araw-araw na buhay.


Larawan 23. Mga pasahero ng bangka sa ilog na nagdudugtong sa mga barangay ng Paitan, Salvacion at Vista Alegre Bayombong, Nueva Vizcaya

Ang pamamasada ng traysikel at pagkakarpentero ay ilan pa sa mga alternatibong kanilang pinagkakakitaan. Habang ang mga babae naman ay tumatanggap ng labada upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Ika ng ilang impormante, kailangan nilang magsipag para mabuhay. Lahat ng uri ng mapagkakakitaan ay káya nilang pasukin mabuhay lámang ang kanilang pamilya.

Pagpasok sa trabaho sa mga pampubliko at pampribadong ahensiya, pagtuturo, pagtatrabaho sa ibang mauunlad na lugar sa bansa ang ilan din sa kanilang hanapbuhay. Ito ang mga katutubong Gaddang na nakapagtapos ng pag-aaral. Kanila lámang ginagamit ang kursong natapos para kanila itong mapakinabangan. Marami rin sa kanilang mga kamag-anak ang nangingibang-bansa. Kung hindi sila nagtatrabaho bílang Overseas Filipino Worker (OWF), ang iba ay sadyang doon na nakatira at bumuo ng pamilya. Hindi diumano maiiwasan na mangibang-bansa dahil nakikita nila ang mas magandang oportunidad sa pangingibang-bansa.

Sa isandaan at apatnapung impormante (140 informants) na kinapanayam ng mga mananaliksik, lumalabas na pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay o kanilang pinagkakakitaan hanggang ngayon. Umabot sa tatlumpu’t apat (34) ang nagsabi na sila ay magsasaka na may katumbas na 24.288 bahagdan. Pinakamarami sa mga nagsabi na magsasaka sila ay nása edad na 60-pataas na may bílang na 17 (12.144), kasunod ang mga may edad na 40–59 na umabot sa 13 (9.287) at edad 20–39 na may 4 (2.857) lámang. Maliwanag na napanatili pa rin ng mga katutubong Gaddang ang orihinal na uri ng kanilang hanapbuhay o pinagkakakitaan gaya ng mga sinaunang katutubong Gaddang.

Sumunod na pinakamarami maliban sa pagiging taumbahay/maybahay (walang trabaho) na nagtala ng bílang na 28 (19.999) at estudyante na may kabuuang bílang na 21 (15.000) ay ang pagiging isang negosyante na may 10 (7.143) mula sa edad na 60 pataas; 7 (4.999) sa mga edad na 40–59 at 2 (11.429) lámang sa mga edad na 20–39 at may kabuuang bílang na 19 (13.571). Pinakamababa ang pangingisda na may 1 (0.714) lámang at nagmula sa edad 40–59.

Mapapansin na may ilan na nagsabing sila ay retiradong empleyado, kagawad ng barangay, labandera, drayber, karpentero, nagtatrabaho sa parlor, empleyado ng gobyerno o pribadong opisina, propesor ng unibersidad o guro at naghahabi ng tela. Ibig sabihin ng estadistika na hindi na lámang sa pagsasaka umaasa ng mapagkakakitaan o hanapbuhay ang mga katutubong Gaddang. Gaya ng ibang lahi/tribu, sila ay natuto na ring pumasok sa iba’t ibang uri ng hanapbuhay at magtrabaho sa gobyerno o alinmang pampribadong sangay.

Samanatalang sinususugan naman ng estadistika ang mga nabanggit ng mga nakapanayam ng mga mananaliksik na mangingisda sa Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya na nagsabing hindi na mahusay na pagkakitaan ang pangingisda ngayon. Mababa kundi halos wala nang kita sa pangingisda dalá ng pagkasira dulot ng sunod-sunod na bagyo at kapabayaan ng mga táong nakatira malapit sa ilog. Idinagdag pa nila na
suwertehan na lámang kung kumita nang malaki dahil maraming kakumpetensiya na gáling sa mga ibayong barangay. Kayâ napipilitan sílang magbago o maghanap ng ibang mapagkakakitaan para may ipanustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Talahanayan 27. Uri ng Hanapbuhay o Pinagkakakitaan ng mga Katutubong Gaddang

Uri ng Hanapbuhay/
Pinagkakakitaan
60-Pataas 40-59 20-39 

19- 

19-Pababa

Kabuuan
%
Magsasaka1712.144139.28742.857  3424.288
Taumbahay/
Maybahay
107.14396.42896.428  2819.999
Negosyante10 7.14374.99921.429  1913.571
Retiradong
Empleyado
10 7.1430.714     117.857
Kagawad ng Barangay 21.42910.714    32.143
Labandera3 2.143      2.143
Estudyante    6.428 12 8.57221 15.000
Drayber0.714  10.71421.429   2.857
Karpentero0.714  10.71410.714  2.142
Nagtatrabaho
sa
Parlor
1 0.7141 0.714     21.429
Empleyado
Gobyerno/
Pribado
0.714 1.429 2 1.429  3.572
Propesor
sa
Unibersidad/Guro
  2.143 10.714  2.857
Naghahabi ng
Tela
   2 1.429    1.429
Mangingisda   1 0.714    0.714
Kabuuan 56 40.001 42 29.999 30 21.428 12 8.572 140 100

Malaking bahagi ng kabuhayan ng mga sinaunang Gaddang ang kanilang kapaligiran. Dahil hindi laganap ang kalakaran at iba pang kaugnay na hanapbuhay, umaasa ang mga katutubong Gaddang sa mga likás na yaman para mabuhay. Pagsasaka ang pinkasentro ng kanilang hanapbuhay noon pa man. Dahil malawak ang lupain, natutuhan nila ang pagtatanim ng palay, mais, niyog, abaka, pinya, tabako, kape, gulay at mga bulaklak. Maliban sa pagsasaka, nakilala din sila sa pangingisda. Pamimingwit, pamamana, paggamit ng lambat at sibat at marami pang ibang paraan para makapanghuli ng isda. Ang ganitong hanapbuhay ay naging laganap lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog at dagat. Idagdag pa ang pangangaso na naging pamilyar para sa mga Pilipino. Nanghuhuli sila ng mga maiilap na hayop gaya ng usa at baboy ramo gámit ang kanilang mga pana, sibat at punyal. Natuto rin sila sa pagmimina ng ginto, bakal, tanso at pilak.

Lingguwistikong Etnograpiya ng Wikang Gaddang

Karapatang-sipi © 2021 ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Katutubong Pamayanang  Kultural ng mga Gaddang. 

RESERBADO ANG LAHAT NG KARAPATAN. Walang bahagi  ng librong ito ang maaaring sipiin o gamitin nang walang  nakasulat na pahintulot mula sa may-akda at tagapaglathala. 

Mga mananaliksik at sumulat ng manuskrito:

Joey M. Villanueva  
Ma. Rousselle G. Jandoc 
Denny B. Jamil 

PAUNAWA. Hindi inilathala ang manuskritong ito. Ang pagkopya at pamamahagi sa  publiko ay ipinagbabawal.

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO
Gusaling Watson, 1610 Kalye JP Laurel
1005 San Miguel, Maynila
Tel. 02-8733- 7260 • 02-8736- 2525
Email:komisyonsawika@gmail.com

KWF Repositoryo ng Wika at Kultura ng Pilipinas 2021

Para sa mga komento at suhestiyon, maaaring mag-email sa kwf.repositoryo@gmail.com

May restriksiyon


KINAKAILANGANG MAGPA-REGISTER

Upang maakses ang tampok na ito ng website, kinakailangang magrehistro upang magkaroon ng akawnt.